Si Ana* ay 11 taong gulang na. Masaya siyang naglalaro sa labas nang sabihan siya ng kanyang kaibigan na “Ana, may tagos ka!” Nagtaka si Ana kung ano ang ibig sabihin ng kaibigan kaya dali-daling siyang umuwi para tanungin ang kanyang ina. Pagkakita ng kanyang ina, sinabihan siya nito ng “Anak, ganap ka nang isang dalaga! May regla ka na!” Pero sa isip ni Ana, “Ano ba kasi yung regla??”

Ang regla o buwanang-dalaw ay ang paglalagas ng uterine lining o dingding ng matris.

Kada buwan, naglalabas ng mature na itlog ang obaryo patungo sa fallopian tube (ovulation). Kasabay nito, ang uterine lining o dingding ng matris ng isang babae ay kumakapal. Ito ay bilang paghahanda para sa fertilized na itlog na maninirahan dito o paghahanda sa posibleng pagbubuntis. Pero sa pagkakataon na ang isang babae ay hindi nabuntis o walang fertilized na itlog na mamamahay sa matris, ang makapal na uterine lining na ito ay malalagas at ilalabas sa katawan bilang dugo na siyang tinatawag na “regla” o “mens.”

Kadalasang tumatagal ang regla ng isang babae ng mula dalawa hanggang pitong araw.

Gaano katagal ang cycle ng regla?

Karaniwang inaabot ng 21 hanggang 35 araw ang normal na cycle ng isang babae. Binibilang ito mula sa unang araw ng nakalipas na regla hanggang sa unang araw ng kasalukuyang regla. 

Halimbawa:

Unang araw ng nakaraang regla: Ika-1 ng Nobyembre 

Unang araw ng kasalukuyang regla: Ika-29 ng Nobyembre 

Haba ng naging cycle: 28 araw

Sa anong edad normal na nagsisimula ang regla? Sa anong edad ito humihinto?

Ang kadalasang edad ng isang babaeng nagkakaroon ng regla ay 11 hanggang 16 taong gulang. Pero may iba na napapaaga at may iba ring nahuhuli ngunit normal lamang ito.  Samantalang karamihan naman ng babae ay nakakaranas ng menopause o ang permanenteng paghinto ng regla sa edad na 45-55. Sa yugtong ito, hindi na rereglahin ang isang babae at hindi na rin posibleng magkaanak.

#MalayaAkongMaging MALUSOG

Ang pagkakaroon ng regla ay normal lamang na parte ng pagdadalaga. At kung ikaw ay nireregla na o magkakaregla pa lang, mahalagang alamin kung paano mo mas mapapangalagaan ang iyong sarili habang may period.

Congratulations! Dalaga ka na!

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.