HIV? AIDS? Ano ba ‘tong mga acronym na ‘to? Bakit lagi silang pinagsasama? Anong pinagkaiba nila?

Ang HIV (human immunodeficiency virus) ay isang uri ng virus na sumisira sa natural na depensa ng katawan ng tao. Pinapahina nito ang immune system ng isang tao sa pamamagitan ng pagsira sa mahahalagang cells na lumalaban sa sakit at impeksyon. Kapag napabayaan ang HIV ay maaari itong humantong sa AIDS (acquired immunodeficiency syndrome), ito ay kondisyon na kung saan mahina o sira na ang natural na depensa ng katawan ng tao at madali na lamang magkaroon ng iba’t-ibang klase ng mga oportunistang impeksyon.

Sa kasalukuyan, wala pang direktang lunas o bakuna para sa HIV, kaya naman sa oras na mahawa nito ay hindi na ito mawawala sa katawan.

Paano ito naipapasa sa iba?

Naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng mga bodily fluids o likido ng katawan mula sa isang taong may HIV. Halimbawa: 

  • dugo
  • semen o tamod
  • vaginal fluid o likido na galing sa ari ng babae
  • breast milk o gatas ng ina

Una, ito ay karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik nang walang gamit na proteksyon sa isang taong positibo sa HIV. Pangalawa, maaari rin itong makuha mula sa paggamit o paghihiraman ng mga kontaminadong karayom o syringe needles sa pag-inject ng droga at pagpapa-tattoo. Pangatlo, naipapasa ito mula sa inang positibo sa HIV papunta sa sanggol sa panganganak o breastfeeding. 

TANDAAN: Hindi naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng kaswal na contact tulad ng paghawak, paghalik, o kahit na sa pagshe-share ng baso at mga utensils.

Paano ito maiiwasan?

Para maiwasang mahawa ng HIV, subukang sundin ang ABCDE!

A- Abstinence. Pagliban o ‘wag munang makipag-sex kung kaya.

B- Be mutually faithful to your partner. Stick to one sexual partner! 

C- Correct and consistent use of condom. Kapag tama at palagian ang paggamit ng condom, safe ka mula sa mga sexually transmitted infections.

D- Don’t use drugs and share needles. Iwasan ang paggamit ng droga at paghihiraman ng nagamit nang karayom.

E- Education/early diagnosis. Makatutulong ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman at regular na pagpapa-HIV test para malaman ang HIV status upang hindi lumala ang sakit.

Sa mga panahon na hindi maaaring masunod ang mga ito, agad na komunsulta sa healthcare provider para makatanggap ng angkop na gabay.

TANDAAN: Hindi ibig sabihin na ang mga taong may HIV ay nagkulang agad sa pagsunod sa mga alituntuning ito. Katulad ng nabanggit, maaaring maipasa ang HIV sa isang sanggol mula sa magulang. Maaari ring magka-HIV ang mga taong naabuso at hindi makagamit ng proteksyon. Maaari ring magka-HIV ang mga taong may isang partner lamang na na-expose sa HIV. Huwag nating husgahan ang mga taong may HIV. 

Paano malalaman kung may HIV?

Dahil kadalasang walang sintomas ang HIV sa simula, isa lang ang paraan para makumpirma ang iyong HIV status: TESTING! Kahit ilang taon ka, bata man o matanda, ay pwedeng magpa-screen para sa HIV sa mga social hygiene clinics sa iyong provincial, city, o municipal health office! Kapag 14 taong gulang pababa ka, kakailanganin mo lang ng consent o pahintulot ng magulang. Kapat 15 pataas ka naman ay hindi na ito requirement. 

May mga partikular na risk factors na maaaring mag-require sa isang tao na padalasin ang kanilang pagpapa-test. Halimbawa:

  • Kung mayroon kang higit sa isang sex partner o ang iyong partner ay nagkaroon ng higit sa isang sex partner mula noong huli mong testing sa HIV, dapat kang magpa-test ulit
  • Kung patuloy kang nagpapaturok ng mga gamot at nakikipaghiraman ng mga karayom o drug injection equipment, dapat kang magpa-test nang hindi bababa sa isang beses sa isang taon
  • Kung ikaw ay sexually active, mainam na magpa-test kada 3 hanggang 6 na buwan

Hindi rin komplikado ang testing sa HIV! May mga klase ng test na makukuha mo na ang resulta in 20 minutes at may ilan din na hindi na kailangan pa ng karayom. 

Sa kultura kung saan itinuturing na sensitibo ang mga usapin tungkol sa sex, mahalagang tandaan na ang pagiging aware sa sariling medikal na kalagayan ang magsisiguro na ligtas ka at ang partner mo mula sa anumang sakit na nakukuha mula sa pakikipagtalik.

Paano ito magagamot?

Dahil wala pang direktang lunas ang HIV, hindi na ito mawawala sa katawan kapag nagkaroon ka nito. Pero malaking bagay ang regular na pagpapa-HIV test para maagang malaman ang iyong HIV status(early diagnosis). Mahalaga ito upang maagapan ang kondisyon sa pamamagitan ng pagsailalim sa gamutan na tinatawag na Antiretroviral Therapy o ART nang hindi na ito lumala.

Ang regular na pag-inom ng antiretroviral drugs o ARV ay nagpapababa sa “viral load” o ang dami ng HIV sa katawan para hindi nito tuluyang masira ang immune system. Pinatataas din nito ang bilang ng CD4 cells sa katawan o yung uri ng puting selula ng dugo na tumutulong na labanan ang impeksyon sa pamamagitan ng pag-trigger ng immune system na labanan ang mga virus, bakterya, at iba pang mikrobyo na maaaring magdulot ng sakit. 

Pinabababa rin ng ARV ang risk ng HIV transmission. Tandaan, U=U o undetectable = untransmittable, meaning kapag hindi na ito nade-detect sa katawan ay hindi na ito maipapasa sa iba. Sa tulong ng ART maaaring humaba at mapalusog ang buhay ng isang taong positibo sa HIV. 

So kailan dapat umpisahan ang treatment? Walang too late or too soon sa pag-inom ng gamot kapag nakumpirma na ang pagkakaroon ng HIV! Mabuting komunsulta sa healthcare provider tungkol sa partikular na medikal na kondisyon upang mabigyan ng swak na treatment.

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Mahalagang tandaan na ang HIV ay hindi na isang “death sentence”. Maaari pa ring makontrol ang HIV sa tulong ng maagap na testing at pangangalagang medikal. Hindi ito ang katapusan ng mundo! Pwede pa ring maka-enjoy ng long at healthy life ang People Living with HIV (PLHIV).