Posibleng wala pa ito sa isip mo sa ngayon, pero darating ang araw na kailangan mong magdesisyon. Habang nagdadalaga o nagbibinata, normal lang na maging curious sa usaping sex at normal lang din kung hindi. Pero kung curious ka, baka napaisip ka na rin: Kailan ba ang perfect time para dito? Ano ba ang do’s and don’ts ng sex? Sino ka man or anuman ang iyong dahilan, basahin mo muna ‘to. Pramis, makakatulong ito!
Malaking bagay ang sex. Kaya naman bago subukan, take a step back at pag-isipan.
Gusto mo ba talagang makipag-sex? Kung napipilitan o na-pressure ka lang, hindi mo rin ito mae-enjoy. Laging tandaan na maari kang humindi. Sa sex, dapat walang pilitan, walang takutan, at dapat itong maging nakasisiya para sa lahat.
Big C, Consent.
Ang sexual consent ay ang parehong pagsang-ayon ng mag-partner sa kahit anong gawaing sekswal. Laging tandaan ang mga sumusunod pagdating sa consent:
- Dapat pareho kayong nasa tamang pag-iisip–hindi nakainom o nasa impluwensya ng droga at hindi rin pressured.
- Maaring magbago ang isip ninyo at bawiin ang inyong pagsang-ayon. Kahit pa nasa gitna na kayo ng ginagawa nyo.
- Walang gulatan. Makakabigay ka lamang ng consent kung alam mo ang kabuuan ng iyong ino-oohan.
- Makakapagbigay ka lamang ng consent sa mga bagay na gustong-gusto mong gawin at hindi mga bagay na expected lamang sayo.
- Hindi dahil sumang-ayon ka sa isang bagay ay ibig sabihin yes na rin sa iba pa. At kahit um-oo ka na ngayon, ‘di ibig sabihin na agree ka na palagi sa bagay na ‘yon.
Kung may kulang o hindi sigurado sa mga ito, hindi full consent ang tawag d’yan. Kung hindi ka lubos na pumapayag o kung hindi nirerespeto ng partner mo ang iyong mga limitasyon o boundaries, maaaring hindi pa ito ang tamang tao o panahon para sa pakikipagtalik.
Risk at Consequences ng Sex, Alam Mo at Handa Ka na ba?
Sa tamang lugar, panahon, at pagkakataon, at kasama ang tamang tao para sa’yo, maaaring magdala ng kaligayahan ang pakikipagtalik. Dapat lang naman, dahil kung hindi mo ito mae-enjoy nang walang pag-aalinlangan, huwag mo na lang itong gawin.
Maaaring magdulot ng malaking pagbabago at risk din ito sa iyong physical, psychological, mental, at emotional health kapag hindi pinaghandaan, mula unwanted pregnancy at sexually transmitted infections, hanggang sa pagbabago ng damdamin at emosyon. Karaniwang kakabit ng unwanted pregnancy ang pagtigil sa pag-aaral, paghahanap-buhay nang maaga, pagpapalaki ng mga anak, at pagtataguyod ng pamilya. Kadalasang naiiwan sa mga kababaihan ang pagpasan ng mga responsibilidad na ito.
Paniniwala, Tradisyon, Hangarin, Atbp.
Ngayong alam mo na ang kahalagahan ng consent at mga dalang risks ng sex, mabuti kung tingnan din ang mga values na mayroon ka, pati na rin ang sa partner mo, para makita kung tugma ito.
Naniniwala ka ba sa no sex before marriage? Nagtitiwala ka ba sa iyong partner? Ano ang iyong mga hangarin? Alamin kung ano ang iyong paniniwala at mga pinahahalagahan o values bago magdesisyon. At tandaan na anuman ang mga ito, dapat respetuhin niyo ng partner mo ang values ng isa’t isa. Pwede namang magbago ang mga paniniwala at values mo habang mas nakikilala mo ang sarili mo. Pero, dapat kusa itong manggagaling sa’yo at hindi dahil na-pressure ka ng ibang tao. Sa sex, dapat may respeto, may tiwala!
Pag-usapan Muna, I-research Muna.
Mahalaga ring komunsulta’t makipag-usap sa mga taong iyong pinagkakatiwalaan at mga awtoridad tungkol sa sex. Bukod sa mga taong maaaring kausapin, naririyan din ang mga mapagkakatiwalaang sources sa internet katulad ng I Choose, ugatngkalusugan.org, at iba pang verified sources. Ang impormasyon ay dapat updated, totoo, at tama. Kung may tanong, ‘wag mahihiya; may malalapitan ka.
#MalayaAkongmaging MASAYA
Malaki at mahalagang bagay ang pagdedesisyon pagdating sa pakikipagsex. Kaya naman hindi ito dapat pabigla-bigla o minamadali. May mga karapatan ka at unique din ang iyong mga personal na paniniwala’t desisyon. Ang lahat ng mga ito ay dapat nirerespeto at isinaalang-alang. Ang sex, awkward man pag-usapan sa simula, ay dapat komportable, ligtas, positibo at kasiya-siya.