Naguguluhan ka ba sa mga nangyayari sa iyong paligid? Nakakaranas ka ba ng matinding pressure o kaba? Feeling mo ba nilalamon ka na ng mga pagsubok? Pwedeng sa acads, lovelife, kalusugan, isyu sa lipunan, o kaya problema sa pamilya o kaibigan. Lahat ng ito ay pwedeng magdulot ng stress!
Habang tayo’y tumatanda, dumarami ang mga responsibilidad natin, at kaakibat din nito ang dagdag stress–lalo na ngayong pandemya. May mga bagay na nakaka-stress man pero kailangan nating malampasan para maabot ang mga goals natin sa buhay.
Pero syempre, lahat ng sobra ay hindi maganda. Ang masyadong stress kasi ay nakakasama sa kalusugan at pwedeng magdulot ng sakit sa puso, high blood, diabetes, depresyon, at anxiety.
Ilan lamang ito sa mga sintomas ng stress:
- Hindi makatulog
- Tensyonado o hindi makapag-relax
- Hindi nakakaligo o nakakapag-ayos
- Sobrang nerbyos o pangangamba
- Pagkalungkot o puro negatibo ang naiisip
- Pabago-bagong mood
- Pakiramdam na walang control sa sariling buhay
- Pagsakit ng ulo, pagkahilo, panginginig, at pagsakit ng tiyan
- High blood
- Pagiging sakitin
- Pagngatngat sa kuko, paikot-ikot, o hindi mapakali
- Kawalan ng gana sa sex kung nakikipagtalik na
- Pagiging makakalimutin at hirap makapag-focus
- Pag-iwas sa mga responsibilidad
- Paglayo sa mga minamahal
- Pagbibisyo
Nararanasan mo rin ba ang mga ‘yan?
‘Wag mag-aalala at may mga paraan para bumaba o mawala ang stress:
1. Subukan ang breathing exercises.
May iba’t ibang breathing exercises na pwedeng gawin para i-minimize ang stress. Maaari nitong mapababa ang blood pressure at makatulong sa sakit ng ulo.
2. Sundan ang 5-4-3-2-1 grounding technique.
Tumingin sa iyong paligid. Sabihin o ilista sa isip ang 5 bagay na nakikita, 4 na bagay na nahahawakan, 3 bagay na naririnig, 2 bagay na naaamoy, at 1 bagay na nalalasahan.
Kung magulo ang isipan, makatutulong ang exercise na ito para makapag-focus sa kasalukuyan. Pwede rin itong makatulong na mabawasan ang anxiety o pagkabalisa na nararamdaman.
3. Mag-break o magpahinga muna.
Mag-schedule ng regular na break time sa gitna ng araw o sa pagitan ng mga gawain. Pwedeng maglakad-lakad, mag-stretching, mag power nap, o gawin ang nabanggit na breathing at grounding techniques.
4. Ilista ang mga bagay na naiisip o nararamdaman.
Pwedeng magsulat sa piraso ng papel o notebook, o i-type sa phone o computer. Maaari itong makatulong sa pag-express ng naipong emosyon at maaaring magpagaan ng pakiramdam. Gamitin ito para i-challenge o kontrahin ang mga negatibong pananaw.
Maaari rin magsimula ng isang gratitude journal. Gamitin ito para maglista araw-araw ng mga bagay na pinagpapasalamatan mo – marami man ‘yan o kahit iisa lang. Makatutulong ito para maging positibo ang pananaw.
5. ‘Wag solohin ang mga problema.
Lumapit o magsabi sa mga mahal sa buhay. Kung ibabahagi mo ang mga pinagdadaanan mo, maaari silang pagkunan ng payo at lakas para harapin ang mga stress o problema. Minsan, ang simpleng pagkwekwento sa iba ay nakakagaan na ng ating kalooban.
6. Mag-focus sa kasalukuyan.
Sa halip na problema o pangangamba ang laging iniisip, subukang maging mas present o mindful sa kasalukuyan. Mag-focus sa ngayon sa halip na mabuhay sa nakaraan o hinaharap na wala pang kasiguraduhan.
7. Mag-counseling o therapy kasama ang isang propesyunal.
Kung masyado nang mabigat ang dinadalang problema, kumonsulta sa isang mental health professional para masiguradong ligtas at akma ang tulong na makukuha.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Sabi nila you can’t pour from an empty cup. Kailangan mo ring alagaan at mahalin ang iyong sarili, gaya ng ginagawa mo para sa ibang tao. Lagi mong tatandaan na hindi ka nag-iisa. Ang mga problema ay maaaring solusyunan at may mga taong naniniwala at handang tumulong sa’yo.