Ilang linggo nang kinikimkim ni Carl* ang dinaramdam niya. Alam niyang hindi lang ito tipikal na #sadboiproblems o pagkalungkot. Gusto niya sanang magsabi sa mga magulang niya pero paano? Natatakot din siya sa maaari nilang isipin tungkol sa kanya.
Hindi madali ang mag open-up tungkol sa mental health problems sa kahit na sino man. Ang pagbubukas ng iyong sarili sa iba tungkol sa bagay na ito ay isang napakalaking hakbang tungo sa pagtanggap ng estado ng iyong mental na kalusugan.
Paano Kung Magalit Sila?
Kung nangangamba ka na magalit o ma-disappoint mo ang iyong mga magulang, tignan mo ito sa ganitong perspektibo: kung ikaw ba ay nilapitan ng isang kamaganak o minamahal sa buhay tungkol sa mental health issues nila, ano sa tingin mo ang iyong magiging reaksyon? Magagalit ka ba o magiging mapagpakumbaba?
Mahirap mag-share ng ganitong pribado at personal na karanasan dahil sa maraming bagay. Pero kung haharapin mo ito nang mas maaga, mas mapapadali din ang gamutan at solusyon para dito.
Narito ang ilang tips na maaring makatulong sa iyo:
1. Timing is everything.
I-schedule ang pag-uusap. Madalas na mas mainam ito kaysa sa biglaan at hindi pinaghandaang komprontasyon.
Mahalaga rin na nasa kumportable, tahimik, at payapa kayong lugar para mas malaya kang makapagbahagi ng iyong saloobin.
Kung hindi mo kaya ng face-to-face na pag-uusap, pwede ka ring sumulat ng liham o mag padala ng chat o text. Remember, PM is the key!
2. Maging handa.
Ihanda ang mga sasabihin. Magsaliksik at ilista ang inaalala’t nararamdaman. Mahalaga ito upang mas maintindihan ng iyong pamilya ang iyong pinagdadaanan.
Maaari ka ring maglista ng action point o mga pagbabagong gusto mong mangyari. Igiit na kailangan mong magpakonsulta sa mental health professional na may sapat na kaalaman at experience.
3. Dapat tapat.
Maging 100% na tapat. Sabihin sa kanila ang iyong mga takot, concerns, at pangamba para mas maayos silang makatugon sa iyo.
Sabihin sa kanila ang kailangan mong tulong at suporta. Hanggat maaari ay maging specific at gumamit ng mga salitang “I” o “Ako” sa mga pangungusap para mas personal at alam nilang ito ay tungkol sa iyo.
4. Huwag sisihin ang sarili.
Isaisip na hindi mo kasalanang magkasakit. Walang nakakahiya sa pagkakaroon ng mental health problems at paghingi ng tulong.
Laging tandaan na #DASURV mo ang lahat ng tulong na makukuha mo.
5. Magkaroon ng maraming options, options, at options!
Kung sa tingin mo ay isa ang mga magulang mo sa nagti-trigger ng iyong mental health problem o kung pakiramdam mo ay hindi ka nila pinaniniwalaan, maaari kang makipag-usap muna sa ibang pinagkakatiwalaang nakatatanda o awtoridad. Pwedeng lumapit sa tito, tita o iba pang kamag-anak, guidance counsellor, o kaya naman ay guro.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Hindi masamang humingi ng tulong kung alam mong kailangan mo ito. Sa ganitong sitwasyon, kailangan mo ang lahat ng suporta at pagmamaha na pwede mong makuha.
Tandaan na ang paghingi ng tulong ay hindi isang senyales ng kahinaan. Pagpapakita ito ng kalakasan at pagmamahal sa sarili. Kung humingi ka ng tulong sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyong pamilya, congratulations! Dahil nasa first step ka na tungo sa paggaling.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.