Parating tinutukso si Luis* ng mga lalaki sa klase niya dahil ayaw niyang sumamang mag-basketbol at tumambay sa computer shop pagkatapos ng klase. Mas madalas siyang makitang kasama ang mga babaeng kaklase, tumutulong magtirintas ng kanilang mga buhok habang ‘di pa dumarating ang teacher.
Kahit sa Facebook, noong excited siyang i-post ang bet na bet niyang profile picture na may beauty filter, pinaulanan ito ng mga ‘Haha’-reaction ng kanyang mga kaklase at kamag-anak. Kino-commentan nila ito ng “Anyare?” o ‘di kaya ay “Sabi ko na Barbie!”.
Ano ang Gender Expression?
Ang gender expression ay kung paano inihahayag ng isang tao ang kaniyang kasarian. Kasama rito ang pagkilos, pananamit, boses, anyo ng katawan, pagdadala ng sarili, at iba pang paraan ng paglalahad ng identity.
Dahil walang iisang pamantayan ng gender expression sa bawat gender identity, hinihiwalay dapat ito sa isa’t isa. Halimbawa, ‘di porket nag-pixie cut ang isang babae ay gusto niya nang maging lalaki! Hindi dapat natin ginagamit ang mga stereotypical na pagpapahayag ng kasarian para i-assume kung ano ang kasarian ng isang tao.
Ang gender expression ay ginagamit din bilang paraan ng empowerment o para maging mas komportable ang isang tao sa kanyang sarili. Ngunit kadalasan, ito rin ang pinagbabatayan ng diskriminasyon at karahasan laban sa mga taong may diverse SOGIESC.
Mga uri ng diskriminasyon at karahasan batay sa kasarian
May mga uri ng diskriminasyon na direkta o tuwirang ginagawa, at mayroon ding hindi agad napapansin o unconscious na kagawian dahil sa uri ng lipunang kinalakihan.
1. Tuwirang diskriminasyon at karahasan
Nakakapanood ka rin ba ng teleserye kung saan pinapalo ang isang bata dahil nahuli itong suot-suot ang dress ng kanyang ina? Nangyayari talaga ito sa tunay na buhay, at isa lamang ito sa mga uri ng pisikal na pananakit na nararanasan ng mga taong may diverse SOGIESC, o kahit ng mga batang nag-eexplore pa lamang. Marami ring kaso ng “hate crimes” tulad ng pambubugbog mula sa mga hindi naman nila kakilala habang naglalakad lang sa kanto.
Mayroon ding nang-iinsulto gamit ang mga salita. Nakarinig ka na rin ba ng pang-aasar sa school na “bakla” o “bading” with matching tawa at tulak pa? Ito yung tinatawag na verbal na pananakit, at tulad ng naranasan ni Luis sa kwento, maaari din itong gawin online (cyberbullying).
Minsan din ay humahantong pa sa sexual harassment ang karahasan sa mga taong may diverse SOGIESC. Saklaw nito mula sa pagsigaw ng “pa-kiss naman!” hanggang sa panghihipo at mga mas tuwiran pang uri nito.
2. ‘Di-tuwirang diskriminasyon at karahasan
Narinig mo na ba ang mga katagang “Mas mukha ka pang babae kaysa sa akin!” kahit nag-a-identify naman talaga bilang babae ang kanilang kausap? ‘E ‘yung mga nagsasabing “Sayang, gwapo pa naman!” kapag may nag-‘out’?
Akala ng maraming tao ay compliment ito sa mga taong may diverse SOGIESC, pero kasama ito sa tinatawag nating microaggressions, o mga diskriminasyong hindi tuwiran o minsan ay hindi sinasadya. Dahil ito ay kadalasang unconscious, dapat ay agad itong i-callout kapag napansin. Kahit ‘yung simpleng pagkanta ng “awit may lawit” ay uri ng microaggression. Marami pa namang ibang nakaka-LSS na kanta diyan! Akala mo simpleng joke lang, pero diskriminasyon ‘yan na mapanakit sa ibang tao.
Mayroon ding mga uri ng diskriminasyon na nagmumukhang hindi tuwiran dahil nakasanayan na natin ito. Saksi ka na rin ba sa mga kaklaseng pinapaalis ng mga guard at pinapa-guidance ng guro dahil hindi nila nasunod ang uniporme na ni-require para sa bawat kasarian at akmang haba ng buhok?
Kadalasang biktima ng ganitong mga patakaran ay mga estudyanteng hindi nakaka-identify sa kanilang sex assigned at birth. Isang halimbawa ito ng diskriminasyong nararanasan ng mga taong may diverse SOGIESC sa loob ng mga institusyong kinabibilangan natin.
Bakit ito mapanganib?
Ang mga biktima ng bullying at diskriminasyon ay nagkakaroon ng negatibong pagtingin sa kanilang sarili at abilidad. Kung nung una sa kwento ay confident si Luis sa kanyang itsura, baka pagkatapos niyang mabasa ang mga mapangutyang komento sa social media ay ayaw na niyang tumingin sa salamin. Baka kumain na lang din siya ng lunch sa CR dahil natatakot na siyang makitang kasama ang mga best friends niyang babae sa canteen.
At ‘yung estudyanteng pinauwi ng guard dahil sa kanyang buhok? Sayang naman ‘yung pagre-review niya buong gabi kung hindi siya makakapag-exam sa Math. Hindi naman buhok niya ang mag-eexam.
Ito ang mga dahilan kung bakit hindi natin dapat hayaan ang pambu-bully at diskriminasyon batay sa kasarian. Maaari itong makaapekto hindi lamang sa mental health ng binu-bully, ngunit pati sa kanilang edukasyon at buhay.
Paano ito maiibsan?
Kung keri natin ay mainam na harapin at kausapin ang bully o nananakit sa kanila upang maitama ang kanilang pag-uugali.Kung kinakailangan ng tulong, magpasama sa mapagkakatiwalaang adult. Pero safety first. Kung masiyadong tensyonado ang sitwasyon, mas mainam na i-report ang insidente sa kinauukulan – sa mga opisyal ng eskwelahan, sa barangay, o sa pulis, kung kinakailangan.
Para sa mga ‘di tuwirang diskriminasyon, mahalagang ipaliwanag sa iyong mga kaklase o kapamilya kung bakit mali o nakakasakit ang kanilang mga salita at pag-uugali. Kadalasan ay kailangan lang nila ng wake up call at pagpapaliwanag kung hindi naman nila intensyon ang manakit. I-check din ang sarili dahil baka tayo mismo ay may nasasabi o nagagawa rin na diskriminasyon na pala.
Maaari ring magbigay suporta sa mga hakbang na naglalayong baguhin ang mga nakakalimitang patakaran gaya ng pinirmahan kamakailan lang na DepEd Order 32 s. 2017 na naglalayong bigyan ng patas na pagtrato sa paaralan ang mga kabataang nasa elementarya at high school na may diverse SOGIESC. Maaari suportahan ang ipinatupad na mga ordinances laban sa diskriminasyon gaya ng ginawa sa QC. May mga proposed na batas tungkol sa SOGIE na pwede ring suportahangaya ng nasa balitang ito.
Kung nais pa nating matuto, mas maganda na mismong LGBT groups ang konsultahin. Kamakailan ay nagkaroon ng palabas ang isang unibersidad at akala ng mga performers ay nakakatuwa ang ginagawa nila at matutuwa ang mga tao sa palabas nila. Subalit hindi ito ang naging resulta. Kaya mahalagang magbasa, magmasid, mag-aral, makinig, at komunsulta.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Pwede nating piliing maging mabuti, at huwag hayaang mamayani ang mga maling gawi. Kung kasama ka sa mga nakararanas ng ganitong diskriminasyon, sa bahay man, sa paaralan, o sa barkada, maiging lumapit sa mga mapagkakatiwalaang tao o propesyonal kung kinakailangan ng tulong tungkol sa iyong mental health.
Tandaan, ano pa man ang iyong gender identity at kung paano mo man ito i-express, hindi ka “sayang”!
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.