Napagdesisyunan ng magkasintahang Mark* at Jane* na handa na silang magtalik. Kaso may problema… Walang nabiling condom si Mark! Pero naalala niyang may nakaipit siyang condom sa wallet na bigay ng barkada niya last year. Naisip niya, “Pwede na ‘to. Kesa naman hindi mag-condom.”
Pagkalipas ng ilang buwan, pinanganak si Mark Jr. Hindi na nakapagtapos sina Mark at Jane kasi may baby silang kailangan alagaan. Napaisip si Mark, “Saan ba ‘ko nagkamali? Nag-condom naman kami ah.”
MAHALAGANG MALAMAN: Kailangang i-check muna kung maayos at pwede pa talagang gamitin ang condom. Tiningnan mo ba ang expiration date nito?
Gaya ng ibang medical products, mayroon ding expiration date ang condom. 98% of the time, kapag tama o wasto ang paggamit nito, epektibo ang condom laban sa mga STIs at hindi planadong pagbubuntis. Ngunit kung expired na, o paso na, ang condom na ginamit… bumababa ang level ng proteksyon nito.
Paano malalaman kung okay pa ang condom?
Laging i-check ang label.
Tuwing bibili o hihingi ng condom, huwag lang yung flavor o uri ang titingnan niyo. Ugaliin ding i-check ang expiration date nito. Kadalasang nasa ilalim ito ng box at sa foil pack ng condom.
Mag-quality inspection ka.
Kung 6 months na ang nakalipas mula nang mabili mo ang condom, i-check ang condom kung may butas ba ang wrapper nito. Dahil kung meron, posibleng natuyo na ang condom sa loob nito kaya hindi na ito pwedeng gamitin.
Pisilin mo ito nang marahan para maramdaman kung may hangin pa ito sa loob. Dapat may air resistance para siguradong wala itong butas. Parang chichirya lang ‘yan. Kapag wala nang hangin, posibleng makunat na ito.
Kung lubricated condoms ang meron ka, pisilin ito nang marahan at subukang itulak ang condom sa loob. Kapag nag-slide ito, ibig sabihin ay lubricated at di pa tuyo ang condom.
Ang expired na condom ay kadalasang tuyo, matigas, o malagkit kaya mas marupok ito at may malaking chance na mapunit habang nagtatalik.
#MalayaAkongMaging LIGTAS
Darating ang panahon na magiging aktibo ka rin sa pakikipagtalik, kung kailan ka man maging handa para rito. Kaya para protektahan ang iyong sarili at manatiling ligtas sa sakit at hindi planadong pagbubuntis, tandaan ang #ContracepTIPS na ito:
Huwag gumamit ng expired na condom. At 98% effective lang ang condom kung pasok pa ito sa quality inspection at tama ang paggamit dito.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.