Likas na mapamahiin ang mga Pinoy sa maraming bagay, at dahil dito, mayroon ding mga pamahiin tungkol sa regla o menstruation. Ito yung mga haka-haka na kung ngayon pakikinggan ay talagang mapapa “HUH??” ka nalang sa pagka-imposible.
Anu-ano ba ang mga pamahiing ito?
MYTH 1: Dapat tumalon ng tatlong baitang sa hagdan.
Ipinagagawa ito sa mga dalagang unang beses na magkaregla. Ginagawa ito para daw umikli lamang sa tatlong araw ang regla ng babae.
FACT: Ang pagkakaroon ng regla ng tatlo hanggang pitong araw ay normal para sa babae. Walang kahit anong talon ang makakapagpaikli ng regla.
MYTH 2: Dapat ikuskos ang unang pinagtagusan ng regla sa mukha.
Ang unang pinagreglahang panty ay dapat daw ikuskos at ihilamos sa mukha para hindi tubuan ng pimples at para daw hindi maging maamoy ang regla.
FACT: Ang pagkakaroon ng pimples ay kasama sa sintomas ng Premenstrual Syndrome o PMS. Ito ay nagyayari dahil sa hindi balanseng hormones ng isang babae tuwing siya ay nireregla–mas lalo pa para sa mga teenagers na nagdadalaga. Walang maitutulong ang pagkuskos ng maruming damit sa mukha. Hindi ito hygienic at lalo lang makakapagpalala ng pimples.
MYTH 3: Bawal maligo.
Ayon sa matatanda, kapag naligo habang may regla, papasukin daw ng hangin ang pwerta ng babae at posibleng ikasira ito ng kanyang bait o siya ay maloka.
FACT: Kailangang maligo ng isang babaeng nireregla para makapaghugas ng kanyang ari at para maibsan ang hindi komportableng pakiramdam na dulot ng regla gaya ng pananakit ng puson at ng ulo. Sa sobrang init sa Pilipinas, baka lalo mo pang ikasira ng bait ang hindi pagligo!
MYTH 4: Bawal kumain ng maasim.
Ang pagkain daw ng maaasim na prutas ay makakapagpahinto ng regla ng isang babae.
FACT: Ang pagkain ng prutas na mayaman sa fiber at vitamin C ay nakakatulong para maibsan ang mood swings at pagkabundat. Nakakatulong din ito para mapanatili hydrated ang taong may regla.
MYTH 5: Bawal magpunta sa lamay.
Ang pagpunta sa lamay at pagsilip umano sa kabaong ay pwede raw ikalakas ng regla ng isang babae. May iba ring naniniwala na titigil ang regla at sasakit nang husto ang puson ng babae pag ginawa ito.
FACT: Kahit saang anggulo pa tignan, walang koneksyon ang patay at ang puson ng isang babae.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Kahit turo pa ito ng iyong lola o kalola-lolahan, kailangang tandaan na ang mga haka-haka na ito ay walang basehan at pagpapatotoo. Ang mga ito ay pwedeng ikapahamak ng iyong kalusugan kaya bago maniwala sa mga ito, mag-fact check muna! Huwag magpabudol sa fake news tungkol sa regla!