Dati gandang-ganda ang lahat sa boses ni Ramil* dahil malamig ang tunog nito at kaya niyang kumanta nang biritan talaga. Magiliw din siya sa stage–tipong total performer at pang ASAP ang level. Pero pagdating ng high school napansin nilang unti-unting nang nagbabago ang boses ni Ramil at naging mahiyain na rin ito at hindi na kasing bibo gaya ng dati. Ano kaya ang nangyari?
Ang teen years ng isang tao ay isang yugto ng buhay na pwedeng mapuno ng pagdududa sa sarili, self-consciousness, at awkwardness. Dito pumapasok ang kahalagahan ng self-confidence.
Ang self-confidence ay ang pagtitiwala sa iyong sarili at mga kakayahan. Ang pagkakaroon ng sapat o mataas na kumpiyansa sa sarili ay nakakatulong para sa mga sumusunod:
- Mas magkaroon ng kakayahang mag-take ng risks o sumugal sa mga bagay kahit hindi sigurado ang kahihinatnan.
- Kalayaan na mag-isip sa mas creative na paraan.
- I-pursue ang mga gusto nilang gawin sa buhay at pagtupad ng mga pangarap at goals.
Mabuti rin ang pagkakaroon ng self-confidence para sa mental, emotional, at psychological health!
Paano maging confident o mas confident?
Ito ang ilan sa mga pwede mong gawin para maging mas confident:
1. ‘Wag ikumpara ang iyong sarili sa iba.
May direktang koneksyon ang pagkukumpara at inggit. At kung mas naiinggit ka sa iba ay mas bababa ang tingin mo sa iyong sarili.
2. Tandaan na hindi karera ang buhay.
Alalahanin na ang worth o halaga mo ay hindi nakadepende at hindi nasusukat sa achievements mo. Ang bawat tao ay may kanya-kanyang timing at pacing sa pag-abot ng mga goals at pangarap.
3. Ilista ang mga blessings.
Magkaroon ng “Gratitude Journal” kung saan ililista mo ang mga bagay na pinagpapasalamatan mo. Subukang maglista ng kahit tatlo lang sa isang araw, at makakatulong ito na baguhin ang mindset at pananaw mo sa buhay.
4. Mang-F.O. kung kinakailangan.
Alisin sa buhay ang mga toxic na kaibigan. Makipagkaibigan lamang sa mga taong hindi ka huhusgahan, susuportahan ka, at mamahalin ka. Mahalaga rin na napapalibutan ka ng mga taong tutulungan ka para maging mas mabuting ikaw.
Toxic o healthy ba ang friendship niyo? Sagutin ang quiz na ito!
5. #SelfLove.
Mahalin at alagaan ang sarili sa pamamagitan nang tamang pagkain, pag-eehersisyo, meditation, at pagkakaroon ng sapat na tulog. Ang mga ito ay mahalaga para sa tamang paglalabas ng good chemicals sa ating katawan na makakatulong sa pisikal, mental, sikolohikal, at emosyonal na kalusugan.
Maaari rin itong gawin sa pamamagitan ng positive self-talk.
6. ‘Wag husgahan ang sarili sa mga pagkakamali.
Ang pagkakamali at failure ay normal na parte ng buhay. Sa mga ganitong pagkakamali ka mas natututo at tumitibay. Ang mga ganitong karanasan ay hinuhubog ka na maging “emotionally flexible” para kayanin ang mga challenges na maaari mo pang harapin.
7. Just do it.
Hindi mo malalaman ang outcome ng isang bagay kung hindi mo susubukan. Ano man ang kahinatnan nito, ang mahalaga ay may napulot kang aral at natuto ka. Wala ka pang pagsisisi at “what ifs”.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Sa self-confidence nagsisimula ang pagkakaroon ng maayos na relasyon hindi lamang sa iyong sarili, kundi pati na rin sa mga nakapaligid sa’yo. Kaya naman ang pag build-up nito ay mahalaga para tulungan kang abutin ang mga pangarap mo sa buhay.
Sa huli, nasa sayo pa rin ang desisyon kung gagawin mo ang first step patungo sa isang bagay. Lagi tandaan na maraming tao ang nagtitiwala at bilib na bilib sa’yo. At ikaw mismo ang dapat manguna rito.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.