Siguradong naranasan mo na yung may gusto kang sabihin o kumprontahin pero hindi mo magawa. Pwedeng tungkol sa relasyon o pagkakaibigan, hindi pagkakaparehong mga pananaw sa buhay, at kung ano pang mga bagay na mahirap simulang pag-usapan.
Hindi naman talaga maiiwasan ang mga ganitong usapin at mas lalong hindi nakakatulong ang iwasan ito kahit gaano pa ito ka-awkward at nakakakaba. Kung mas maaga mo itong haharapin, mas magiging madali rin ang pagkakaunawaan ng isa’t-isa.
Narito ang ilang tips para mas mapadali at maging swabe ang pagkumpronta sa mga bagay-bagay:
1. Makinig at Umintindi.
Kapag nagsasalita ang kausap, ibigay ang iyong 100% na atensyon at makinig nang bukas ang isipan. Makinig muna bago mag-isip nang isasagot. Tumango, mag-reflect sa key points na kanyang sinabi, at saka magtanong. Magkaroon din ng fresh, unprejudiced, non-judgmental mindset. Maging safe space ka at tratuhin siya nang may respeto. Tandaan, kung paano mo tratuhin ang iyong kausap ay ganoon din siya sa’yo.
2. Maghanda.
Mahalaga ang maging handa para sa isang maayos na pag-uusap. Kung kailangan mag-research ng facts, news, at kung ano pang datos para mas maging kongkreto at reliable ang iyong panig, go! Mahalaga rin na ipaintindi mo kung ano ang iyong nararamdaman, naiisip, at pinagdaraanan. Mainam na gumamit ng personal o ‘I’ statements.
Pro Tip: Iwasan ang mag-akusa sa kausap gamit ang mga salitang ‘palagi’ ‘(always) at ‘hindi kailanman’ (never)Maging specific sa kung ano ang gusto mong pag-usapan pati na rin kung ano ang gusto mong makuha mula sa usapan.
3. Magmalasakit.
Intindihin ang panig ng iyong kausap. Tignan ang isyu mula sa kanyang perspektibo at pangangatwiran. Alamin ang pinagdaraanan, nararamdaman, at sitwasyon ng iyong kausap. Tandaan, hindi lahat ng bagay ay tungkol sa iyo.
4. Humanap ng tamang timing.
Sabi nga nila “Timing is everything.” Mahalagang handa at emotionally stable ka at ang iyong kausap, dahil kung hindi, pwedeng masamain niyo ang sasabihin ng bawat isa at lalong gumulo lang ang sitwasyon. Kung hindi pa kayo handa o ang isa sa inyo ay hindi pa handang makipag-usap, ito ang maari ninyong gawin:
- Take a break. Mas mahalaga ang malinaw na pagkakaunawaan. Balikan ang usapan kapag pareho na kayong handa.
- Makinig kung kailangan. Kung nais maglabas ng sama ng loob o nararamdaman ang iyong kausap, maaari kang makinig basta siguruhin na okay at bukal sa iyong loob ang makinig.
- Magsama ng isa pang taong alam mong walang kinikilingan. Magdala ng isang tao na hindi involved, neutral, at unbiased sa isyu para pumagitna o maging ‘referee’ ng usapan. Maaari siyang makatulong magbawas ng tensyon at makahanap ng solusyon o kompromiso ukol sa isyu.
5. Tanggapin na hindi lahat ng pag-uusap ay may happy ending.
May mga bagay talagang hindi nasosolusyonan ng pag-uusap at okay lang iyon. May mga bagay lang talaga na hindi madaling maayos at may mga taong hindi rin bukas ang isipan. Kailangan alamin mo ang limitasyon ng iyong sarili at ng iyong kausap. ‘Wag ipilit ang hindi pwede, ‘wag pilitin ang ayaw. Ika nga nila, “Choose your battles.”
6. Alagaan at mahalin ang sarili.
Malaki ang tsansa na maging heated o emosyonal ang isang usapan. Kung sa tingin mo ay malalagay ang iyong mental health sa alanganin dahil sa usapang ito, lumayo na lang muna. Maging mabait sa iyong sarili at ‘wag hayaang ma-stress nang husto dahil sa komprontasyong ito.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Ang mga bagay na mahirap pag-usapan ay hindi na kailangan pang humantong sa alitan o pagpapa-barangay. Nagkaroon man ng magandang bunga ang pag-uusap o hindi, ang mahalaga ay sumubok kang gawin ito.
Tandaan, ang isang healthy conversation ay panimula tungo sa pagkakaunawaan na siyang daan para sa positibong pagbabago.