Isa ka ba sa mga na-amaze sa iconic slow-mo lava walk ni Catriona Gray, pati na rin sa iba’t ibang naggagandahang kababaihan na rumampa noong Miss Universe 2018? Kasama rito si Angela Ponce, isang trans woman na kandidato mula sa Spain!

Bukod sa pare-parehong matatalino, magaganda, at kabogera ang mga kandidato, iisa rin ang kanilang gender identity: lahat sila ay babae. Ang pinagkaiba lang ay si Catriona ay isang cis woman, at si Angela naman ay isang trans woman.

Nakakalito ba? Marami pa rin nga ang nalilito sa usapin tungkol sa gender identity. Upang maiwasan ang kalituhan, mainam na handa tayong i-unlearn ang mga paniniwalang meron tayo na maaaring nakaka-discriminate.

Ano ang Sex Characteristics (SC)?

Ang sex characteristics, ay ang mga external (pisikal) at internal nating katangian na may kaugnayan sa sex, tulad ng chromosomes, gonads, sex hormones, genitals o ari, at iba pang katangian na lumilitaw mula sa puberty.

Ang external o pisikal na sex characteristics tulad ng ari ang kadalasang basehan ng mga doktor o midwife para matukoy ang sex ng isang sanggol sa ultrasound (pati ng mga influencers para sa mga pakulo nilang #GenderRevealParty, na dapat naman ay tinatawag na #SexRevealParty) o at sa mismong pagkapanganak ng sanggol.

Dito nakaugnay ang sex assigned at birth, kung saan itinatalagang babae ang sanggol kapag puki ang nasa pagitan ng dalawang hita nito, lalaki kapag titi ang nakita, at intersex naman kapag parehong hindi lumilitaw o naikakahon ang kanilang sex characteristics sa dalawang naunang kategorya.

Very scientific at medikal ang mga nabanggit na salita ‘no? Mas nakatuon kasi ang sex characteristics sa anatomy o ang pag-aaral ng katawan, habang ang gender identity naman ay sumasaklaw din sa mga karanasan, pakiramdam, at pagkakakilanlan ng sarili kaugnay ng kasarian.

Ano ang Gender Identity (GI)?

Ang gender identity ay ang tawag sa malalim na pagkakakilanlan at karanasan ng isang indibidwal sa kanilang kasarian na maaaring tugma o ’di tugma sa kanyang sex assigned at birth o sex characteristics.

Cisgender ang tawag sa taong naaayon ang kanyang gender identity sa kanyang sex assigned at birth.

Transgender naman ang tawag sa taong iba ang pagkakakilanlan ng kasarian kumpara sa kanyang sex assigned at birth. Transgender man, o trans man ang tawag sa isang assigned female at birth na ang pagtingin at pagkakakilala sa sarili ay lalaki. Kung assigned male at birth naman, at ang pagtingin at pagkakakilala niya sa kanyang sarili ay babae, siya ay transgender woman, o trans woman. Tandaan: Hindi kailangang sumailalaim ang isang tao sa gender-affirming surgery o yung tinatawag nating sex-change surgery para matawag na transgender.  

May iba naman na ang pagtingin sa sarili ay hindi naikakahon sa kategoryang babae-lalaki. Sila ang mga tinatawag na non-binary, o NB. Saklaw nito ang mga taong komportable sa parehong identidad na lalaki at babae (or more), pati ang mga hindi naa-identify ang sarili nila sa kahit anong gender.

Mga Limitadong Pananaw sa Gender Identity

Nakakalungkot mang isipin, ang karaniwang paniniwala ng lipunan sa gender identity ay nakakulong lamang sa dalawang “opposite” na tandem: ang babae-puki tandem at lalaki-titi tandem. Ang limitadong pananaw na ito ay tinatawag na gender binary kung saan hindi kinikilala ang iba pang gender sa labas ng dalawang ito.

Narinig mo na ba ang mga katagang “kalalaki mong tao, iyakin ka” o “kababae mong tao, ganyan ka umupo”? Mga halimbawa ito ng gender-based stereotypes kung saan iniuugnay ang pagiging matapang at malakas sa lalaki at ang babae naman ay mahinhin at masunurin o “prim and proper”.

Ang ganitong paglilimita sa gender identity ay nagdudulot ng pressure at identity gaps na maaaring makaapekto sa emosyonal at mental na estado ng isang taong kinikilala pa lang ang kanyang identidad.

Maaaring maipahayag ng isang tao ang kanyang kasarian sa pamamagitan ng pagpili ng pronouns (he/she/they), pananamit, boses, at hitsura. Tinatawag natin itong gender expression. Pero hindi ito kailangang nakakabit sa ating gender identity. 

Halimbawa, nakita mo rin ba sa internet ang mga pictures ni Harry Styles na nakasuot ng ruffle dress? Ipinakikita lamang ito na ‘di porket mahilig magsuot ng dress ang isang lalaki o non-binary ay nais niya nang ma-identify bilang babae! Hindi dapat natin ikinakahon sa partikular na mga pamantayan at stereotypes kung paano gumalaw o umasta ang cis na babae, cis na lalaki, transgender, at non-binary.

Bakit mahalagang intindihin ang Gender Identity?

Kahit bata pa, nakikilala at nagagamay na ng iba kung ano ang kanilang gender identity. Ang iba naman, maaaring hindi sigurado kung paano ito i-label o i-express dahil sa mga umiiral na gender binary at gender-based stereotypes sa lipunan.

Pwedeng makaranas ng pagkabalisa o matinding stress dahil sa pressure na sumunod sa mga expectations na ito kahit hindi tugma sa sariling gender identity. Nag-uugat ito sa realidad na karaniwang may negatibong epekto sa mga tao kung sila ay hindi susunod sa mga pamantayan ng lipunan – katulad ng diskriminasyon, pambabastos, harassment, bullying, at pati na ng iba’t-ibang uri ng karahasan. Lahat ng ito ay maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto sa pisikal, emosyonal, sikolohikal na wellbeing nila, maging sa kanilang hanapbuhay at katayuan sa buhay. 

Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng bawat indibidwal ng suporta sa kung saang gender identity tayo komportable at ng assurance na tayo’y tinatanggap at minamahal maski ano man ang ating gender identity. 

Kaya tandaan na paano mo man gustong i-label o i-express ang iyong kasarian, keri lang ito basta masaya ka at totoo sa ’yong sarili. 

#MalayaAkongMagingMASAYA

Parating piliin ang pagiging true!

Mahirap magpanggap o itago ang tunay na pagkatao, pero maaaring hindi rin madaling i-express ang sarili. Kung sa tingin mo gusto mo nang ipakita ang the real you, pwede mong simulan mag-open up sa mga taong pinagkakatiwalaan sa buhay, gaya ng mga kaibigan o pamilya. Tandaan na walang makakapilit o makakapigil sa iyo para kilalanin at ipakilala ang iyong sarili. Sarili mo itong desisyon, at napakabuting bagay para sa iyong mental health kung makakatagpo ka ng mapaghihingahan, no judgment.  

Laging tandaan, kung paano mo kinikilala at pinipiling ipahayag ang sarili ay dapat igalang ng iba, at ganon ka rin dapat sa ’yong kapwa.