“Okay lang, bata pa naman ako so pwede kong kainin lahat!” Narinig mo na rin ba ang ganitong linyahan ng friends mo? Well, medyo totoo naman ito pero dapat siguro specific ang linya: “Pwede kong kainin lahat *ng healthy!*

Ang panahon ng adolescence o pagiging teenager ay ang stage ng pag-transition ng isang bata papunta sa adulthood. Dito nangyayari ang maraming pagbabago sa parehong pisikal at mental na aspeto at dahil nangangailangan ang katawan ng mas maraming energy at nutrients para masuportahan ang growth at development nito. Lahat ito ay bilang paghahanda for mature roles, este, paghahanda sa pagiging adult. 😅

Marahil ay naiisip mong “Eh pang hinaharap pa naman pala ang epekto ng pagkain ng healthy, baka pwedeng cheat day muna habang bata pa?” Naku, dyan ka nagkakamali! Maraming  benefits ang pagkain ng masusustansya na hindi mo dapat balewalain. Narito ang ilan:

1. Pagsuporta sa hormones

For sure maraming pagbabagong dala ang puberty, kasama na dyan ang pagtubo ng buhok sa iba’t ibang part ng katawan, pagkakaroon ng pimples, body odor, at pag-iiba ng mood. Lahat ng yan ay dahil sa hormones! Ang hormones ay ang kemikal na inilalabas ng cells upang makipagugnayan sa ibang parte ng katawan para magpasimula ng mga pagbabago. Mahalaga na balanse ang hormones dahil ito ay nakakaapekto sa pisikal at emosyonal na estado ng isang tao. 

Sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain na mayaman sa vitamins gaya ng whole grains, unprocessed na prutas, protein, at gulay, masusuportahan nito ang maayos na paggana ng hormones na kailangan lalo na sa panahon ng puberty.

2. Mas maayos na focus

Ang hirap kapag sabaw ka sa school, di ba? Ang pag-aaral ay nagre-require ng energy kaya kung ang calories na kinokonsumo mo ay mula sa mga junk foods at softdrinks, wala itong maibibigay na nutrisyon sa katawan na pwedeng magdulot ng kakulangan ng kakayahang mag-isip at mag-concentrate sa pag-aaral. Dapat kumain ng food for the brain! Ang ilan sa mga halimbawa nito ay green and leafy vegetables, berries, nuts, tsaa at kape (pero in moderation ha!)

3. Mas maraming energy para sa mga interes mo

Kapag masusustansya ang kinakain at wasto ang nutrisyon, mas maraming makukuhang energy at lakas para gawin ang mga kinahihiligan mo gaya ng paglikha ng sining, paglalaro ng sports, at iba pang activities na angkop sa’yong kakayahan. Mahalagang tandaan na mas strong at healthy kapag mas active ang isip at katawan!

4. Nakapagpapalakas ng immune system

Maraming pwedeng ma-miss out kapag absent ka sa school at sa mga ganap with friends. Kaya naman ang pagkain ng whole foods gaya ng whole grains, patatas, chicken breast, milk at dairy products, at mga gulay at prutas ay nakapagpapalakas ng immune system para iwas sa sakit.

5. Paghahanda para sa future health

Mahalaga ang pagkakaroon ng healthy eating habits habang bata pa dahil pwede itong makaapekto sa kalusugan kapag nasa adult stage na. Lahat ng kinakain ng isang tao ay may epekto sa katawan. Kaya kung naging habit ang pagkain ng healthy food, mas konti ang risk na magkaroon ng sakit sa hinaharap tulad ng diabetes, hypertension, at iba pang heart diseases.

#MalayaAkongMaging MALUSOG

Wala namang masama sa minsanang cheat day sa pagkain. Ang mahalaga ay maintindihan ang kahalagahan ng palagiang pagkain ng masusustansya para mag-develop ng healthy eating habits at maganda itong simulan habang bata pa!