Nakaidlip ka na ba habang nasa kalagitnaan ng class? O kaya naman nasabihan na ng “lutang” or “sabaw” ng teacher mo? Kung oo, marahil ay isa ka sa maraming kabataan na hindi nakakakuha ng sapat na tulog.
Ayon sa mga eksperto, ang mga teenager daw ay kailangang nakakakuha ng walo hanggang sa 10 oras ng tulog sa isang araw. Ang pagkakaroon ng sapat na tulog na gaya nito ay nakakatulong para mapanatiling masigla at malusog ang pisikal at emosyonal na kalusugan, maging na rin ang magandang performance sa school.
Kaya mahalagang malaman ang mga senyales ng sleep deprivation o kakulangan ng tulog. Mahalaga rin malaman kung ano ang maaaring maging epekto nito sa kalusugan para mapagplanuhan ang pwedeng gawin para ma-improve ito.
Sleep is NOT for the weak!
Sa kahit anong edad, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na oras ng pagtulog—lalong-lalo na para sa mga kabataan. Ang mga pagbabago at development kasing kasama sa puberty stage ng isang teenager gaya ng mental, pisikal, social, at emosyonal ay nangangailangan ng maayos at sapat na tulog.
Kapag hindi nakakakuha ng sapat na tulog ang isang tao maaari siyang makaranas ng mga sumusunod:
- Mabilis na pagkairita o pabago-bagong mood. Ang kakulangan sa tulog ay maaaring makaapekto sa emosyonal na kalusugan at maaari ring magdulot ng depresyon.
-
- Pagiging unproductive. Kapag kulang sa tulog ang isang tao, mas nahihirapan siyang mag-focus sa mga gawain.
- Pagbigat ng timbang. Maraming parte ng katawan ang apektado kapag kulang sa tulog ang isang tao kaya bumabawi ang katawan sa pagkain at maaaring lumakas din ang appetite para sa mga hindi healthy na pagkain.
- Pagiging makakalimutin. Ang pagtulog ay nakakatulong sa ating mag-imbak at makaalala ng mga impormasyong natutunan natin sa buong araw. Tinutulungan din nito na mag-refresh ang utak kaya pag kulang sa tulog, pwedeng maging makakalimutin sa sunod na araw.
- Hirap sa pag-concentrate. Kapag kulang sa tulog, pwedeng bumagal ang kakayahan mong umintindi sa mga binabasa at ginagawa mo. Sa madaling sabi, “lutang” ka.
- Madaling pagkapit ng sakit. Kung laging kulang sa tulog, malaki ang chance na bababa ang iyong immune system na siyang dahilan ng posibleng pagkakaroon ng iba’t-ibang uri ng sakit.
Kaya wag kang makikinig sa sinasabi ng iba na “Sleep is for the weak.” Dahil kapag hindi ka natulog, magiging weak ka talaga sa lahat ng aspeto.
#MalayaAkongMagingMALUSOG
Tandaan, importante ang sapat na tulog hindi lang para maging healthy, kundi para na rin makapag-focus sa mga gawain o kaya sa pag-aaral. Kaya kahit ano man ‘yan, itulog mo na ‘yan. Hindi mo masasalubong ang kinabukasan nang walang takot at pangamba kung antukin ka.