Noon kapag may HIV o AIDS ang isang tao, kinakatakutan na agad dahil kesyo nakakahawa raw kapag nalanghap mo ang hangin na nalanghap din nila. Pero sizt, anong petsa na! Wala na tayo sa 1980s. Ngayon dapat #FactCheck muna bago maniwala sa mga fake news ng mga marites na kapitbahay.
Sama-sama nating puksain ‘tong mga fake news na ito tungkol sa HIV/AIDS!
Fake News #1: Ang HIV/AIDS ay gawa-gawa lamang ng mga tao.
FACT: Ang HIV (Human Immunodeficiency Virus) ay isang uri ng virus na umaatake sa immune system ng katawan. Kapag hindi ito naagapan agad, maaari itong mauwi sa AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome na kung saan mahinang mahina na ang resistensya ng katawan laban sa mga sakit na maaaring ikamatay.
Walang ebidensyang makapapagpatunay na ang HIV/AIDS ay ginawa lang ng mga tao sa mga laboratoryo. Hindi ito galing sa kagat ng lamok at lalong hindi ito parusa ni Lord sa mga bading. Libo-libong siyentipikong pag-aaral na ang nagawa tungkol sa virus na ito.
Fake News #2: Pwede kang mahawa kapag nakasalumuha ka at hinawakan ka ng isang taong HIV-POSITIVE.
FACT: Salungat sa paniniwala ng iba, ang HIV ay HINDI naipapasa sa pamamagitan ng hangin, laway, luha, pawis, o kagat ng lamok, at lalong hindi ito naipapasa kapag hinawakan ka ng taong HIV-positive o makikisalo ka sa pagkain ng taong may HIV.
Naipapasa lamang ang HIV sa pamamagitan ng bodily fluids gaya ng dugo, semilya, hima (vaginal fluid), rectal fluid, at gatas ng ina o breast milk. Kaya madalas itong nakukuha mula sa pakikipag-sex nang walang proteksyon at paghihiraman ng mga karayom o injection (halimbawa, pakikigamit ng injection mula sa injecting drug user na HIV positive pala). Pwede rin itong maipasa ng isang HIV-positive na ina sa kanyang baby habang nagbubuntis at nagpapasuso.
Fake News #3: Bakla o bading lang ang pwedeng magkaroon ng HIV.
FACT: Kahit sinong tao, basta nakipagtalik nang walang proteksyon at gumamit o naturukan ng kontaminadong karayom ay maaaring mahawa ng HIV. Sa kasamaang palad, maaari rin maipasa ang HIV sa isang sanggol kung HIV-positive ang kanyang ina. Walang pinipiling sexual orientation o gender ang HIV.
Fake News #4: May lunas sa HIV/AIDS.
FACT: Sa ngayon, wala pa ring tiyak na lunas ang HIV/AIDS. Kapag infected na ang isang tao, habang buhay na siyang mayroon nito. Pero, ang magandang balita ay mayroon tayong mga antiretroviral medications na pwedeng tumulong sa mga HIV-positive na mabuhay nang malusog kagaya ng mga walang HIV. Kapag tuluy-tuloy ang gamutan at bumaba na ang dami ng virus sa dugo, ang tawag dito ay undetectable. Ibig sabihin, hindi na ito transmissible o nakakahawa. Mayroon ding tinatawag na Pre-Exposure Prophylaxis o PrEP, isang gamot na iniinom o ini-inject para maiwasan ang pagkahawa ng HIV.
Sa kasalukuyan, mayroon na ring mga pinag-aaralang tuluyang lunas para sa HIV. Sa tulong ng siyensya, balang araw ay makakamit din natin ang inaasam na gamot para sa sakit na ito.
💡Tandaan ang U=U: Undetectable=untransmissible!
Fake News #5: Kapag may HIV ka, end game na.
FACT: Noon ‘yon. Hindi na ngayon. Nung unang natuklasan ang sakit na ito, wala pang gamot para pigilan ang paglala nito, kaya itinuturing na may taning na sa buhay ang taong infected. Pero sa nakalipas na mga dekada, may mga available nang gamot o antiretroviral therapy (ART) para sa mga taong may HIV para hindi lumala ang epekto ng virus at para madugtungan ang buhay nila. Lagpas 17-milyon na ring buhay ang nailigtas mula sa AIDS-related deaths. Ang galing ‘no?
Marami na ring libreng HIV testing at ART sa buong bansa sa mga government health facilities gaya ng social hygiene clinics at local health offices.
Fake News #6: Hindi dapat magkaroon ng anak ang taong may HIV.
FACT: Kapag ang isang HIV-positive ay nakatatanggap ng maayos at tuloy-tuloy na gamot habang siya ay buntis at nagpapasuso, at kung nanganak siya sa caesarian na paraan, pwede siyang makaluwal ng HIV-free na sanggol. Kaya pwedeng-pwede pa ring magkaroon ng isang healthy relationship at higit sa lahat ay bumuo ng pamilya kahit pa infected ng HIV ang isang tao. Again, U=U!
Fake News #7: Ang taong may HIV/AIDS ay mukhang may sakit at hinang-hina.
FACT: Hindi lahat ng may HIV ay mukhang may sakit. Madalas kasing walang obvious at pisikal na sintomas ang mga taong may HIV dahil kadalasan wala rin talaga silang nararamdamang kahit ano. Lalo na sa mga early stages, karaniwan ay hindi nila paghihinalaan na infected na pala sila. Tanging ang pagpapa HIV test lang ang makakapagsabi kung ang isang tao ay positive o hindi. Kaya mainam na regular na nagpapa-HIV test ang mga tao na sexually active.
Fake News #8: Hindi ka magkakaroon ng HIV/AIDS kapag gumagamit ka ng contraceptives.
FACT: Ang HIV ay maaaring makuha mula sa unprotected sex. Maaari ka lamang protektahan ng mga contraceptives gaya ng pills, IUD, injectables, at implant mula sa hindi planadong pagbubuntis, pero hindi ka nila kayang protektahan sa HIV. Condom lang ang tanging method na kaya kang protektahan mula sa hindi planadong pagbubuntis at mga sakit na naihahawa sa pakikipagtalik o sexually transmitted infections (STIs) kasama na ang HIV.
Fake News #9: Hindi nahahawa ng HIV/AIDS ang isang taong hindi nakikipag-sex.
FACT: Kung NEVER ka pang nakipagsex sa buong buhay mo, ligtas ka mula sa banta ng HIV. Pero pwede kang mahawa kung nakagamit ka ng hindi malinis na karayom o injection, na kadalasang ginagawa sa pagtuturok ng droga. Kung hindi nakikipag anal o vaginal sex pero nakikipag oral sex ang isang tao, mababa ang tsansang mahawa ito pero depende ito sa sitwasyon. Samantalang mataas naman ang tsansang mahawa ng HIV ang taong nakikipag anal sex nang walang proteksyon.
Fake News #10: Okay lang mag-sex nang walang proteksyon ang dalawang taong may HIV.
FACT: Hindi inaabisong makipag-sex nang walang proteksyon ang dalawang tao na parehong HIV-positive dahil may iba’t-ibang strain ang HIV. Maaaring mahawa ang isang HIV-positive na tao ng isa pang uri ng HIV. Ang tawag dito ay reinfection at superinfection at mas delikado ito kapag nagkataon.
Nagbabago-bago rin ang HIV sa katawan ng isang tao habang tumatagal, kaya pwedeng ‘yong HIV na mayroon siya noon na naipasa niya sa kanyang katalik ay iba na sa HIV na meron siya ngayon. May mga ibang strain din ng virus na drug-resistant kaya pwedeng hindi maging mabisa ang mga gamot. Kaya kahit pa parehong HIV-positive, dapat practice safer sex pa rin sa pamamagitan ng paggamit ng condom!
#MalayaAkongMagingLIGTAS
Tandaan, na palaging lamang ang may alam! Basahin ang iba pang articles na may kinalaman sa HIV dito.