Nagsoscroll si Sam* sa social media nang bigla siyang mapatingin sa salamin. “Ang dami ko na namang pimples. Kailan ba magbabago ‘yung itsura ko? Bakit ‘yung mga nakikita ko sa social media ang liliit ng bewang at braso? Grabe, ang gaganda pa ng skin nila. Samantalang ako, ‘di ko masuot ‘yung mga damit na gusto ko. Gusto ko rin maging ganun. Kailangan ko na talagang pumayat,” sabi niya.

Isa lamang si Sam sa maraming mga teenagers na conscious at hindi komportable sa kanilang pangangatawan. Malungkot mang isipin, napaka-karaniwan para sa isang tao na magkaroon ng negatibong pagtingin sa katawan o body image. 

Ano nga ba ang Body Image?

Body image ang tawag sa tingin ng isang tao sa sarili niyang katawan. Tingin niya ba ito ay maganda at katanggap-tanggap o tingin niya ba ay marami siyang kailangang baguhin dito?

Para malaman kung healthy o unhealthy ang body image ng isang tao, ito ang mga palatandaan o senyales na kailangang bantayan:

Healthy Body Image

  • Kumportable ka sa iyong katawan at nakakakilos ka ayon sa iyong kagustuhan.
  • Madalas ay masaya ka sa itsura mo at sa repleksyong nakikita mo sa salamin.
  • Alam mong isang parte lamang ng iyong pagkatao ang iyong katawan. Hindi ito ang iyong kabuuan. Para sayo, mas importante pa rin ang iyong kalusugan at mga pansariling kakayanan kaysa sa itsura ng iyong katawan.

Unhealthy Body Image

  • Iniisip mo na masyado kang mataba o masyado kang payat.
  • Madalas kang maconscious o ma-ilang dahil hindi ka kumportable sa katawan mo.
  • Umiiwas kang magpakita o makihalubilo sa mga tao dahil sa mababang pagtingin mo sa katawan mo.
  • Umiiwas ka sa mga gawain dahil hindi ka kumportable sa itsura mo. Halimbawa, hindi ka sasamang mag swimming kahit nae-enjoy mo talaga ito, dahil lang ayaw mong magsuot ng bathing suit o swimming trunks.
  • Naniniwala kang perpektong katawan lamang ang magpapasaya sayo. Para sa iyo, ang pagkakaroon ng isang magandang katawan ay makapagbibigay sayo ng pag-ibig, paghanga, atensyon, at pagtanggap mula sa iba. 

Paano Nabubuo ang Body Image ng Isang Tao?

Ang mga nakikita, napapanood, at naririnig mula sa paligid at mula sa ibang tao ay higit na nakakaapekto sa body image ng isang tao. Sa murang edad pa lamang ay nag-uumpisa nang mabuo ito. Sa katunayan, naiulat na ang mga bata sa edad na tatlong taong gulang ay nagsisimula nang mag-alala tungkol sa pagiging “mataba.” 

Bakit Ako Nakakaramdam ng Negatibo Tungo sa Aking Katawan?

Maaaring nagsimula ito nang tawagin ka ng iyong mga kamag-anak o kaklase ng “tingting,” “tabachoy” o iba pang masasakit na biro noong bata pa. Maaaring narinig mo mula sa iyong mga magulang at mga taong nakapaligid sayo na hindi nila gusto ang kanilang sariling mga katawan. Maaari rin namang may napanood ka sa TV o sa internet na naging dahilan upang ikumpara mo ang iyong sarili sa iba.

Kahit ano pa man, hindi na ito mahalaga. Kadalasan, hindi iniisip ng mga tao kung ano ang lumalabas sa kanilang bibig. Ang mahalaga, mas may kaalaman at kakayahan ka na pangalagaan ang iyong sarili nang mas mabuti. Kaya mo nang ibigay sa sarili mo ang pagtanggap at pagmamahal na marahil ay hindi naibigay sayo ng iba.

Bakit nga ba Importanteng Magkaroon ng Magandang Tingin sa Sarili?

  • Ang pagtingin mo sa iyong katawan ay nakaaapekto sa kung paano mo alagaan ang iyong sarili. Kung hindi gusto ng isang tao ang kanyang itsura o kung siya ay hindi masaya sa kanyang katawan, mas mahihirapan siyang mahalin at pangalagaan ito. Samantala, kung mahal at tanggap mo ang katawan at itsura mo, mas lalo mo itong pangangalagaan.
  • Ang pagkakaroon ng negatibong tingin sa sarili ay maaaring makapigil sa isang tao na sumubok ng mga bagong karanasan. Madalas, ang isang taong hindi komportable sa kanyang katawan ay hirap ding makipagkilala sa mga bagong tao at makipagkaibigan. 
  • Ang mga alalahanin sa body image ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng mababang mood o di kaya naman pagkabalisa ng isang tao. Maaari rin itong magdulot ng mga eating disorders, o mga kundisyong kaugnay ng takot na bumigat ang timbang o magbago ang hugis ng katawan. Ang bawat isa sa mga ito ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa kalusugan.

Bagama’t karaniwan lamang na mag-alala tungkol sa itsura o imahe ng katawan, ang labis na pag-aalala tungkol dito ay maaaring makapigil sa isang tao sa pagiging masaya sa buhay. ‘Wag mong hayaang hadlangan ka nito sa mga gusto mong gawin at sa mga pangarap na gusto mong abutin. Tandaan: Ang iyong katawan ay hindi sukatan ng iyong kahalagahan.

#MalayaAkongMaging MASAYA

Iisa lamang ang ating katawan kaya dapat natin itong pangalagaan. Piliin nang mabuti ang mga palabas na papanoorin sa TV o sa Internet at iwasan ang mga account, chanel, at tao na nagpaparamdam sa iyo na kailangan mong baguhin ang iyong itsura o sarili. Mag-focus sa iyong mga positibong katangian, kakayahan at talento, at higit sa lahat, huwag kalimutang pahalagahan ang lahat ng bagay na kayang gawin ng iyong katawan.

Masakit kapag sa sariling pamilya, kaibigan, o mga mahal sa buhay natin tayo nakakarinig ng mga hindi magagandang salita tungkol sa atin, ngunit madalas, hindi rin nila intensyong saktan o kutsain tayo. ‘Yung tita mong tuwing Pasko na lang ay sinasabihan kang “Ay, tumataba ka.”? Biktima lang din siya ng mapanghusga nating lipunan. Malamang sa malamang, naranasan din niya ito noong siya ay bata pa kaya nadala niya ito ngayon hanggang sa kanyang pagtanda.

‘Di bale, huwag kang mag-alala, hindi pa huli ang lahat. Panahon na para maging matapang tayo sa pagmamahal ng ating sarili at ng ating kapwa.

*Ang pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.