Imagine kung walang label ang mga bagay sa supermarket, nakakalito ‘di ba? ‘Di mo alam kung anong i-e-expect mo. ‘Di mo rin sure kung ang nasa kamay mo ay yun talaga ang hinahanap mo.
Ganyan din sa isang situationship. Mula sa pinagsamang “situation” at “relationship”, isa itong uri ng romantikong relasyon. Ang pinaka madaling paraan para i-describe ito ay kung ano ang wala nito – label o commitment.
Ibig sabihin, may mga bagay kayong ginagawa na para kayong mag-jowa. Yun nga lang, walang kasunduan kung ano kayo sa isa’t isa.
Signs ng situationship
Iba-iba ang pwedeng maranasan sa ganitong klase ng relasyon, pero ito ang ilang halimbawa ng mga nararanasan sa isang situationship:
- Iniiwasang pag-usapan ang relasyon. Ito rin ang rason kung bakit walang pormal na label ang situationship. Walang kasiguraduhan kung sa isang exclusive na relasyon papunta ang samahan niyo.
- Paiba-ibang kilos o pagtrato. Pwedeng hanggang madaling araw kayong magka-late night talks ngayon, pero sa ibang araw hindi kayo nagpaparamdam sa isa’t isa. O kaya naman wala kayong ideya kung kailan ang sunod niyong pagkikita dahil ‘di kayo nag-uusap ng future plans. In short, ‘di niyo alam kung anong aasahan sa isa’t isa.
- Emotionally unavailable. Ang mga taong “emotionally unavailable” ay hindi madaling mag-open up o makipag-usap tungkol sa mga emosyon nila. Laging may bumabalakid sa kanila upang mag-connect nang mas malalim sa iba.
Okay lang ba ang situationship?
Unawain: May mga tao na ok lang o mas gusto din na nasa isang situationship. Walang problema kung parehong ok dito ang magkarelasyon.
Pwedeng ring pumasok sa situationship ang mga tao dahil para itong nasa gitna ng friendship at relationship. Walang pressure dahil walang label. Sa mga nage-explore pa lang ng pakikipagrelasyon, maaaring gumagana ang ganitong setup dahil tinutuklas pa nila ang iba’t ibang uri ng relationship o kung ano talaga ang gusto nila sa isang relasyon.
Ang importante lamang sa ganitong sitwasyon ay pareho kayong safe. Kung sexually active, mahalaga na protektahan ang sarili mula sa mga sexually transmitted infections at sa di planadong pagbubuntis, lalong lalo na dahil sadyang walang kasiguraduhan kung magiging long-term ang relasyon.
Habang tumatagal, i-check pa rin ang sarili at ang karelasyon kung pareho pa rin kayo na ok sa inyong situationship. Dahil hindi makabubuti sa inyong ipagpatuloy ang pagsasama kung may isang hindi na natutuwa sa ganitong set-up.
Kung komportable ka, makakatulong na alamin ang perspektibo ng iba katulad ng kaibigan, pamilya, o ibang pinagkakatiwalaan mo, dahil sila ang nakakapag-observe ng kalagayan mo sa mga panahong ito.
Sa huli, depende pa rin ‘yan sa’yo at ikaw lang ang makakapagdesisyon sa sitwasyon mo. Ang importante, hindi ka nasasaktan o nakakasakit ng ibang tao, at safe kayo pareho.
Ito ang ilan sa mga bagay na pwede pag-isipan o itanong sa sarili para makapag-decide ka kung nakabubuti ba ang situationship mo o hindi:
- Ano ang epekto nito sa mental health at physical well-being mo?
- Naaayon ba ito sa mga pinaniniwalaan at mga plano mo sa future?
- Kuntento ka ba sa ganitong relasyon?
Paano harapin ang situationship?
Ngayong nakapag-isip-isip ka na, maaaring napagtanto mo kung para sa’yo ba o hindi ang isang situationship. Kung nalilito ka pa, take your time lang. It’s okay kung nakapag-decide kang mag-stay muna basta safe at happy ka. At kung hindi ka masaya at nais na may mabago sa relasyon mo, ito ang ilang tips:
- Oras nang makipag-usap nang masinsinan. Maging open at honest sa nararamdaman mo at kung ano ang inaasahan mo sa relasyon. Kadalasang iniiwasan na pag-usapan nang mas malalim ang isang situationship, pero kailangan itong gawin.
- Maging klaro at partikular sa gusto mong mangyari. Kung ready ka nang maging official relationship ang situationship niyo o gusto mong maging ekslusibo kayo habang mas kinikilala pa ang isa’t isa, sabihin ito nang diretso.
- ‘Wag matakot umalis sa situationship kung hindi na ito nagwo-work para sa’yo. Kapag malakas ang nararamdamang atraksyon sa ka-situationship, pwedeng mahirap talikuran ang ganitong relasyon kahit malinaw na hindi na ito nakabubuti sa ‘yo. Remind yourself kung ano talaga ang mahalaga at nakapagpapasaya sa’yo dahil deserve mo ito.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Tandaan na valid ang feelings mo at walang masama na sabihin ang kagustuhan mo. Kung ‘di ka pa sigurado, okay lang din! Take your time na kilalanin ang sarili at pag-isipang mabuti ang mga gusto mo sa life. Marami talagang pinagdadaanan sa panahon ng puberty at maaaring kasama na dyan ang pagkakaroon ng atraksyon sa ibang tao. Mapa crush, situationship, o relationship, hindi ito kailangangang madaliin at ang importante ay safe ka emotionally, mentally, at physically.