Buong high school, lagi nang magkasama sina Daisy at Chona* hanggang sa pagka-graduate ay kinailangang umalis ni Daisy ng bansa. Dito na unti-unting dumalang ang video calls at naging inconsistent na rin ang chat messages nila hanggang Facebook friends na lang sila ngayon…

Iba’t-ibang klase ng kaibigan ang pwede mong makilala. Merong makikilala mo sa school habang sabay kayong gumagawa ng assignments, kababata na kaibigan mo since birth, at meron ding mga kaibigan na matatawag mong BFF na laging nandyan para sa’yo ano man ang mangyari.

May magandang effect sa mental health ng tao ang pagkakaroon ng mga kaibigan. Kapag mayroon kang mga kaibigan, may makakaramay ka sa saya at masasabihan ng mga problema. Kumbaga, dagdag kulay sa buhay!

Pero tandaan na hindi lahat ng friendships ay mabuti ang dulot sa atin. Eh paano mo ba ito malalaman?

Signs ng isang healthy friendship

  • Nagtitiwala kayo sa isa’t-isa. Gaya ng ano mang relasyon, mahalaga ang tiwala dahil ito ang magiging pundasyon ng inyong pagkakaibigan.
  • Komportable kayong mag-usap at nakikinig kayo sa bawat isa. Nagagawa ninyong mag-open ng kahit anong bagay–mababaw man o mabigat na problema nang walang judgment o panghuhusga.
  • Sinusuportahan niyo ang gusto ng isa’t-isa. Bilang mag-BFF dapat suportado niyo ang bawat isa sa mga dreams and goals ninyo (basta mabuti ha!).
  • Nandyan kayo para sa isa’t isa. Mapa personal man o online, at hindi man kayo regular na mag-usap, alam niyong walang nagbago.
  • Ginagalang, iniintindi at naa-appreciate ninyo ang bawat isa. Sa isang pagkakaibigan, dapat give and take rin. Hindi pwedeng one-sided lang. 

Kung pakiramdam mo ay unhealthy ang friendship ninyo, tanungin ang sarili kung:

  • Komportable ka ba sa sarili mo kapag kasama mo sila?
  • Nakakasiguro ka ba na safe ang mga sikreto mo kapag sinabi mo ito sa kanila?
  • Pareho niyo bang gusto kung ano ang meron kayo ngayon?

Kung “no” ang sagot mo sa kahit isa sa mga tanong na ito, baka dapat niyong bigyan distansya o space ang isa’t-isa, para malaman mo kung talagang para sa inyo ito.

Eh paano kung mag-FO kami? 

Minsan kagaya nina Daisy at Chona*, hindi maiiwasan yung mga kaibigang bigla na lang mag-FO o “friendship over”, yung unti-unting nawawala o napaglilipasan ng panahon. May iba namang pagkakaibigan na natatapos na lang nang dahil sa alitan o tampuhan. Kaya yung akala mong BFF forever magiging BFF never.

Malungkot man itong isipin, Kagaya ng mga romantic relationships, minsan sa pagkakaibigan meron ding mga hindi talaga meant to be. 

Paano mag-move on mula sa ‘friendship breakup?’

  • Hayaan muna ang sarili na umiyak o maging malungkot. Walang masama na iyakan ang isang kaibigang nawala. Di man ito kagaya ng romantic relationships natin, minsan mas masakit pa ang mawalan ng kaibigan dahil sila yung alam mong dapat constant sa buhay mo.
  • Tignan kung anong naging mali sa inyong pagkakaibigan. Sa isang alitan minsan pwedeng isang tao lang ang toxic at may pagkukulang, pero posible ring pareho kayo. Mahalagang i-examine ito para maging learning lesson din sa mga susunod na kaibigang magagawa mo.
  • Magkaroon ng closure, kung posible. Kung alam mong ikatatahimik ng kalooban mo na makapagsabi ng saloobin mo o makahingi ng sorry, gawin mo ito–mag-reply man siya o hindi. Pero, depende sa sitwasyon, minsan mas maige na rin na hayaan nalang ang pangyayari at huwag nang balikan pa. 

#MalayaAkongMaging MASAYA

Ano man ang kahinatnan ng pagkakaibigan ninyo, tandaan na deserve mo pa ring magkaroon ng mga bagong kaibigan.

Kung pinanghihinaan ka ng loob, huwag kalimutan na hindi porke nabawasan ka ng kaibigan ay kulang ka na bilang isang tao. Bata ka pa. Marami pang pwedeng mangyari sa buhay mo. At habang nakikilala mo ang iyong sarili, makikilala mo rin ang mga kaibigang tama para sa’yo.

Laging itatak sa isip na ang ganitong pangyayari ay posibleng maranasan ng kahit na sino. Sabi nga nila ‘di ba, people come and go, ang mahalaga ay yung mga nag-stay. 

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.