“Nakakairita! Lahat na lang ng bagay nakakainis. Bakit ba ang higpit-higpit ng mga magulang ko sa akin? Gusto ko lang namang mapag-isa. Gusto kong gumala, mag explore, sumubok ng mga bagong bagay… Nakakaexcite! Ang saya. Lalo na kung kasama ko si KD. Nakakakilig! Kaso ayaw niya yata sa akin. Haay. Ayan, nalulungkot nanaman ako. Ano ba ‘to?”
Dati dati, gutom, antok, at pagod lang ang madalas nararamdaman ni Sam*. Kaya naman laking gulat niya pagtuntong niya ng 12 years old dahil tila ba sumakay siya sa isang napakalaking rollercoaster na puno ng matitinding damdamin at emosyon. Taas-baba, lubog-litaw, lungkot, saya. Ang daming ganap! Ang daming feelings! At ang problema, hindi ito katulad ng mga pang karaniwang rides na nakasanayan niya sa perya… Dahil ito, hindi niya alam kung saan o kailan titigil.
Normal lang ang mood swings habang dumaraan sa puberty stage
Pabugso-bugsong damdamin, kagustuhang mapag-isa, pagkakaroon ng crush o atraksyon sa ibang tao, pagkaramdam ng lungkot, libog, at kalituhan…… Parte itong lahat ng puberty.
Hindi lamang panlabas na kaanyuan o pisikal na katawan ang naaapektuhan ng mga hormones na dala ng puberty o tinatawag na pagdadalaga at pagbibinata. Ang biglaang pagbabagong ito sa loob ng katawan ay maaaring makaapekto rin sa damdamin, emosyon, at pati na rin sa paggawa ng desisyon ng isang tao. Habang ang katawan ay nag-aadjust sa lahat ng bagong hormones, gayundin naman ang utak at emosyon. Kaya naman hindi talaga kataka-takang mahilo, malito, at matakot sa panahon ng puberty.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Walang masama sa lahat ng nararamdaman mo. Hindi ka mahina, hindi ka maarte, hindi ka malandi, at lalong hindi ka masamang tao dahil lang sa mga nararamdaman mo. Normal lang na pagdaanan ang lahat ng ito. Tanggapin mo ito nang buo at sikaping magkaroon ng sapat na ehersisyo, pahinga, at tulog upang hindi maging masyadong iritable, malungkot o stressed. Makakatulong ring makipag-usap sa mga kaibigan o magsulat sa diary tungkol sa iyong mga emosyon upang mabigyang-linaw ang lahat ng nararamdaman mo.
‘Wag kang mag-alala, malalampasan mo rin ‘to. At tulad ng isang rollercoaster ride, isa itong exciting na panahon sa buhay mo. At hindi na ito mauulit, kaya enjoy-in mo lang. ‘Wag kang masyadong mag-alala, matatapos din ang lahat ng ‘to. Makakarating ka rin sa paroroonan mo. Sa ngayon, sit back and enjoy the ride.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.