Ano ang grooming
Grooming – minsan pananatili ng personal hygiene, minsan maintenance ng mga alagang pets natin. Pero alam mo ba na pwedeng may negatibo rin itong kahulugan na ginagawa ng mga hindi mabubuti ang hangarin?
Grooming ang tawag sa isang anyo ng pang-aabuso na hindi agaran at lantaran kung saan kinukuha muna ng isang mapang-abusong tao ang tiwala ng biktima para mas madali siyang i-manipula o abusuhin. Tinatawag na predator ang taong sinasamantala ang iba para sa sarili nilang pakinabang. Ang pang-aabuso ay maaaring sekswal, pinansyal o iba pa.
Kanino, saan, at paano ito pwedeng mangyari
Kadalasang target ng grooming ang mga kabataan o menor de edad. Sa tingin kasi ng mga predator, mas madaling lokohin ang mga bata dahil wala pa silang gaanong kaalaman o experience sa pakikipagkaibigan o pakikipagrelasyon. Sa panahon din kasi ng puberty nangyayari ang maraming physical at emotional changes kung kaya’t sinasamantala ito ng mga may masasamang loob.
Pwedeng mangyari ang grooming online at sa totoong buhay. Posibleng ang predator ay taong hindi kakilala, at sa kasamaang palad, may mga nabibiktima rin ng taong kakilala nila. Kadalasang nagsisimula ang online grooming sa mga social media sites, chat rooms, at gaming apps, dahil dito matatagpuan ang maraming kabataan. Kaya mahalagang malaman kung paano protektahan ang sarili sa internet.
Madaling gumawa ng fake account para itago ang tunay na identidad sa kung anu-anong websites. Maaaring magpanggap ang isang predator na siya ay ka-edad lang ng biktima para makuha ang tiwala nito. Pwede rin siyang magkunwari na may parehong interes para bumuo ng koneksyon sa target niya. Sa maling pagtitiwala nakakakuha ng predators ang oportunidad para mambiktima.
Karaniwan ding bumubuo ng romantic relationship ang predator sa mas bata o menor de edad para makuha ang tiwala sa umpisa. Maaaring ang predator ay mag manipula at pilitin ang biktima na gumawa ng mga sekswal na aktibidad gaya ng pagsesend ng hubad na litrato o pakikipagkita upang makipagtalik. Ito rin ang ginagamit na panakot sa biktima para mapilitan siyang manahimik at hindi magsabi sa pinagkakatiwalaan.
Signs ng isang groomer or predator
Ang mga kaso ng grooming ay nagsisimula sa inosente at walang malisyang paraan kaya maaaring mahirap itong tukuyin sa umpisa. Ito ang ilang palatandaan o warning signs ng isang predator:
- Nagsisimula ng pribadong chat. Kung sa pampublikong chat, forum, o gaming app kayo nagkakilala, maaaring magyaya ang isang predator na magkaroon kayo ng private conversation sa ibang app.
- Makulit at mapilit. Kahit anong ignore at pagtanggi mo na hindi ka interesado ay hindi ka pa rin niya tinatantanan. Big sign yan ng isang predator.
- Masyadong perfect. Parang lahat na lang ng interes mo ay interes niya rin. Sumasang-ayon siya sa lahat ng sinasabi mo. Binubuhusan ka ng maraming atensyon, papuri, at/o regalo mapa materyal man o virtual gift, at minsan pati pera. Lahat ng ito ay maaaring technique ng isang predator para iparamdam sa’yo na espesyal ka, nang sa gayon ay makuha niya ang tiwala mo.
- Gustong malaman ang personal information mo. Pwedeng hingin ang iyong cellphone number, address, schedule, o kung saan ka madalas pumunta.
- Tumatanggi sa video o voice call. Maaaring sign ito na tinatago niya ang tunay niyang identidad. Kung pumayag man sa video call, tandaan na may chance pa rin na fake ito dahil talamak na ang AI-generated content kung saan gawa lamang ng app o machine ang isang picture or video.
- Nanghihingi ng mga pictures o videos mo. Posibleng magsimula sa mga simpleng request lang, pero sa kalaunan ay magpapasend siya ng mga sensitibong larawan gaya ng hubad na litrato o iba pa. Pwede rin itong gamitin ng predator bilang pang-blackmail sa’yo.
- Ayaw niyang malaman ng iba ang tungkol sa inyo. Maaari niyang hilingin o pagbantaan ka na huwag mong sabihin sa iba ang pag-uusap o relasyon niyo.
- Nagyayayang makipagkita na kayo lang. Kinukulit o pinipilit ka niyang magkita kayo sa pribadong lugar nang walang ibang kasama o nakakaalam.
Iba’t iba ang diskarte ng mga predator at maaaring hindi lahat ng signs na ito ay ma-experience ng isang biktima. Ang mga taong nasa impluwensiya ng matinding manipulasyon ay maaaring hindi malinaw ang pagdedesisyon. Hindi ito kasalanan ng biktima at hindi sila dapat sisihin sa panloloko sa kanila. Gayunpaman, narito ang ilang tips para mas maging mapanuri:
Tips para maiwasang mabiktima
- Huwag basta-basta magtiwala online lalo na kung pinadadama nila sa iyo agad na “special” ka sa kanila. Huwag mag-share ng personal at pribadong impormasyon sa taong hindi kilala katulad ng mga litrato at ang iyong lokasyon. Maging mapanuri sa mga website at mga nakilala online na humihingi ng mga photos at impormasyon.
- Gawing private ang profile sa mga ginagamit na social media pages o applications. Huwag mag-seek ng validation mula sa mga hindi kakilala! Kahit na private ang iyong profile, mas mabuti rin na piliin ang iyong profile photo na hindi masiyadong kita ang iyong mukha. Profile pictures kasi ang karaniwang batayan ng mga groomer sa pagpili ng bibiktimahin.
- Kung kahina-hinala ang kilos ng kausap, magsabi ng malinaw na “No” o tahasang tumanggi o kaya ‘wag nang mag-reply kung gusto mo nang tapusin ang usapan. Kung mapilit pa rin ito ay mag-take ng screenshots at i-report at i-block ang taong ‘yon. Makikita ang report at block option sa mga karaniwang social media sites at mobile applications.
- Kung makaranas ng alinman sa nabanggit na senyales ng grooming, magsabi sa pinagkakatiwalaang kaibigan, pamilya, guro, o awtoridad.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Mahalagang may kamalayan sa mga isyu gaya ng grooming dahil makakatulong ito para maiwasan na maging biktima nito. I-share ang natutunan sa article na ito sa mga kaibigan at kakilala para mas marami pang maging aware sa ganitong pangyayari at hindi na madagdagan ang mga biktima ng grooming.
Kung ikaw o kakilala mo ay nakararanas ng grooming, tandaan na may mga nagmamalasakit at handang tumulong at sumuporta sa’yo sa pangyayaring ito.