Naku po, balik face-to-face classes na ulit sa mga paaralan. Kinakabahan na naman si Kim* na makaharap ang mga kaklase niya. Nandyan yung kakabahan siya at tuluyang ‘di makakasagot kapag pinagrerecite ng teacher at matatameme na naman siya sa tuwing may lalapit para kausapin siya pag recess. Sa tuwing may ibang tao kasi, ganoon na lamang ang kaba niya—para siyang hihimatayin sa bilis ng tibok ng puso with matching panginginig pa. Normal lang ba ito?
Kung natatakot kang makipag-usap sa ibang tao at magsalita sa publiko, at madalas ring umiwas na makihalubilo sa iba, baka mayroon kang Social Anxiety Disorder o Social Phobia.
Ano ba ang Social Anxiety Disorder?
Ang social anxiety disorder ay isang mental health condition. Ito ay isang karaniwang uri ng anxiety disorder kung saan labis, matindi, at paulit-ulit ang takot o pangamba na ikaw ay hinuhusgahan ng iba. Maaari nitong maapektuhan ang pag-aaral, trabaho, pang araw-araw na gawain, at pakikihalubilo o pakikipagkaibigan ng isang tao.
Iba-iba ang taong may ganitong disorder. May iba na hindi nakakaranas nito kapag nakikihalubilo sa mga tao, pero matindi naman kapag kailangang magtanghal sa stage o kapag naglalaro sa mga competitive games.
Kadalasang nagsisimula ito sa huling parte ng pagkabata at maaaring mapagkamalang simpleng pagiging shy-type o mahiyain at mailap lamang. Kaya magandang malaman ang mga signs nito para matugunan ito agad.
Hala, Paano ba Malaman Kung May Social Anxiety Disorder Ka?
Ang mga sintomas ng social anxiety disorder ay katulad ngunit hindi limitado sa mga sumusunod:
- Blushing o pamumula ng pisngi o mukha, pagpapawis, panginginig
- Sobrang bilis na tibok ng puso, pagkablangko ng isip o mental block
- Pagkahilo, pagsusuka, o pagsama/pagsakit ng tiyan
- Rigid o hindi relaxed na tindig ng katawan, pag-iwas sa eye contact, sobrang hinang boses kapag nagsasalita
- Matinding takot at pangamba na makihalubilo at makipag-usap sa ibang tao lalo na kung hindi nila kakilala kahit na gusto nila
- Labis na pagiging self-conscious o pag-iisip sa posture o tindig, panlabas na itsura, sinasabi, at ginagawa kapag may kasamang ibang tao
- Matinding hiya at awkwardness o pagkaasiwa
- Pag-iwas sa mga lugar at salo-salo na maraming tao
Kung nakararanas ka ng mga nabanggit na sintomas nang hindi bababa sa anim (6) na buwan ay kailangan mong magpakonsulta sa isang mental health professional para mabigyan ka ng diagnosis.
Good news! May Lunas ang Social Anxiety Disorder
Ang magandang balita dito ay may lunas ang social anxiety disorder lalo na kung maaga itong maaaksyunan.
Maraming paraan para magamot ang disorder na ito. Ito ang ilan sa mga karaniwang halimbawa:
1. Psychotherapy o Talk Therapy
Ang Cognitive Behavioral Therapy (CBT) ay isang uri ng psychotherapy kung saan tinuturuan ang pasyente ng iba’t-ibang paraan ng pag-iisip, pagkilos, at pag-react sa mga sitwasyon upang mabawasan ang anxiety at takot. Nagtuturo rin ito ng mga praktikal na social skills na magagamit ng pasyente sa pakikihalubilo sa iba.
2. Medication
Malaking tulong ang medication sa paggamot ng social phobia. Ang mga gamot na maaaring ibigay sa isang taong diagnosed ng disorder na ito ay ang mga sumusunod:
- Antidepressants kagaya ng selective serotonin reuptake inhibitors (SSRIs) at serotonin-norepinephrine reuptake inhibitors (SNRIs)
- Beta-blockers
- Mga anti-anxiety medications tulad ng benzodiazepines
Kung tama ang dosage at oras nang pag-inom ng gamot, makakatulong itong ibsan ang mental at pisikal na sintomas ng social anxiety disorder.
3. Support Groups
Maraming tao ang nakakahanap ng comfort sa mga support groups dahil alam nilang makaka-relate sila sa mga makakasalamuha nila rito. Sa pamamagitan ng ganitong grupo, pwedeng ma-realize ng isang tao na kaya niyang labanan ang takot at hiya na nararamdaman niya.
May Social Phobia? Narito Ang Ilang Tips na Pwedeng Gawin
Ang mga sumusunod ay tips at techniques para matulungan kang i-handle ang sintomas ng social anxiety disorder:
- Pagkontrol at pag-relax nang paghinga
- Mag-ehersisyo o subukan ang yoga
- Kumain nang tama at may sapat na nutrisyon
- Paghandaan ang pakikihalubilo para mas maging confident at mabawasan ang pagiging anxious
- Dahan-dahang makipag-interact sa iba
- Mag-focus sa ibang bagay o tao at hindi sa sarili
- Subukang i-divert ang iyong atensyon sa pamamagitan ng pagfofocus sa ibang bagay gaya ng pakikinig ng music
#MalayaAkongMaging MASAYA
Pwedeng pigilan ng social phobia ang pagbuo mo ng mga meaningful relationships at friendships. Maaari rin nitong hadlangan ang pag-abot mo sa mga pangarap mo. Kaya ‘wag kang magpatalo. Kumunsulta kaagad sa isang mental health professional kung nakararanas ka ng sintomas ng social anxiety disorder lalo na kung nakaapekto na ito sa iyong pang-araw-araw na buhay.
Tandaan: Early detection, early diagnosis, early treatment.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.