Aminin mo, nakakita ka na condom kahit sa picture lang pero hindi mo alam kung paano ito gamitin. Posible ring hiyang-hiya ka na bumili nito sa tindahan, iniisip mo kasi na baka ka pagtawanan. Ngunit ano nga ba ang condom?

Mas mabuting malaman natin kung ano nga ba ito, bakit ito ginagamit, paano ito gamitin nang tama, at kung paano nito mapapanatili ang ating overall sexual at reproductive health.

Ano ang condom?

Ang condom ay isang uri ng barrier contraceptive. Bilang “barrier”, pinipigilan ng condom ang pagsasalin ng mga bodily fluids (kagaya ng tamod) mula sa isang lalaki papunta sa loob ng katawan ng kanyang katalik. 

Maliban dito, pinipigilan din ng condom ang pagsasalin ng mga sexually transmitted infections (o, STIs, mga sakit na nakukuha sa hindi maingat na pakikipagtalik) kagaya ng HIV, gonorrhea o tulo, chlamydia, human papillomavirus (HPV) infection, syphilis, at iba pa.

Ang condom ay karaniwang gawa sa latex, isang uri ng goma o rubber. May mga male condoms din na gawa sa ibang materyal tulad ng polyurethane o polyisoprene at ito ay para sa mga taong may allergy sa latex. Karaniwan itong nabibili sa mga tindahan at botika, at libre naman sa ilang clinics at health centers.

Sino ang maaaring gumamit ng condom?

Ang condom ay maaaring gamitin ng sinumang gustong gumamit nito. Hindi mahalaga kung ano ang iyong kasarian, o kung ano ang kasarian ng iyong katalik. Ang condom ay para sa lahat. Ligtas itong gamitin para sa kahit sinong aktibo na sa pakikipagtalik, ano man ang edad nito.

Para saan ang condom?

Maraming benepisyong makukuha sa tamang paggamit ng condom. Ang mga tamang kaalaman sa paggamit nito ay lubhang kinakailangan upang mapanatiling ligtas ang iyong sex life. Ito ang tanging “two-in-one” na contraceptive dahil kaya nitong:

  1. Pigilan ang hindi-planadong pagbubuntis, at 
  2. Pigilan ang paghawa ng HIV at iba pang STIs. 

Epektibo ba ang condom?

Oo. Isa ang condom sa pinaka-epektibong halimbawa ng barrier contraceptive. 

Kapag ginamit nang tama sa tuwing nakikipagtalik, ang condom ay 98% epektibo upang mapigilan ang hindi planadong pagbubuntis. 

Kung susundin ang tamang paggamit ng condom at kung gagamitin ito sa tuwing mayroong vaginal, anal, o oral sex, napakaliit ng tsansa na makakuha o makapanghawa ng STIs.

Paano gamitin ang condom?

Maaaring kakaiba ito para sa’yo kung first time mong gagamit ng condom. Kaya mabuting mag practice muna bago makipagtalik. Narito ang pitong steps kung paano gumamit ng male condom.

  1. Alamin ang expiration date. Makikita ang expiration date sa pakete nito. Kahit ikaw ay may male condom, kung ito naman ay expired na, hindi nito maibibigay ang proteksyong hatid nito.
  2. Gumamit lamang ng bagong condom. Siguraduhin din na hindi pa nabubuksan ang pakete nito. Pisil-pisilin ang saradong pakete: dapat may hangin sa loob nito. Dapat ay wala ring tagas ng likidong nagmumula sa loob ng pakete. Huwag na huwag gumamit ng condom na sira na.
  3. Paano buksan ang condom? Pisilin ang pakete at itulak sa isang gilid ang condom na laman nito. Punitin ang pakete gamit ang mga kamay at hindi gamit ang ngipin. Maaaring masira ang condom kung kakagatin ang pakete nito.
  4. Pisilin ang dulo ng condom bago isuot. Ito ay upang maiwasan ang pagputok nito habang isinusuot.
  5. Paano isuot ang condom? Isuot ang condom hanggang sa puno ng matigas na ari. Maaring gumamit ng water-based na lubricant o pampadulas kasabay ng paggamit ng condom. 
  6. Paano tanggalin ang condom? Pagkatapos labasan ng tamod, hawakan ang condom sa puno at hugutin ito bago pa lumambot ang ari. Maingat na tanggalin ang condom nang hindi tumatapon ang semilya.
  7. Itapon ito nang tama. Itali nang maayos ang condom at itapon sa basurahan. 

Mga do’s and don’ts sa paggamit ng condom

DO’S

  1. Gumamit ng condom sa tuwing makikipagtalik.
  2. Siguraduhing bago, walang sira ang pakete, at hindi pa expired ang condom na gagamitin.
  3. Itago ang condom sa isang malamig at tuyong lugar. 
  4. Dapat ay tama at palagian ang paggamit nito.
  5. Buksan lamang ang pakete ng condom kapag ito ay gagamitin na.
  6. Ilabas lamang ang condom mula sa pakete nito kapag matigas na ang ari.
  7. Itapon ang gamit na condom sa basurahan.

DON’TS

  1. Huwag na huwag gumamit ng condom na nagamit na. 
  2. Huwag linisin, labhan, o hugasan ang condom. Hindi ito recyclable. Ang condom ay single-use lamang. 
  3. Huwag itatago ang condom sa loob ng wallet, hindi ito lucky charm na naghahatid ng swerte. Ang init at friction sa loob ng wallet ay maaring maging dahilan ng pagkasira ng condom.
  4. Huwag gumamit ng mga oil-based na pampadulas kagaya ng baby oil, butter, mantekilya, honey, petroleum jelly, cooking oil, o hair conditioner sapagkat kaya nitong butasin at sirain ang condom.
  5. Huwag doblehin ang condom para sabihing ito ay “extra safe.” Sapat nang proteksyon ang isang condom, basta’t ginamit nang tama.
  6. Huwag itapon ang gamit na condom sa kung saan-saang lugar lamang. 

Saan makakakuha ng condom?

Ang mga contraceptives katulad ng condom ay libreng makukuha ng mga nangangailangan nito mula sa mga pribadong reproductive health clinics. Maari ring makakuha ng libreng condom sa mga pinakamalapit na Rural Health Clinics sa inyong lugar.

Mabibili rin ang condom sa mga botika at mga supermarket.

MAHALAGANG PAALALA: Ang pagkuha ng condom ay hindi nangangailangan ng reseta mula sa doctor. 

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Para sa mga aktibo na sa pakikipagtalik, ang tama at palagiang paggamit ng condom ang tanging paraan upang makaiwas sa mga STIs katulad ng HIV. Kaya’t huwag nang mahiyang gumamit nito. Dito nakasalalay ang kaligatasan mo at ng iyong katalik.