Pamilyar ka ba sa meme na ‘to na linya ni Bea Alonzo bilang si Bobbie sa Four Sisters and a Wedding?
Marami nang nakakatawang memes ang nagmula sa sikat na eksenang ‘to ng madramang confrontation ng pamilya Salazar. Kung iisipin natin, nag-ugat ‘yon sa naipong sama ng loob sa paglipas ng maraming taon. Kathang-isip man ang pelikula, ganon din o mas malala ang pwedeng mangyari kung hahayaang tumagal ang alitan o misunderstandings sa pamilya.
Kagaya ng kahit anong relasyon, wala ring perpektong pamilya. Hindi maiiwasan na minsan may mga problema at hindi pagkakaintindihan–maaaring sa pagitan mo at ng iyong mga magulang, sa inyong magkakapatid, o sa iba pang miyembro ng pamilya. Bagama’t normal na parte ng buhay, hindi dapat ‘to pinapatagal at pinapalala dahil pwede itong ikasira ng relasyon ng isang mag-anak.
Kaya naman narito ang ilang paraan para maiwasan ang paglala ng misunderstandings sa pamilya.
1. Isipin muna kung worth it ba itong pag-awayan.
Kung simpleng bagay lang naman, habaan ang pasensya at subukang ‘di ito personalin o damdamin. Huwag gawing big deal ang lahat.
2. Chill ka lang at dumistansya muna.
Madalas kapag galit tayo, hindi natin napipigilang magbitaw ng masasakit na salita na ‘di na mababawi at maaari nating pagsisihan. Gasgas na tip na ito pero maganda pa ring dumistansya at magpalamig muna ng ulo.
3. Kapag ready na kayo, mag heart-to-heart talk
Sabi nga nila, lahat ng hindi pagkakaunawaan ay nadadaan sa mabuting usapan. Kapag pareho na kayong kalmado, maglaan ng oras para pag-usapan ang isyu nang masinsinan. Narito ang ilang payo:
- Pumili ng magandang oras na pareho kayong hindi stressed o pagod;
- Makinig at irespeto ang saloobin at nararamdaman ng bawat isa;
- Lawakan ang pang-unawa;
- Huwag maging sarcastic, pilosopo o masyadong defensive;
- Maging honest sa nararamdaman;
- Kung may kasalanan, aminin at mag-sorry;
- Huwag mag bring up ng mga isyung tapos na;
- Mag-isip ng solusyon at mag-compromise o magbigayan
#MalayaAkongMaging MASAYA
Kung pagkatapos nito ay hindi pa rin kayo magkasundo, give it time. Baka kailangan lang ng konti pang oras para mag-sink in sa bawat isa ang mga napag-usapan. O kaya naman, agree to disagree. Minsan may mga bagay talagang hindi kayo magkakasundo pero dapat nanatili pa rin ang respeto sa isa’t isa.