Ilang beses nang niyaya ni Violy* si Baby* na mag-gym. Lahat na yata ng dahilan naibigay na ni Baby —COVID, mahal, malayo. Sa totoo lang tamad na tamad lang siyang mag exercise. Iniisip nya na may iba namang paraan kaysa sa gym. Isang kataga lang ang umepekto kay Violy para tuluyan na siyang lubayan nito. “Gym selfie na lang tayo, Violy!”
Maraming bagay ang tumigil lalo na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Kabilang dito ang pamumuhay ng aktibo o paggawa ng mga pisikal na aktibidad, na ayon sa mga eksperto ay kinakailangan upang patuloy na maging malusog at malakas ang katawan.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang paggawa ng mga pisikal na aktibidad ay hindi lamang nakadadala ng benepisyo sa katawan ngunit pati na rin sa mental health ng isang tao.
Sa isang linggo, dapat ay 150 minuto pataas ang nilalaan nga mga taong edad 18 pataas sa paggawa ng moderate intensity na pisikal na aktibidad, at 75 minuto para sa mga vigorous-intensity na pisikal na aktibidad.
Paano kung tinatamad kang mag-exercise? Nilinaw ng eksperto na ang pisikal na aktibidad ay hindi lamang pag ehersisyo katulad ng iniisip ng karamihan. Kabilang dito ang pagsasayaw, paglilinis ng bahay, at kahit simpleng pag buhat ng mga mabibigat na shopping bag, groceries, o mga pinamalengke.
Kaya’t kung ikaw ay isa sa mga karamihan na hindi pala ehersiyo ngunit nais na mapanatiling aktibo ang katawan, ito ang mga iba’t iba mong pwedeng gawin na hindi kinakailangan ng masyadong effort:
1. Maglakad hangga’t maaari.
Kung ikaw ay may pupuntahang lugar na hindi naman kalayuan, mas maigi kung ikaw ay mag lakad na lamang upang sa ganon ay di ka lang merong psikal na aktibidad, nakatipid ka pa ng pamasahe, o di ba!
2. Tumulong sa gawaing bahay.
Kung wala ka namang pagkakataon lumabas ng bahay, maari kang gumawa ng mga household chores para sa iyong pisikal na aktibidad. Kahit simpleng pagpiga ng labada, pag wawalis o kaya pag va-vaccum, pag mo-mop, pag lilinis ng lamesa o shelf, o kung ano mang maaring linisin–physical activity na ‘yan. Nakatulong ka na sa bahay, na-improve mo pa ang kalusugan mo!
3. Gumamit ng hagdan.
Kapag namamasyal, ugaliing gamitin ang mga hagdan imbes na mag elevator o escalator. Marahil boring sa pandinig ngunit maganda ito para sa iyong legs. Kaya naman hangga’t available, gumamit ng hagdan.
4. Sayawan na!
Para sa mga taong madalas nag kukulong sa kwarto at nag so-soundtrip lamang, bakit hindi niyo na rin sabayan ng pag sayaw? O kung ikaw naman ay may paboritong k-pop artist, maari mo din namang subukan gayahin ang kanilang mga choreography habang nanunuod ng kanilang videos sa YouTube! Imbes na magbabad sa panonood ng Tiktok, bakit ‘di subukan ang mga latest na dance challenge. I-post mo man ito o hindi, ang mahalaga, nakapagpapawis ka kahit paano.
5. Maglaro ng active games.
Patintero, chinese garter, mataya-taya, pagsasayaw, hulahoop, volleyball, biking, football, basketball – ilan lamang yan sa mga masasayang laro na maari mong gawin kapalit ng exercise. Ang maganda pa rito libre na at kasama mo pa ang iyong mga kaibigan.
6. Tumindig para sa kalusugan.
Online classes sa araw, online games, social media at Netflix sa gabi? Naku delikado ‘yan! Ayon sa mga eksperto, ang epekto sa kalusugan ng pagbababad sa upuan ay kaparehas ng paninigarilyo. Kaya subukang tumayo nang masmatagal sa isang araw. Pwede kang gumamit ng standing desk, kahit anong mataas na lamesa, o kahit plantsahan, kahit ilang oras lang sa isang araw, para maiwasan ang matagal na pag upo. Bawas-bawasan din ang pagbababad sa social media, hindi lang para sa pisikal na kalusugan, kundi para sa mental health mo rin.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Malaki ang epekto ng physical activity sa iyong kalusugan hanggang sa pagtanda. Ngunit laging tandaan na kinakailangan ay nakaayon ito sa kakayanan ng katawan. Hindi mo kailangan mapressure magpunta sa gym kung hindi ito ang nais mo. Maraming alternatibong paraan na available para sa’yo. Ang importante ay mapanatili mong malusog at masaya ang iyong sarili sa paraang akma sa iyo.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.