Dahil malapit na ang summer, nagpaplano si Danica at Gio* mag sexy time sa swimming pool. Sabi-sabi kasi ng mga kaibigan nila, ligtas daw makipagsex sa dagat o sa pool kasi nakakapatay daw ng semilya ang chlorine—lalo na kung sa hot spring kasi hindi naman daw nabubuhay ang semilya sa mainit na tubig. Isa pa, aagusin naman daw ng tubig papalayo ang semilya.
Sa kasamang palad, hindi totoo ang lahat ng ito.
Una sa lahat, magaling lumangoy ang mga semilya. Pang Olympics ang husay nilang sumisid kaya naman oras na pumasok ang ari ng lalaki sa puki ng babae, matik na kanya-kanya na silang lusot at asinta.
Hindi rin kayang anurin ng tubig ang semilya kaya kahit na may pumasok pa na tubig sa puki ng babae kasabay ng pagpasok ng ari ng lalaki, hindi nito kayang dalhin papalabas ang semilya. Hindi rin ito basta bastang namamatay mainit man o malamig ang tubig, may chlorine man o wala. Ang napapatay lamang ng chlorine ay bacteria, hindi semilya.
Huli sa lahat, hindi kayang pigilan ng mainit na tubig ang pagbubuntis kahit sa anumang pamamaraan, kaya kailangan na nating magising sa katotohanan na ang mainit na tubig ay ginagamit lamang sa kape, hindi sa pagpipigil sa pagbubuntis.
#MalayaAkongMaging LIGTAS
Kahit nasaan man, sa kapatagan man o sa kabundukan, sa karagatan o kahit pa sa buhanginan a la Temptation Island, oras na pumasok ang ari ng lalaki sa loob—o dumikit sa paligid—ng puki ng babae, may posibilidad na ng pagbubuntis. Ang kaunting halaga ay sapat na upang mabuntis ang isang babae kaya ‘wag kalimutang protektahan ang sarili laban sa hindi planadong pagbubuntis at sa mga nakakahawang sakit.
Ano, kape? G?
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.