Excited na si Hazel* dumaan sa puberty kasi finally, maggoglow-up na siya! Ang dami niya kasing napapanood at nakikita sa Internet tungkol sa mga #GlowUp. Pag nagdalaga ka daw kasi, magtatransform ka talaga. Gaganda, tatangkad, at mag-aamoy rosas daw ang buhok!
Pero teka… Ano ‘to, bakit padami ng padami ang mga tigyawat niya? Ang sakit pa ng puson niya. Aaaah! Bakit may pula sa panty niya? Dumating na yata ang pinaka kinatatakutang araw niya. Ito ba ‘yung mens?
Ang pagdadalaga o tinatawag na puberty ay nagdudulot ng maraming pagbabago sa katawan. Karaniwan itong nararanasan ng mga edad walo hanggang 13 taong gulang at nagtatagal ito mula lima hanggang pitong taon.
Hindi ito sabay-sabay pinagdadaanan ng bawat babae at iba iba rin ang magiging karanasan ng bawat isa, ngunit ang mga sumusunod ang pinaka karaniwang mapapansing pagbabagong pisikal, emosyonal, at sosyal:
- Pagtubo ng tigyawat
- Biglang pagtangkad at bigat at paglapad ng balakang
- Pagkakaroon ng amoy ng pawis
- Pag-umbok ng dibdib
- Pagtubo ng buhok sa pubic area, o malapit sa puwerta, pati na rin sa kilikili
- Pabugso-bugsong damdamin o pagbabago bago ng mood
- Kagustuhang mapag-isa
- Pagkakaroon ng mga damdaming sekswal o libog, at pagiging interesado sa ibang tao sa isang romantiko o sekswal na paraan.
- Pagkakaroon ng regla o buwanang dalaw – hudyat ng pag-uumpisa ng obulasyon
Ang pagreregla ay pwedeng magtagal mula isang araw hanggang isang lingo. Layunin nitong ihanda ang katawang magparami ng sekswal. Ngunit wala kang dapat ikatakot: Hindi ibig sabihing mayroon ka na, basta-basta ka na lang mabubuntis. Dahil upang mabuntis, kailangan mo munang makipagtalik.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Hindi madaling pagdaanan ang puberty, kaya ‘wag kang matakot kung mapapansin mong maraming pagbabago sa iyong katawan. Normal lamang ito at lahat ng tao, dumadaan dito. Isipin mo na lang, ito ay isang mahalagang hudyat ng pagdadalaga.
Malapit ka na mag-bloom, girl!
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.