“Beh, kailangan ko ng advice. Gusto na kasi ni Alex* na i-try namin mag-sex. Interesado rin naman ako, pero parang ‘di pa ako masyadong confident. Paano kung magkamali ako o baka maging awkward? Wala pa kasi akong experience.” ani Charlie.* “Hmm… kausapin mo kaya siya?” sagot ng kaibigan niya. “Siguro naman iintindihin ka niya kung mag-oopen up ka tungkol sa mga naiisip mo na ‘yan.”
Mahirap talagang makipag-usap sa partner–o sa totoo lang kahit kanino–tungkol sa sex, lalo pa’t hindi ito malayang pinag-uusapan ng karamihan sa atin na mga Pinoy. Pero tandaan: Susi sa mabuting relasyon ang pagsasabi ng totoo mong nararamdaman, lalo na kung gagawin ito nang maayos at may pagmamahal.
Ang kakayahan niyong mag-partner na pagusapan ang sex ay tanda ng isang malusog na relasyon. Magandang paraan ito para maging mas komportable sa isa’t isa at maiwasan ang ‘di pagkakaintindihan. Sa umpisa pa lang ng relasyon, mainam nang pagusapan ang tungkol sa sex para malinaw na agad ang karanasan, kagustuhan, at hangganan ng bawat isa. Makakatulong din ito para maging mas close kayo bilang mag-partner.
Pero paano nga ba ito simulan? Mahalagang buuin muna ang tiwala sa isa’t isa. Iparamdam sa partner mo na bukas ka sa kung anumang sasabihin niya—na pakikinggan, iintindihin, at rerespetuhin mo ito. At dapat, gano’n din siya sa’yo.
Narito ang ilan pang tips para sa malinaw at epektibong pakikipag-usap tungkol sa sex:
1. Maging mapagpasensya.
Sabi nga nila, start low, go slow. May mga taong naiilang pa sa topic na ‘to kaya ‘wag biglain o pilitin ang partner na mag open up agad. Hindi naman kailangan na isang upuan lamang ang usapan. Magsimula sa mga mas simpleng bagay. Kilalanin ang partner at alamin ang gusto ng isa’t isa. Unti-unti, magiging mas madali ring pag-usapan ang lahat ng ito.
2. Magsabi ng totoo.
Importanteng maging tapat sa iyong saloobin at nararamdaman para maintindihan ng partner mo ang iyong pinanggagalingan. Sabihin mo ang lahat ng nasa isip mo, kasama ang mga takot at pangamba, pati ang mga ayaw at gusto mo. Kung may iba pang mga ninanais o pantasya, sabihin din ito para makatulong sa masusing pag-uusap niyo.
3. Maging positibo at iwasang manisi.
Kung may nais punahin, sabihin ito nang maayos. Magbigay ng suhestyon o alternatibo sa halip na mga akusasyon. Halimbawa, imbis na “Ikaw kasi, ang ___ mo!” subukang sabihing “Hindi ako kumportable sa ____, pwede bang ___ na lang?”
4. Maging bukas sa kompromiso.
Hindi maiiwasang magkaroon kayo ng pagkakaiba. Maaaring may mga gusto siya na ayaw mo at ganun rin naman sa’yo. Maging handang mag-adjust, ngunit…
5. Maging matatag sa iyong hangganan o boundaries.
‘Wag matakot humindi at tumanggi sa kung anumang hindi mo gusto. Huwag mong hayaang pilitin ka sa mga bagay na ‘di ka sang-ayon gawin. Kung hindi ka pa handang mabuntis o makabuntis, linawin mo ito sa iyong partner upang masigurong gagamit kayo ng epektibong contraceptive method.
Tandaan: Kung tunay ang pagmamahal ng partner mo, may respeto dapat siya sa boundaries mo at ‘di ka pipilitin sa mga gawain na ‘di ka komportable o ikapapahamak mo.
‘Wag mahiyang sabihin ang gusto at ‘wag din mahiyang tumanggi. Kaswal o seryoso man ang inyong relasyon, importanteng respetuhin ang kapakanan ng bawat isa, hindi ang makasariling kagustuhan.
#MalayaAkongMaging LIGTAS
Ang paggalang sa isa’t isa ay pundasyon ng mabuting relasyon. Importanteng maging bukas sa iyong partner pagdating sa usapin ng sex at tandaan na laging gumamit ng proteksyon para manatiling ligtas mula sa ‘di planadong pagbubuntis at sa mga sakit na pwedeng maihawa. Seryosong usapin ang pakikipagtalik kaya dapat itong pag-planuhan, pag-isipan, at pag-usapang mabuti.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.