Jumping Jacks—marahil ay nagawa mo na ‘to sa mga P.E. classes ninyo nang maraming beses simula noong bata ka pa. Effective na total body exercise, ‘di ba? Tatalon ka lang ng pataas at pababa eh papawisan ka na at magiging healthy pa! Pero… hanggang doon lang siya epektibo.
Pagtalon: Hindi Ito Contraceptive!
May mga tao kasing naniniwala sa sabi-sabi na ang pagtalon pataas at pababa, gaya ng jumping jacks, pagkatapos makipagsex ay epektibo raw na paraan para hindi mabuntis. Nako po, fake news ‘yan! Mapapagod ka na nga sa katatalon, may posibilidad ka pang mabubuntis! Hindi ito isang uri ng contraceptive na kayang protektahan ang isang babae mula sa hindi inaasahang pagbubuntis o unplanned pregnancy.
Bakit ito Hindi Epektibo: Alamin Paano Nangyayari ang Pagbubuntis
Ang isang babae ay posibleng mabuntis kapag siya ay nakipagsex ng walang kahit anong uri ng proteksyon. Basta’t may sperm na pumasok sa ari o vagina ng isang taong may matris, ay may chance na mabuntis ito. Bakit kamo? Ito ay dahil sa mga katangian ng semilya o sperm cells.
- Marami. Ang semilya ay naglalaman ng 100 hanggang 200 million na sperm cells. At sa milyon-milyong ito, iisa lang ang kailangan ng para mabuntis ang isang babae.
- Mabilis. At dahil mabibilis din kumilos ang mga sperm cells, kahit umihi at magtatalon pa ang isang babae pagkatapos makipagtalik, mayroon pa ring sperm na nakapasok na sa loob na maaaring maka-fertilize ng egg na siyang magiging sanhi ng pagbubuntis.
- Matibay. Basta’t nakapasok na ang semilya sa katawan, tumatagal ito sa matris ng lima hanggang anim na araw. Hindi na ito lalabas kahit tumalon talon pa!
Bukod pa sa banta ng hindi planadong pagbubuntis, ang pakikipagsex nang walang proteksyon gaya ng condoms ay maaari ding magdulot ng mga sakit na nakukuha mula sa pakikipagtalik o sexually transmitted infections (STI) tulad ng HIV.
Para makasiguradong hindi mabubuntis ang isang babae kahit makipagtalik, mas makabubuting gumamit ng modernong contraceptives gaya ng condom, pills, implant, injectables, at IUD o intrauterine device.
#MalayaAkongMaging LIGTAS
Laging tandaan na ang mga ganitong mga chismis na malamang ay narinig mo lang sa kapitbahay, kaklase, o kaibigan, ay dapat munang kumpirmahin bago gawin. Ugaliing mag fact check muna! Wala namang masama kung magtatanong ka tungkol sa isang bagay na pwedeng bumago sa kinabukasan mo—dagdag knowledge pa, ‘di ba?