Kadalasan, darating ang panahon sa buhay ng isang tao na siya ay makikipag-sex. Kailan man ito dumating para sa’yo, o sa mga taong malapit sa iyo, mahalagang pag-isipan muna kung paano maproprotektahan ang sarili laban sa mga maaaring kahihinatnan nito. Kasama na dito ang maagang pagbubuntis at Sexually Transmitted Infections (STIs).  

Sa mga nakikipag-sexna, ang pinakaepektibong paraan para maiwasan ang maagang pagbubuntis ay ang paggamit ng contraceptives. 

Ano ang pagbubuntis at ang contraceptives?

Bago natin alamin ang tungkol sa contraceptives, alamin muna natin: Paano ba nabubuntis ang isang babae? May tatlong prosesong nangyayari:

  1. Ovulation: Maglalabas ng hinog na itlog ang obaryo ng babae at pupunta ito sa fallopian tube para maghintay ng semilya ng lalaki. 
  2. Fertilization: Magtatagpo ang itlog ng babae at ang semilya ng lalaki
  3. Implantation: Kakapit ang na-fertilize na itlog sa dingding ng matris at maninirahan dito.  

Ang trabaho ng contraceptives ay ang pigilan ang pagtatagpong ito sa simula pa lamang ng ovulation. Kung walang hinog na itlog, hindi na ito aabot pa sa fertilization o pagtatagpo ng  ng itlog at semilya, at implantation kung saan maninirahan na ang itlog sa loob ng bahay bata ng isang babae.

May dalawang pangunahing kategorya ang contraceptives: ang hormonal, na nakakaimpluwensya sa level ng hormones ng mga kababaihan, at ang physical barrier na  pisikal na hinaharangan ang sperm cell na umabot sa egg cell at maaring makatulong maiwasan ang sexually transmitted infection (STI).

Anu-ano nga ba ang mga klase ng contraceptives na available sa Pilipinas?

Hormonal

Pills

Ito ay uri ng hormonal contraceptive na iniinom ng babae para mapigilan ang pagbubuntis, isang beses kada araw. Pinipigilan nito ang ovulation o paglalabas ng itlog ng isang babae. Kapag walang itlog ng babae at semilya ng lalaki na magtatagpo, walang pagbubuntis na magaganap.

Meron itong dalawang klase:

  • Combined Oral Contraceptives (COCs) na mayroong estrogen at progesterone. Iniinom ito araw-araw sa loob ng 21 days pero may scheduled break ito ng 7 na araw kung saan ang iinumin mo lamang ay ang inactive pills o pills na walang lamang gamot.
  • Progestin-only pills o “mini pill” na walang estrogen na kasama. Iniinom ito sa parehong oras araw-araw at wala itong inactive pill na araw.  Ligtas din itong gamitin para sa mga nagpapasuso.

Implant

Ang implant ay isang pangmatagalang uri ng hormonal contraceptive na gawa sa plastic. Singlaki lamang ito ng palito ng posporo, at ipinapasok ito sa ilalim ng balat  sa braso ng babae. Ito ay 99% na epektibo at tumatagal ito nang hanggang tatlong taon.

Naglalabas ang implant ng hormones na progestin. Pinapakapal nito ang mucus ng cervix upang mahirapang makapasok ang semilya, at pinipigil din nito ang paglalabas ng itlog ng obaryo o ovulation para walang pagbubuntis na mangyayari. Pwede itong ipatanggal anytime kapag nagdesisyon ang babae na gusto na niyang magbuntis.

DMPA

Ang Depo-Provera o Depo shot o kadalasang tinatawag na DMPA o injectable ay isang klase ng hormonal contraceptive na iniinject sa babae kada tatlong buwan. Effective ito kapag consistent ang pagsunod sa injection schedule. Gaya ng implant, pinipigil nito ang proseso ng ovulation at pinakakapal nito ang mucus sa cervix para hindi makapasok ang semilya ng lalaki para iwas pagbubuntis. 

Physical Barrier

Intrauterine Device (IUD)

Ang intrauterine device o IUD ay isang uri ng physical barrier na hugis letrang “T” na ipinapasok sa loob ng matris ng isang babae. Ito ay 99% na epektibo at tumatagal ng hanggang 10 hanggang 12 taon.  Ang copper IUD ang pinaka-available na klase nito sa Pilipinas. Binabago ng IUD ang galaw ng semilya ng lalaki para hindi ito makaabot o makatagpo ng itlog ng babae. Gaya ng implant, pwede itong ipatanggal anytime sa isang medical professional kung gusto nang magbuntis ng babae.

Condom

Ang condom ay isang physical barrier contraceptive na sinusuot ng lalaki sa kanyang ari kapag makikipagtalik. Ito ay manipis at kadalasang gawa sa latex na sumasalo ng semilya para hindi makapasok sa ari ng babae. Isa ito sa mga pinakaepektibong proteksyon laban sa pagbubuntis at posibleng pagkahawa ng STIs kung ito ay gagamitin nang tama. Ito ang pangkaraniwang ginagamit para sa pagtatalik dahil nabibili ito sa mga convenience store, grocery, at botika, at hindi kailangan komunsulta sa doctor o nurse bago gamitin. 

Mahalangang paalala tungkol sa contraceptives

Bagamat epektibo, hindi lahat ng nabanggit na contraceptives ay may kakayahang protektahan ang mag partner laban sa STI gaya ng HIV. Condom lang ang tanging contraceptive method na kayang gawin ito.

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Maraming klase ang contraceptives. Ang pagpili ng perfect na uri nito ay nakadepende sa pangangailangan at lifestyle ng isang tao at ang tama at akmang pagpili nito ay mahalaga para mas maging masaya at safe ang sex life.