Hugot lines—pampelikula lang ba ito o pampigil din sa pagbubuntis?
Matagal nang napagdesisyunan ni Sophie* na handa na siyang makipagtalik kay Dan*. Nang dumating na ang pagkakataon, sinabi ni Dan sa kanya na hindi na raw kailangang mag-condom dahil huhugutin niya naman agad ang kanyang ari bago s’ya labasan. Laking tiwala sa kanya ni Sophie dahil sabi ng mga kaibigan niya, gano’n rin naman ang ginagawa nila at wala naman DAW nabubuo.
Hindi lubos akalain ni Dan at Sophie dahil nang sumunod na taon ay may anak na sila.
“Promise, sa labas ko ipuputok. ‘Wag na tayong mag-condom. Huhugutin ko naman.” ‘Yan ang hugot na nakakatakot! Marami nang nakarinig n’yan. Marami na ring nabudol.
Maraming magkarelasyon ang gumagamit pa rin ng hugot, pull out, o withdrawal method kahit na mataas ang tsansang mabuntis gamit ang pamamaraang ito. Bakit nga ba hindi, diba? Lalo pa’t libre ito. Ngunit tulad nang lahat ng libre sa mundo, balang araw, sisingilin tayo nito. Oh di ba, #HUGOT?
Hindi mabisang paraan ang hugot o withdrawal method dahil ang ibig sabihin lamang nito ay huhugutin agad ang titi o penis mula sa puki o vulva sa oras na maramdaman niyang malapit na siyang labasan. Akala ng marami na sa ganitong paraan, walang makakapasok na sperm… pero hindi.
Ito ay dahil sa pre-cum o pre-ejaculatory fluid. Pre-cum o pre-seminal fluid ang tawag sa likido o semilyang pumupuslit bago pa man labasan ang isang lalaki. Hindi niya ito kontrolado at karaniwang hindi niya nararamdaman kaya kahit hindi tuluyang labasan ang lalaki, o kahit hindi niya pa ipasok ng buo ang kanyang ari, may posibilidad pa rin ng pagbubuntis.
Bukod pa rito, mataas din ang tsansang mahawaan ka ng sakit dahil ang hugot method ay hindi nagbibigay ng proteksyon laban sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik (sexually transmitted infections o STI) tulad ng HIV.
#MalayaAkongMaging LIGTAS
Kung dumating man ang panahon na mapunta ka sa ganitong sitwasyon at nais mo nang makipagtalik nang may consent, ‘wag kalimutang pangalagaan ang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng proteksyon. May karapatan kang maging ligtas kaya’t ‘wag magpapilit sa iba at ‘wag gumawa ng bagay na hindi ka komportableng gawin.
Laging tandaan na ang #HUGOT ay mas magandang sa rom-com movies na lang. Pero pagdating ng panahon na handa ka nang makipagtalik? Say NO to #HUGOT. Laging gumamit ng condom at contraceptive na bagay sa iyo.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.