Heto na. Panahon na naman ng “bwisitang” pakainaabangan isang beses sa isang buwan… ang regla o period. Nariyan ang masakit at namamagang boobs, pagiging iritable, sandamakmak na taghiyawat, pananakit ng puson, bloatedness o pagkabundat, at marami pang ibang sintomas na dulot ng Premenstrual Syndrome (PMS).
Mahalagang magkaroon ng healthy routine tuwing may regla upang mas mapangalagaan ang physical at mental health. Narito ang limang bagay na pwede mong gawin.
Slow down.
Samantalahin ang pagkakataong ito para makapagpahinga. Ang unang dalawang araw ng regla ang isa sa pinaka-challenging dahil sa mabigat na pakiramdam at pagkapagod. Normal lang ito sa mga nireregla kaya mahalagang magkaroon ng oras para makapagpahinga sa panahong ito.
Eat healthy(-er).
Bawasan ang pagkain ng mga canned goods o de lata at chichirya, pati na rin mga pagkaing matatamis at maanghang dahil ang mga ito ay maaaring makapagpalala ng bloatedness. Ang mga pagkaing mataas sa sodium ay hindi maganda sa katawan lalo na habang may regla. Iwasan din ang pag-inom nang kape at alak habang may period dahil bukod sa napapalala nito ang cramps ay maari ring mapalakas nito ang daloy ng regla.
Bigyang oras ang skin care.
Madalas, pakiramdam ng mga kababaihan na para bang ang pangit nila kapag nireregla dahil nakaka-haggard ito at naglilitawan ang mga pimples na dati ay wala naman. Pwedeng gumamit ng face mask sheet na may matcha, aloe vera, o honey para maibsan ang mga hormonal acne.
Kumain ng dark chocolate.
Kumpara sa milk chocolate, ang pagkain ng dark chocolate ay mas mainam lalo na kung may regla. Nakaka-improve ito ng mood dahil sa nilalabas nitong endorphins at serotonin at nakakapagpababa ng stress hormone level. Mayaman din ito sa minerals katulad ng potassium, calcium, iron, onting omega 3 and 6, at magnesium na nakakatulong makakapagpa-relax ng muscles at nakakabawas ng menstrual cramps at migraine.
Gawin ang mga bagay na makakapagpasaya sa iyo.
Kung wala sa mood na lumabas, pwedeng manood ng series o movie sa bahay para chill lang. Gawin ang hobby na hindi nakakapagod pero masaya.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Iba-iba tayo ng experience pagdating sa regla. May mga taong “Yehey, andito na ang period ko!” at meron namang, “Hala naman, andito na naman siya.” Normal lamang ito dahil magkakaiba ang ating mga katawan. Anuman ang pakiramdam natin tungo dito, ang regla ay isang senyales kung malusog ang iyong reproductive system o kailangan bigyan ito ng medikal na atensyon. Kung hindi “fun” ang experience ng pagkakaroon ng regla pwede itong maging less hassle sa mga paraang nabanggit. Tandaan na ang self-care ang isa sa pinakamahalaga para sa pangkalahatang kaligayahan ng isang tao. Happy period day!