Kilig na kilig si Joan* nang ibinigay niya ang kanyang matamis na “Oo” sa kanyang bagong boyfriend na si Mark*. Ngayong opisyal na silang mag-jowa, napapaisip ngayon si Joan: Sa anong mga bagay ba siya umoo? Bilang girlfriend ni Mark, may mga bagay kaya na kailangan na niyang gawin?
Katulad ng maraming kabataan, lalo na ang mga nagsisimula nang makipagrelasyon, mahalagang maintindihan ni Joan ang konsepto ng consent.
Ang consent, sa pinakasimpleng depinisyon, ay ang pagbigay o paghingi ng pahintulot at pagpayag. Hindi lang sa isang romantic na relasyon kailangan i-practice ang consent, sa pang araw-araw ay nagpa-practice tayo ng consent. Halimbawa, kapag kailangan mong gamitin ang cellphone ng kaibigan mo, kailangan mong humingi ng pahintulot o consent mula sa kanya dahil siya ang nagmamay-ari nito. Ito ay isang pagrespeto at pagkilala sa kanyang personal boundaries.
Sa pakikipagrelasyon importante ang pag-practice ng consent, lalo na sa pakikipagtalik at anumang gawaing sekswal. Ang tinatawag na “Platinum Rule”: Gawin lamang sa iba kung ano ang gusto nilang gawin sa kanila. Ibig sabihin, hindi natin pipilitin ang isang bagay sa ibang tao kung ayaw nila itong gawin. At bago natin gawin ang isang bagay sa kahit sinong tao, kailangan nating siguraduhin na tunay nila itong ginusto.Dahil sa isang sekswal na gawain kapag hindi ito ginusto o napilitan lang ang isang tao, ito ay labag sa batas. Kaya’t mahalagang pag-usapan ang konsepto ng consent at ano ba ang tunay na kahulugan nito.
Ito ang limang bagay na dapat natin alamin at isabuhay tungkol sa consent o pagpayag.
1. Ang consent ay isang malinaw na pagkakasundo.
Ito ang pinaka-basic na kahulugan ng consent sa konteksto ng pakikipagtalik at iba pang mga gawain tulad ng paghalik, pagyakap, o paghawak. Dapat ay malinaw itong napagkasunduan. Sigurado ka bang pumayag ang iyong katalik? O nag-assume ka lang base sa kanyang pananamit o sa relasyon mo sa kanya? Inisip mo lang bang ‘G!’ siyang makipagtalik dahil nakipag-inuman o nakipag-date siya sa’yo? Huwag mag-assume!
2. Ang consent ay kusa at malayang ibinibigay.
Sa lahat ng desisyon na ginagawa natin mahalagang ginusto natin ito at hindi dahil napipilitan lang o tinatakot. Halimbawa nito ay ang pagsama sa isang party: gusto mong sumama sa party dahil gusto mo ang mga makakasama mo at masaya ka, hindi dahil napilitan ka lang. Ganoon din sa pakikipagtalik. Kung nakipagtalik sa’yo ang isang tao dahil natatakot siyang sasaktan mo siya o ipagpapalit mo siya, hindi ito kusang ibinigay.
3. Ang consent dapat sigurado at walang pag-alinlangan na ibinigay.
Ibig sabihin, hindi lang neutral dapat ang consent na, “O sige na nga.” Ang consent ay isang masigasig na, “Oo, gustong gusto ko itong gawin!” Mas maganda kung masaya at komportable kayong pareho ng iyong sexual partner. Isa rin itong paraan upang siguraduhing parehas ninyong maeenjoy ang pakikipagtalik.
4. Ang consent ay dapat ibinigay nang may sapat na impormasyon.
Ang pagbibigay ng consent sa pagtatalik ay pinag uusapan ng mag-partner. Lalong lalo na ang maaaring consequences o kahihinatnan nito. Tulad ng maagang pagbubuntis, pagkahawa sa STI, at iba pang pag-aalinlangan. Kailangan ring pag-usapan ang sex at alamin ang mga pamamaraan para makaiwas dito.
Maraming kabataan, lalo na ang mga menor de edad, ay wala pang sapat na kaalaman tungkol sa pakikipagtalik at mga epekto nito, pisikal man o emosyonal. Kaya naman ipinagbabawal sa batas ang pakikipagtalik ng isang nasa wastong edad na (18 taong gulang pataas) sa isang menor de edad. Nitong 4 March 2022, naisabatas na ang Republic Act No. 11648 na nagtataas ng minimum age of sexual consent mula 12 hanggang 16 taong gulang. Ibig sabihin nito, itinuturing na statutory rape o sexual abuse ang pakikipagtalik o paggawa ng mga sekswal na bagay sa isang batang 15 ang edad pababa. Ang mga ito ay criminal offenses, at maaaring makulong ang nagkasala.
5. Ang consent ay pwedeng bawiin kahit kailan.
Ang consent ay hindi parang kontrata na kapag napirmahan na kailangan mong panindigan o tapusin. Pwede bawiin o mabago ang desisyon sa pagbibigay ng consent. Lahat ng tao ay may karapatang magdesisyon sa sarili niyang katawan, at maaari siyang tumanggi kahit kailan sa mga maaaring mangyari dito, lalo na pagdating sa pakikipagtalik. Kahit na pumayag siya sa simula, hindi ito nangangahulugang tuloy-tuloy na ang pagpayag dito. Hindi ito chess kung kaya’t walang “touch move” pagdating sa pakikipagtalik.
6. Ang consent ay tiyak at specific.
Ibig sabihin, ang pagpayag sa isang bagay ay hindi nangangahulugang pagpayag din sa ibang bagay. Halimbawa, kung pumayag ang partner mo na hawakan ang isang bahagi ng katawan, hindi ito nangangahulugan na payag na siyang dumeretso sa pakikipagtalik. Hindi ito “pagpapaasa.” Karapatan ng bawat tao na magkaroon ng boundaries o hangganan sa mga nais niyang gawin ng iba sa sarili niyang katawan.
7. Mahalaga sa consent ang communication.
Kaya upang masiguradong parehas kayong payag sa lahat ng nangyayari habang nakikipagtalik, mabuting maging mas transparent sa pakikipag-usap sa iyong partner bago makipagtalik, at habang nagtatalik. Okay lang magtanong na, “Okay ka pa ba?” “Okay lang ba ‘tong ginagawa ko?”, “Gusto mo bang ituloy ko ito?” o kaya ay kusang ipahayag kung ikaw ay nasisiyahan o hindi, at lalo na kung hindi na maganda ang iyong pakiramdam.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Ang pagsasabuhay ng consent ay mahalaga hindi lamang sa pakikipagtalik, kundi pati na rin sa lahat ng ating ginagawa kasama ng ibang tao. Kahit sa simpleng paghawak, pag akbay, pagyakap, at paghalik, kailangan laging may consent.
At tandaan na hindi ikaw ang magdedesisyon kung nag consent ang ibang tao. Kapag sinabi ng iba na hindi sila kumportableng gawin ang isang bagay, wala kang karapatang gawin ito sa kanila. Kung walang tahasan, kusa, malaya, masigasig, at espisipikong pagpayag, lalo na kung ang isang tao ay walang malay, lasing, tulog, o wala pa sa tamang edad, huwag mo na rin itong gawin. Kung hindi ka siguradong pumapayag nga o nasisiyahan ang iyong katalik, mas mabuting magtanong!
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.