Sabi nila, “Live life to the fullest.” Pero paano kung may mga bagay na humahadlang para magawa mo ito?
Minsan hindi madaling gawin ang mga na gusto mo dahil sa iba’t ibang dahilan. Ilan lamang dito ang guilt o konsensya, takot na magkaroon ng conflict, o pag-aalala na baka selfish o makasarili ito. Pero dapat mong tandaan na ang pag-prioritize ng iyong sarili ay normal lang gawin at mentally healthy para sa iyo–ang tawag dito ay pagiging advocate ng iyong sarili o self-advocate.
Anong ibig sabihin ng self-advocate?
Ang pagiging advocate ng iyong sarili ay nangyayari kapag:
- Sinasabi mo kung ano ang tunay na saloobin mo.
- Pinaglalaban mo ang mga bagay na pinaniniwalaan mo at mahalaga sa iyo.
- Alam mo ang mga karapatan mo at kaya mo itong ipaglaban.
- Responsable ka para sa mga desisyong ginagawa mo para sa iyong sarili na makaaapekto sa iyong buhay.
Manindigan. Karapatan mong maging self-advocate o magdesisyon para sa sarili, pero dapat ready ka rin sa pwedeng consequences o kahihinatnan nito. Kaya dapat maging matalino sa mga choices mo!
‘Wag magpadala sa peer pressure. ‘Di porke’t uso ay gagaya ka na lang din. Laging pag-isipang mabuti kung ano ang tama sa mali. ‘Wag isakripisyo ang values na pinapahalagahan mo. Tandaan na may sarili kang isip at desisyon. Suriin din kung mabuting impluwensya ang mga tao sa paligid mo.
Pakinggan ang payo ng nakatatanda pero tandaan na may sarili ka pa ring desisyon. Maaaring may mga pananaw sila na ‘di ka sang-ayon. Intindihin ang perspective nila at ipaintindi rin ang saloobin mo sa maayos na paraan. May mapupulot na aral mula sa experience ng nakatatanda, at gayon din sa mga mas bata.
Hindi sila forever nandyan at darating ang oras na ikaw na mismo ang kailangan mag-desisyon para sa sarili mo, kaya dapat maging wais at matutong mag-isip para sa sarili!
Ang pagiging self-advocate ay ‘di ibig sabihin na puro “self” na lang ang iniintindi. No person is an island kaya natural lang na may ibang aspeto na nakakaimpluwensiya sa atin. Ang mahalaga ay kahit anong kinakaharap mo, isinasaalang-alang mo pa rin ang kapakanan mo, ‘di mo pinapabayaan ang sarili mo, at higit sa lahat ay nirerespeto mo ang karapatan ng lahat at wala kang tinatapakang ibang tao.
Siguro narinig mo na ang advice na “love yourself”, pero paano nga ba ito gawin?
Narito ang ilang reminders at tips kung paano alaagan at mahalin ang sarili sa pisikal, emosyonal, mental, at sosyal na paraan:
1. Tandaan na hindi makasarili ang self-care.
Pag inalagaan mo ang sarili mo, mas may kakayahan kang suportahan ‘di lang ang sarili, pati na rin ang mga mahal mo sa buhay. Kaya ‘di talaga ito selfish!
Iba-iba tayo ng itinuturing na self-care. Pwedeng ang online shopping, panonood ng movies, o paglalaro ng video games ay self-care. Pero ‘wag kalimutan na ang pagsunod sa healthy lifestyle ay self-care din. Kumain ng balanseng pagkain, regular na mag-ehersisyo, matulog nang sapat na oras, maging malinis sa katawan at paligid, at iwasan ang sobrang pag-gastos. Nakatutulong din ang mga ‘yan sa emotional at mental health!
2. Maniwala sa sarili mong kakayahan.
Ika nga ay give credit where credit is due. Pinaghirapan mo ‘yan kaya #dasurv mo maging proud sa achievements mo! Maging confident sa mga kaya mong gawin pero tandaan na may potensyal ka pang mag-improve. At kung ‘di ka magaling sa isang bagay ngayon, ‘di ibig sabihin na hanggang dun ka na lang. Practice makes progress kaya go lang nang go!
3. Mag-set ng #GOALS sa buhay.
Maaaring iba ang pangarap o expectations ng ibang tao para sa’yo pero in the end, buhay mo pa rin ‘yan. Matutong mangarap para sa sarili. Kung ngayon ay lost ka pa o wala pang ideya sa gusto mo sa future, okay lang ‘yan! Hindi nabubuo ang pangarap overnight kaya take your time.
Pero kung alam mo na ang gusto mo sa buhay, make sure na umaksyon ka para ma-achieve ito. Mananatiling pangarap lang ang mga nais mo kung ‘di ka gagawa ng paraan para mapalapit sa mga goals mo.
4. Maglaan ng oras para sa mga bagay na nagpapasaya sa’yo.
Importanteng ma-achieve ang goals, pero mahalaga rin na mag-enjoy sa buhay! Mag-relax at magpahinga rin dahil tao ka lang. ‘Di rin maganda ang palaging busy. Maglaan ng oras para sa mga hobbies mo. O kaya naman magkaroon ng quality time kasama ang pamilya at mga kaibigan.
5. ‘Wag kalimutan na mahalaga ka at may karapatan maging masaya.
Ang kakayahan na mag-desisyon para sa ikabubuti mo ay naka-ugat sa paniniwala na deserve mo ng pagmamahal at masayang buhay. ‘Wag i-base ang pagpapahalaga sa sarili sa kung anong tingin o pagtrato sa’yo ng iba. Importante ka at deserve mo ang magandang kinabukasan.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Deserve ng lahat ng tao ang pagmamahal at aruga, at pwede itong manggaling sa sarili. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nariyan ang iba para itaguyod ka, kaya dapat matutong ipaglaban ang sarili at ang mga gusto sa buhay.
Sa mga desisyon mo, importante na isipin ang kapakanan ng iba, pero pareho lang din na mahalagang isaalang-alang ang mga nais at nararamdaman mo.
Buhay mo ‘yan at wala nang iba, kaya you do you, bestie!