Nakakita ka na ba ng mga nagpaparinig sa Facebook status at MyDay o mga cryptic tweets sa X app? O di kaya naman mga namemersonal na anonymous questions sa ngl? Marahil ay may nadaan ng ganito sa feed mo… pero alam mo bang form yan ng bullying?

Ang bullying ay nangyayari kung ang isang tao o grupo na mas may kapangyarihan ay gumagawa ng bagay sa isang tao na hindi nito gusto, nakasasakit, at hindi tama, online man o offline.  

Ang bullying ay laging nagdudulot ng damage sa biktima nito.

Maraming kabataan ang nagiging biktima ng iba’t-ibang klase ng bullying. Pero dapat kang #TUMINDIG para hindi na dumami ang bilang na ito. At ‘wag mag-pikit mata lang dahil meron kang pwedeng gawin para makatulong. 

May Nakita Kang Binubully, Anong Dapat Mong Gawin?

Sa isang bullying scenario, mahalagang maparating mo na may handang sumaklolo sa biktima. May dalawang klase ng tao na nakaka-witness ng bullying ito ay ang bystander at upstander.

Bystander ang tawag kung nakikita mo ang pangyayari pero nanonood ka lang at wala kang ginagawa para mahinto ang bullying. Samantalang upstander naman kung nakikita mong may naaagrabyado at kumikilos o sumasaklolo ka para tumigil ito.

Ang mga sumusunod ay ang mga maaari mong gawin upang matulungan ang biktima ng bullying:

  • ‘Wag pagtawanan ang biktima
  • ‘Wag i-encourage o purihin ang nambu-bully sa kahit na ano mang paraan
  • ‘Wag makisali sa pambu-bully
  • Tulungan ang biktimang makaalis o umiwas sa bullying (gawin ito sa ligtas na paraan)
  • ‘Wag maging audience o tagapanood lamang
  • Kwestyunin ang nangyayaring bullying
  • Maghanap ng iba pang mga kakampi na hindi sang-ayon sa bullying
  • Kaibiganin at suportahan ang biktima ng bullying
  • Kung may nakikita kang intensyonal na iniiwan o iniiwasan ng iba, imbitahan sila na sumali sa iyong circle of friends
  • Magsabi sa nakakatanda at/o awtoridad

Kung ikaw naman ay kabilang sa pinagsumbungan ng kaso ng bullying, ito ang mga maaari mong gawin:

  • Isiping mabuti ang mga susunod na hakbang at ‘huwag magpadala sa emosyon
  • Suportahan ang biktima at alamin pa ang ibang detalye ng bullying
  • Iwasan ang “victim blaming” o paninisi sa biktima at i-assure siya na wala siyang kasalanan sa nangyayari
  • Huwag turuan ang biktima na lumaban o gumamit ng dahas
  • Ipaliwanag sa biktima kung bakit importante na ipaalam ang pinagdaraanang bullying sa mga awtoridad o nakatatanda
  • Ipaalam sa biktima na gusto mong makipagtulungan para masolusyonan ang pangyayari kapag ready na siyang mag-report
  • Hayaan ang nilapitang awtoridad (teacher, o principal, o magulang) na kumausap sa magulang o guardian ng bully
  • Mag follow-up sa biktima para masigurong hindi na naulit ang bullying

Sa panahon na nakakaranas ang isang tao ng bullying, ang pagiging present, emotionally at physically, ay may dalang malaking comfort. Iba pa rin kasi ang feeling kapag alam ng isang tao na may kakampi siya at hindi siya nag-iisa sa dinaranas na pagsubok.

#MalayaAkongMaging MASAYA

Hindi kailanman dapat na kinukunsinti ang kahit na anong form o klase ng bullying. Kaya kung maka-witness ng bullying, ‘wag maging bystander lang! Dapat laging may paki sa kapwa. Tandaan na mayroon kang pwedeng gawin para makatulong na makaalis ang isang tao sa ganitong sitwasyon.