Mabilis na pagkairita o pagbabago ng mood, pag-crave ng ilang pagkain, pagkirot at pamamaga ng suso, at sandamakmak na pimples. Bakit kaya? Baka PMS ‘yan!
Ano ba ang PMS?
Ang PMS o Premenstrual Syndrome ay ang pisikal at emosyonal na manipestasyon ng pag-uugnayan o hindi balanseng lebel ng hormones (estrogen at progesterone) ng isang babae. Karaniwang nararanasan ng kababaihan ito ilang araw bago magkaroon ng regla o pagkatapos ng ovulation process kung saan ang obaryo ay naglalabas ng mature na itlog sa fallopian tube ng isang babae.
Lumilipas ang PMS ilang araw matapos magkaroon na ng regla o mens ang isang babae.
Anu-ano ang sintomas ng PMS?
Iba-iba ang sintomas ng PMS sa bawat babae. Maaari kang makaranas ng pisikal na sintomas gaya ng pananakit ng puson pati na rin emosyonal na sintomas gaya ng pagkalungkot o pwedeng ring pareho.
Mga pisikal na sintomas ng PMS:
- Pamamaga at pananakit ng suso
- Breakouts o pagdami ng taghiyawat
- Constipation o diarrhea
- Pagkabundat
- Pananakit ng puson
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng likod
- Pagtaas ng timbang
Mga emosyonal na sintomas ng PMS:
- Pagiging iritable at bugnutin
- Pagkapagod
- Pag-crave ng ilang pagkain
- Hirap sa pagtulog
- Problema sa konsentrasyon
- Mood swings o pabago-bagong mood
Kung ang nararanasang sintomas ng PMS ay nakakaapekto na sa trabaho at relasyon, magandang magpakonsulta sa doktor tungkol dito dahil maaaring ito ay manipestasyon ng Premenstrual dysphoric disorder (PMDD) na mas matinding uri ng PMS.
Sinu-sino ang nagkakaroon ng PMS?
Ang kadalasang nakakaranas ng sintomas ng PMS ay mga kababaihang edad 25 hanggang 45. Maaari rin itong lumala pagtungtong ng babae sa edad ng 30s hanggang 40s. Ito ay dahil sa transisyon ng katawan patungong menopausal stage na kung tawagin ay perimenopause.
Maaari ding maging mas matindi ang mararanasang PMS symptoms ng mga babaeng may mataas na lebel ng stress at depresyon. Pwede ring mag-iba ang sintomas pagkatapos manganak ng isang babae.
Humihinto lamang ang PMS kapag ang isang babae ay nag-menopause na o permanente nang hindi na magkakaroon ng regla.
Paano malalaman kung nakakaranas ng PMS ang isang babae?
Walang test na ginagawa para malaman kung ang isang babae ay may PMS o wala. Pero ang maaaring gawin ay ang i-monitor ang sintomas at isangguni nito sa doktor.
Posibleng mayroong PMS kung:
- Ang mga sintomas na nararanasan ay nangyayari lima hanggang pitong araw bago reglahin at nangyari ito nang tatlong magkakasunod na siklo ng regla.
- Nawawala ang sintomas makalipas ang apat na araw magmula noong unang araw ng regla.
- Hinahadlangan nitong gawin ang mga bagay na normal na nagbibigay sayo ng kasiyahan o mga bagay na madalas mo namang ginagawa sa araw-araw.
Anu-ano ang pwedeng gawin para maibsan ang PMS?
Habang ang PMS ay walang direktang gamot, ito ang ilan sa mga pwedeng gawin para pagbutihin ang iyong pangkalahatang kalusugan at maibsan ang sintomas ng PMS:
- Regular exercise. Nakakatulong ang stretching gaya ng yoga at aerobic exercises gaya ng walking jogging, aerobic dance, jump rope, swimming, cycling at iba pa sa pagpapaganda ng sirkulasyon ng dugo, pagre-relax ng muscles, at pagpapabuti ng mental na kalusugan na siyang nagbibigay ng kakayahang makapag-isip nang maayos at makabawas ng stress.
- Pagkain ng masusustansyang pagkain. Iwasan ang pagkain ng mga pagkaing madaming caffeine, asin, preserbatiba, at asukal dalawang linggo bago ang iyong nakatakdang regla.
- Pagkakaroon ng sapat na tulog. Subukang mabuo ang 6-8 oras ng tulog kada araw. Ang kakulangan ng tulog ay kakabit ng depresyon at anxiety na siyang pwedeng makapagpalala ng sintomas ng PMS.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Totoong iba-iba ang bawat babae sa dinaranas na PMS, kaya ang kaalaman tungkol dito ay malaking bagay para ma-manage ang mga sintomas nito. Kung nagagawa ang lahat ng payo dito pero malala pa rin ang sintomas, pwedeng magpa-reseta sa iyong doktor ng gamot para rito.