Naaalala mo pa ba ‘yung huling beses na nakatulog ka nang parang sanggol? ‘Yung maaga, mahimbing, at kumpleto sa oras? Hindi na ‘no? Dahil ‘yan sa hindi maayos na sleeping habits.
Ayon sa mga eksperto, ang isang teenager ay dapat na nakakakuha ng walo hanggang 10 oras ng tulog kada araw para makapag-function nang maayos at magkaroon ng malusog na katawan. Kapag kulang kasi ang isang tao sa tulog, maraming bagay ang pwedeng maapektuhan sa kanya. At kapag kulang sa tulog, ang ending? Lutang.
Paano ba makatulog nang maayos?
Maraming paraan para makatulong na ma-improve ang pagtulog—ang tawag ng mga eksperto rito ay “sleep hygiene.” Ito ay ang pagkakaroon ng maayos na sleeping habits at routine para mas makatulog nang payapa at gumising nang ganado.
Mahalaga ang sleep hygiene hindi lang para sa pisikal kundi pati na rin sa mental na kalusugan, at para na rin mas maging productive ang isang tao sa araw-araw.
Kung sa tingin mo ay kulang at hirap ka sa pagtulog, sundin lang ang mga tips na ito:
1. Kalmahan ang kape (at caffeine).
Oo, masarap ang kape. Pero kung hirap kang makatulog sa gabi, mas maiging bawasan ang pag-inom nito o iwasang uminom nito anim na oras bago ang bed time. Pwede kasing maapektuhan ng kape ang oras ng tulog mo. Iwasan din sa gabi ang pag-inom ng milk tea at softdrinks na maaaring maglaman ng caffeine at asukal.
2. Isang episode pa? Hindi, itigil mo na.
Salungat sa paniniwala ng karamihan, hindi “pampatulog” ang panonood sa kahit anong gadget. Ang liwanag na galing sa screen at pagtitig dito ay dahilan para mas lalong hindi makatulog ang isang tao. Pinipigilan nito ang produksyon ng melatonin sa utak na siyang nakakatulong para makaramdam ng antok. Kaya ‘yang natitirang episode ng series? Ipagpabukas mo na. Hindi ka iiwan n’yan.
3. Pag nap, nap lang.
Kung nakakaramdam ng antok sa alanganing oras, pwede namang umidlip pero huwag itong hayaang lumagpas ng 30 minuto. Ayon sa mga eksperto, 10 minuto ang pinakamagandang duration o haba ng pag-idlip at ang pinaka okay na oras para gawin ito ay bago mag 2 p.m.
4. Maraming iniisip? Isulat mo yan.
Kung nahihirapan kang matulog dahil maraming bumabagabag sa isipan mo, subukang isulat ang mga ito nang sa gayon ay mailabas mo ang mga “late night” thoughts at para na rin makapag-relax ang iyong utak.
5. Gawing relaxing ang paligid.
Nakaka-distract at nakaka-stress kapag makalat ang area na tinutulugan mo. Hangga’t maaari, ayusin ang kwarto o anumang lugar kung saan ka natutulog. I-silent ang gadgets at huwag matulog katabi ng mga ito, para hindi mo na maisip i-check ang notifications mo kapag oras na ng tulog. Pag-gising sa umaga, ayusin agad ang kama para mas relaxed kang humiga ulit pagdating ng gabi.
6. Mag-ehersisyo.
Nakatatamad mang gawin, nakatutulong ang pag-eehersisyo para sa mas maiging pagtulog sa gabi. Ang pagkilos o pagiging physically active kasi ay nakatutulong para mas makaramdam ka ng pagod at makatulog agad sa gabi. Dagdag pa rito, nakababawas ng stress at anxiety ang pag-exercise – mga bagay na maaaring maging dahilan ng hirap sa pagtulog.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Tandaan: mahalaga ang pagtulog nang maaga at HINDI sa umaga, para mapaunlad ang pisikal at mental na kalusugan mo. Masarap sa pakiramdam yung bumabangon ka sa araw-araw na fully recharged, na pakiramdam mo laging weekend kahit na Monday palang, ‘di ba?