Sa mundo na usong uso ang couple vloggers at K-drama romance, ‘di malayong maisip, “Sana ako rin may nagpapakilig!” Sa mga paulit-ulit nating nakikita na trending sa social media at mga pelikula, napu-push ang maling ideya na significant other ang kukompleto sa buhay ng isang tao.
Totoong masarap magmahal at mahalin pabalik, pero tulad ng ibang bagay, may tamang timing para d’yan. Maraming klase ng pag-ibig sa paligid natin na baka hindi lang nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sa sarili, pamilya, kaibigan, pets, community, at kahit sa mga hobbies at passion natin, may love! Hindi kailangang isipin na mas mahalaga ang romantic relationship kumpara sa iba pang uri ng pag-ibig na meron na tayo ngayon pa lang.
Malawak ang mundo at maraming pwedeng i-explore sa buhay lalo na sa teenage years. Kung ‘di ka pa kumbinsido, ito ang ilang mga dahilan kung bakit OK lang maging single:
1. Focus sa sariling pag-unlad
Kapag single, mas may pagkakataon kang mag-focus sa iyong sariling pag-unlad at paglago. Ito ang oras para mag-aral nang mabuti, magpundar ng mga pangarap, at mag-develop ng sariling kakayahan nang walang distractions na maaaring mula sa isang romantic relationship.
2. Pagpapalalim ng pagkakaibigan
Sa pagiging single, mas may oportunidad na makabuo ng meaningful at diverse friendships. Malaki man o maliit ang social circle mo, ang importante malalim ang samahan at mapagkakatiwalaan ang isa’t isa.
3. Pag-explore ng sariling pagkakakilanlan at kalayaan
Ang pagiging single ay nagbibigay ng kalayaan na mas kilalanin ang sarili bilang isang indibidwal. Habang bata pa, maaaring marami ka pang pwedeng ma-realize tungkol sa sarili mo. Ito ang panahon para mag-explore at pagnilayan kung ano ang talagang gusto mo, kung ano ang makapagpapasaya sa’yo, at kung paano ka makakapag-ambag sa mga mahal sa buhay, komunidad, at lipunan.
4. Mas maraming oras para sa mga mahal sa buhay
Maaaring ‘di pa sumasagi sa isip, pero hindi mo naman habang buhay na makakasama ang mga mahal mo sa buhay. Mapa magulang, kapatid, kamag-anak, kaibigan o kung sino man na itinuturing mo na pamilya, darating ang punto na mababawasan ang oras ninyo para sa isa’t isa. Kaya habang single, mas marami kang oras para makipag-bonding sa pamilya o iba pang mahahalagang tao sa buhay mo. Ito ang pundasyon ng mas malalim na relasyon niyo sa hinaharap, magkikita man nang madalas o hindi.
5. Paghahanda para sa hinaharap
Habang single, mas may pagkakataon na pag-isipan at paghandaan ang hinaharap mo nang maayos at may kalinawan. Pwede kang mag-set ng mga personal na layunin at plano para sa kinabukasan nang walang pressure o expectations na maaaring magmula sa ka-relasyon. Mahalaga na meron kang sense of self at proud ka sa sarili at sa mga kaya mong gawin. Ito ang tutulong sa ‘yo na magmahal nang buo ng ibang tao. Ito rin ang magbibigay ng kumpiyansa at makakapagpatibay sa ‘yo anuman ang mga pagsubok na haharapin sa buhay.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Sa huli, tandaan na ang pagiging single ay hindi nangangahulugan na may kulang sa’yo o sa buhay mo. Ang panahon na ‘to ay pagkakataon para mas mahalin at pasalamatan ang iyong sarili at magsilbing panahon ng personal na paglago at pag-unlad. Huwag ikumpara ang sarili sa iba base lamang sa kanilang relationship status. Mahalaga ang pagmamahal at pagtanggap sa sarili, at ang pag-unlad ay maaaring makamit kahit anong estado ng relasyon. Mahalaga ka, may nagmamahal sa’yo, at malaki ang potensyal mo, single man o in a relationship.