Kapag masakit ang ulo, may gamot na pwedeng inumin para maibsan ito. Kapag nadapa at nasugatan naman, may betadine at bandaid na pwedeng ilagay sa sugat para mabilis itong gumaling. Pero kapag na-brokenhearted ang isang tao… ano bang pwedeng gawin para mabawasan yung sakit?
Ano ang broken heart?
Ang pagkakaroon ng broken heart o pagiging brokenhearted ay nangyayari kapag ang isang tao ay nakaranas ng pagkawala ng tao o bagay na mahalaga sa kanila. Karaniwang ginagamit ang term na “brokenhearted” kapag nagtatapos ang isang romantikong relasyon, ngunit hindi lang sa romantic relationships applicable ang pagiging brokenhearted. Pwede rin itong maranasan kapag ang isang tao ay nakaranas ng mga sumusunod:
- pagkamatay ng miyembro ng pamilya o ng kaibigan;
- pagkakaroon ng away o di pagkakaunawaan ng mga kaibigan na nagdudulot ng pagkakahiwalay o friendship fallout;
- pagkawala ng trabaho o oportunidad;
- paglipat ng tirahan o paaralan;
- pagkawala ng alagang hayop;
- iba pang pagkawala na pwedeng makaapekto sa emotional well-being ng isang tao.
Ang lahat ng experiences na ito ay masakit at maaaring magdulot ng emotional stress lalo na kung biglaan o hindi inaasahan ang pagkawala.
Signs ng pagka-brokenhearted
Kapag brokenhearted ang isang tao, pwede siyang makaramdam ng mga sintomas ng depression gaya ng mga sumusunod:
- fatigue o mabilis na pagkapagod
- pagbabago ng appetite o gana sa pagkain
- hirap sa at/o labis na pagtulog
- kawalan ng interes sa maraming bagay
- anxiety o labis na pagkabalisa at pag-aalala
Kung pisikal mong nararamdaman na “masakit” ang puso mo, hindi lang imagination ‘yun! Posible talaga ito dahil sa stress hormones na inilalabas ng iyong katawan bilang response sa matinding emosyon. Nakaka-trigger ito ng “Broken Heart Syndrome” o yung stress-induced cardiomyopathy. Kasama sa sintomas nito ay ang mabilis na tibok ng puso, chest pains, at shortness of breath.
Lahat ng nabanggit na sintomas ay hindi nakabubuti sa mental at pisikal na pangangatawan ng isang tao.
Self-care pagkatapos ng heartbreak
Ang proseso ng healing ay pwedeng maging masakit at mabagal. Hindi rin garantisadong 100% kang magiging “healed”. Sa pagkakataong ito, dapat na i-prioritize ang mental wellbeing at mag-focus sa self-care para maging buo at mas malakas ang puso para sa mga susunod pang relasyon na pagdaraanan.
Heto ang ilang tips para mas mapangalagaan ang sarili sa panahong ito:
Matulog nang sapat
I-try na kumpletuhin ang walong oras ng tulog. Yes, mahirap matulog kapag ang dami mong iniisip pero mas mahirap namang mag-isip kung wala kang tulog, ‘di ba?😅
Kumain nang sapat at ng masusustansyang pagkain
‘Wag mag-overeat at ‘wag ring gawing diet ang pagiging brokenhearted. Siguruhin pa ring nakakakain ka nang sapat at syempre ng masusustansyang pagkain para hindi lalong magkasakit.
Water >>> alak at caffeine
Huwag nang isipin pang uminom ng alak upang makalimot. ‘Di rin makatutulong ang pagkonsumo ng inuming mayaman sa caffeine tulad ng kape at softdrinks dahil pipigilan ka nitong makatulog at magpahinga. Kaya mag-tubig na lang!
Mag-engage sa physical activities na angkop sa kakayahan
Kahit parang wala kang energy kumilos, ang pag-engage sa pisikal na aktibidad tulad ng pag-workout, walking, pag-stretching, o kahit paglilinis sa bahay ay pwedeng makapagpababa ng stress level.
Mag-focus sa mga bagay na kaya mong i-control
Sadyang hindi maiiwasan na makaramdam ng stress habang dumaraan sa ganitong pagsubok. Pero subukang mag-focus sa mga bagay na kaya mong i-control tulad ng iyong words and actions sa mga taong nakapaligid sa iyo, pati na rin kung paano mo kausapin at tratuhin ang iyong sarili. Kasi syempre dapat always be kind to yourself.
Last reminders!
Iba-iba ang healing process ng bawat tao, pero ang mahalaga ay ang maging patient, gentle, kind, at mapagbigay sa iyong sarili.
Lahat ng bagay na nagtatapos ay masakit. Pero pwede rin ito maging sign ng bagong simula. Sabi nga nila, ‘di ba, “Endings are also beginnings.”
Isang paalala: Kung nakakagambala na sa pang-araw araw na gawain at ginhawa ng pamumuhay ang nararamdaman, mainam na komunsulta sa isang counselor o therapist na maaaring makatulong. Narito ang listahan mga grupo at organisasyon na makakatulong.