Alam ni Jade* na may pinagdaraanan ang kaibigan niyang si Aaron,* pero hindi niya alam kung dapat niya bang hintaying magsabi ito sa kanya o siya na ang mag open-up ng usaping ito. Bakit ba kasi ang awkward ng ganitong sitwasyon? Eh normal lang naman dapat humingi ng tulong ‘di ba?
Kapag ang isang tao ay may pinagdaraanang mabigat sa buhay, lalo na kung nakakaranas ng depression, natural lang na humingi ng tulong sa iba. Ang pagtutulungan ay may malaking role sa pagbuo ng mga relationships sa ibang tao.
Kailangan ko ng tulong…
Minsan parang ang daling sabihin pero napakahirap nitong gawin. Kadalasan kasi sarili din natin ang hadlang sa paghingi ng tulong. Walang masama o nakakahiya sa paghingi ng tulong at kapag nalampasan mo ang stage ng pagkahiya o awkwardness, mas napapalapit ka na sa #roadtohealing! Kaya naman narito ang ilang paraan kung paano humingi ng tulong sa iba:
1. Huwag magdalawang isip na mag-reach out.
Okay lang kung hindi mo pa alam kung ano ang specific na kailangan mo o kung paano mo ito sasabihin. ‘Wag kang ma-discourage. Ang mahalaga lang ay maipaalam mo sa iba na may pinagdaraanan ka, para mapagisipan ninyong pareho kung paano ka matutulungan.
Maging honest at open lang dahil normal ang makaranas ng struggles at ang humingi ng tulong. Parte ito ng pagiging tao.
2. Pumili ng taong pagsasabihan.
Walang kaso kung magulang, tita, teacher, o kaibigan ang paghihingan mo ng tulong. Kahit sino pa yan ay okay lang. Ang mahalaga ay makapagsabi ka sa taong alam mong safe ka at talagang makikinig sa saloobin mo. Piliin ang taong pinaka kumportable kang kausap para mas mapadali ang paghingi ng tulong.
3. Planuhin ang gagawing pakikipag-usap.
Hindi madaling gawin ang pag open up, kaya makakatulong sa iyo kung plaplanuhin at pag-iisipan mo itong mabuti. Kapag nahanap mo na ang taong sa tingin mo ay makakatulong sa iyo, pwede mong gawin ang mga sumusunod bilang paghahanda:
- Ilista ang mga gusto mong sabihin para hindi mablangko
- Maghanap ng lugar na may privacy at walang distraction
- Pumili ng best time para mag-usap—gaya ng weekends para pareho kayong relaxed
4. Magkaroon ng plan A, B, C, D…
Hindi lahat ng plano ay nasusunod, kaya kung sa tingin mo ay hindi epektibo ang una mong kinausap, Plan B na agad! Mula sa iyong pamilya, mga kaibigan, teacher, pati na rin sa mga mental health professionals—promise, mayroon at mayroong isa dyang handang tumulong sa’yo.
Tandaan na hindi lahat ng tao ay may kapasidad na tumulong kaya kung hindi mag work out sa una, ‘wag itong personalin. Huwag mahihiyang lumapit at sumubok ng iba’t-ibang options.
5. Call a friend.
Kapag may suicide ideation o sa tingin mo ay may posibilidad na saktan mo ang iyong sarili, mahalagang tumawag ng kahit sinong pwedeng manatiling kasama mo hanggang sa kumalma ka at maging mas stable ang sitwasyon. Mayroon ding mga suicide prevention hotlines na pwedeng tawagan kung sakaling magkaroon ka ng suicidal thoughts.
Huwag ikahiya ang paghingi ng tulong! Ibig sabihin lang nito, mahal mo rin ang sarili mo . Kaya ‘wag mahiyang mag-reach out.
Kailangan ng iba ng tulong…
Kung ikaw naman ay may kakilala o nalamang tao na nangangailangan ng tulong, timbangin muna ang sitwasyon.
Kung kailangan niya ng agarang tulong ay tumawag kaagad ng ibang nakatatanda o awtoridad. Kung wala naman sa panganib at nasa safe space kayo, ang sincere na pakikipag-usap ay makakatulong.
Ito ang mga maaari mong gawin para makapagbigay ng tulong sa iba:
- Maglaan ng safe space (walang distractions at judgment).
- Hayaan silang magbahagi nang kusa.
- Huwag subukang i-diagnose at kwestyunin ang kanilang nararamdaman.
- Huwag magbigay ng unsolicited advice, o mga opinyon na hindi naman hinihingi sa’yo.
- Para makapagbahagi sila nang mas malaya, magtanong ng open-ended questions, o mga tanong na hindi nasaasagot ng simpleng “oo” at “hindi.”
- Pag-usapan ang mga healthy na bagay katulad ng self-care at exercise.
- Bigyan sila ng contact para sa professional na tulong o bigyan sila ng options para makakuha nito.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Mahalagang bigyang pansin ang pisikal, mental, emosyonal, ispiritwal, at iba pang aspeto ng kalusugan ng isang tao. Kapag alam mo kung kailan mo kailangang makakuha at makapagbigay ng tulong, mas magiging madali ang pagtugon sa mga isyung mental na kinakaharap ng mga kabataan ngayon.
Laging tandaan, ang paghingi ng tulong ay isang paraan ng pag practice ng self-love! Kaya laging unahing mahalin ang iyong sarili.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.