14 years old pa lang si Jenna* nang una siyang nakatikim ng sigarilyo. Kahit alam niyang mali, nadala siya sa matinding udyok ng kanyang mga kaibigan. Hindi daw siya “cool” katulad nila kung hindi siya maninigarilyo.
Sa pagtanda ni Jenna, pinayuhan siya ng kanyang doktor na tumigil sa paninigarilyo para sa kanyang kalusugan, pero hirap na hirap siyang tigilan ito.
“Kung maibabalik ko lang ang panahon, sana hindi ko na lang ito sinimulan,” sabi ni Jenna. Laking sisi niya na sana hindi siya nagpadala sa kanyang mga kaibigan.
Ang peer pressure or peer influence ay ang pagpili mong gawin ang mga bagay dahil gusto mong madama na tanggap at pinahahalagahan ka ng iyong mga kaibigan, kahit na karaniwang hindi mo naman ito gagawin.
Pero hindi ito laging negatibo o tungkol sa paggawa ng mga bagay na labag sa iyong kalooban.
Mayroong tinatawag na good influence at bad influence o B.I. May mga kaibigan na maiimpluwensyahan kang mas mag-aral nang mabuti, maging active sa sports, o hasain pa ang iyong mga talento. Habang ang iba naman ay uudyukin kang uminom ng alak, mag-shoplift, manigarilyo o iba pa.
Mahalaga ang mga kaibigan sa iyong paglaki. Dito mo matutuklasan ang iyong sarili at mahuhubog ang iyong pagkatao. Pero dapat marunong kang magbalanse. Habang gusto mong maging katanggap-tanggap sa barkada, kailangan mo rin isaalang-alang ang sarili mong values at ang pagiging totoo sa sarili.
Ngunit kung nakakaranas ka ng low moods, pagkawalan ng pag-asa, pagiging sobrang conscious sa sarili, pananamit, at katawan, pagakawala ng tulog o sobra-sobrang pagtulog, pagbabago ng ugali, pag-iwas sa mga masisiyang gawain at responsibilidad, at mga katulad na bagay dahil sa negatibong peer pressure, may mga paraan upang solusyonan ito.
Huwag magpa-B.I.! Heto ang mga pwede mong gawin:
1. Alamin ang iyong mga pansariling limitasyon o personal boundaries.
Ilista ang mga nais gawin at mga limitasyon. Isipin mo ang mga dahilan kung bakit ayaw mong gawin ang isang bagay at maging honest ka sa mga kaibigan mo tungkol dito. Halimbawa: “Ayaw kong manigarilyo dahil masama ito sa kalusugan ko at nakaka-adik ito.” O kaya ay “Sis, I support you sa desisyon mong magka-boyfriend. Pero hindi pa ako ready magka-jowa kasi gusto kong mag-focus muna sa pag-aaral.”
2. Planuhin ang mga sitwasyon.
Kung sa tingin mo ay hindi nila ito matatanggap, maghanda ng mga explanation at matutong humindi at panindigan ito. Tandaan na kung hindi tanggap ng mga kaibigan mo ang mga personal mong desisyon, maaaring hindi sila ang mga tamang kaibigan para sa’yo. Tama lang na maging choosy sa mga kaibigan at pupuntahang sitwasyon. Mahirap sa umpisa pero matututunan mo rin ito.
3. Humingi ng tulong kung kinakailangan.
Kung ikaw ay nasa panganib o hindi ka komportable sa iyong sitwasyon, kausapin ang taong lubos na pinagkakatiwalaan mo: isang magulang, kapamilya o nakatatandang kaibigan. Maganda kung mayroon kayong code kung kailangan ng tulong. Maging bukas din sa iyong trusted network tungkol sa iyong mga nararamdaman at concerns.
4. Magkaroon ng kumpiyansa at malasakit sa sarili.
Mas magiging matatag ang pagdedesisyon ng mo kung ikaw ay may kumpiyansa at pagmamalasakit sa iyong sarili. Kailangan mong pagkatiwalaan at mahalin ang iyong sarili bago ang lahat.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Hindi lamang ang iyong mga kaibigan ang maaring makaimpluwensya sa’yo. Pwede rin ang iyong idols, mga kamag-anak, kapitbahay, at marami pang iba. Ngunit ang kailangan mong tandaan ay hindi mo mapi-please ang lahat. Kailangan mong maging totoo sa iyong sarili. Alamin ang iyong limitations at boundaries. At kung kaya, manindigan para sa mga kaibigan mong nakakaranas ng negatibong peer pressure at tulungan sila sa abot ng iyong makakaya. Tandaan, may handang tumulong sa’yo.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.