Ang pills ang isa sa pinaka common na contraceptives na ginagamit ng mga babae. At ang susi para sa effectiveness nito? Ang walang mintis na pag-inom araw-araw! Kaso minsan ang pag-stick sa schedule ng pag-inom ng pills ay medyo… hassle. Kasi paano kung busy ka? Paano kung wala ka sa bahay? O simpleng, sadyang makakalimutin ka lang? Ito ang ilang tips para sure na hindi ka makalimot!

1. Pumili ka ng isang fixed na oras para inumin ang pills.

Kung mula Lunes hanggang Biyernes ay 6am mo ise-set na inumin ang pills, eh paano ‘pag weekends tapos gusto mo matulog nang mas matagal? Kaya importanteng pumili ka ng oras na rasonable para inumin ito sa araw-araw. 

2. Isabay mo ang pag-inom nito sa isang aktibidad sa daily routine mo.

Lahat ng tao ay may routine na kinasanayan sa umaga. Kung ise-set mong inumin ang pills ng pagkatapos mong maligo, mag almusal, o mag-toothbrush, magiging parte ito ng clockwork ng iyong sistema. Makakasanayan mo itong inumin dahil parte na siya ng araw mo. Huwag ka lang sanang makalimot mag-toothbrush. Mahirap na. 

3. Mag-set ka ng alarm sa cellphone o gumamit ng libreng mobile apps.

Kung pakiramdam mo ay makakalimutan mo talaga itong inumin, mag-set ka ng alarm sa cellphone mo. Halos lahat naman ng tao ngayon laging hawak o dala ang cellphone kaya ang pagse-set ng alarm ang isa sa mga pinaka-epektibong paraan para di mo ito makaligtaang inumin. Mayroon ding mga apps na pwede mong i-download para ipaalala sa’yo ang pag-inom ng pills.

4. Ilagay mo ‘to sa wallet mo, coin purse, o kikay kit.

Di mo masasabi kung bukas bigla kang may out of town trip o biglaang meeting na wala sa schedule kaya kung nakalagay ito sa wallet, coin purse o kikay kit mo palagi, wala kang dahilan para hindi ito inumin kahit nasaan ka man.

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Tandaan ang #ContracepTIP na ito: Ang pagiging consistent at maagap sa pag-inom ng pills ang susi para masiguro na safe ka mula sa biglaang pagbubuntis. Kaya kung pagkatapos mo sundin ang mga tips na ito eh nakakalimutan mo pa rin, baka magandang kumunsulta ka na sa iyong doctor kung ano ang da best na contraceptive para sa iyo.