Simple lang ang buhay noon para kay Maria.* Ang gusto niya lang ay kumain, manood ng TV, at makipaglaro sa kanyang mga kaibigan. Pero tila nagbago na lang ang lahat nang dumating ang isang araw.
“Bakit ganun? Minsan ang saya-saya ko tapos bigla na lang akong malulungkot. Tapos parang ang dami-daming nagbabago sa katawan ko. Nakakalito,” aniya.
Pabugso-bugsong damdamin, kagustuhang mapag-isa, pagtubo ng tigyawat, at pagkakaroon ng crush o atraksyon sa ibang tao sa isang romantiko o sekswal na paraan. Ilan lamang ang mga ito sa karaniwang palatandaan ng puberty. Pero ano nga ba muna ang puberty?
Ang puberty o tinatawag na pagdadalaga at pagbibinata ay isang panahon sa buhay ng isang tao kung kailan maraming mararanasang pagbabagong pisikal, emosyonal, at sosyal.
Maraming nagaganap na pagbabago sa katawan ng isang nagdadalaga at nagbibinata. Kasama na dito ang paglaki ng katawan, pagtubo ng buhok sa iba’t ibang parte ng katawan, paglalim ng boses para sa mga lalaki, at pagkakaroon ng buwanang dalaw o regla para sa mga babae.
Ang mga pagbabagong ito ay hindi sabay sabay mararanasan ng bawat tao.
Sa mga lalaki, karaniwan itong nararanasan ng mga nasa edad 11 hanggang 15. Sa mga babae naman, karaniwan itong nag-uumpisa kapag sila ay tumungtong na sa 8 hanggang 13 taong gulang. Walang maaga at walang huli pagdating sa puberty. At kadalasan, 5 hanggang 7 taon ang itinatagal ng prosesong ito bago makumpleto.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Importanteng magkaroon ng sapat na ehersisyo, pahinga, at tulog upang hindi maging masyadong iritable, malungkot o stressed. Lahat ng tao ay dumadaan sa proseso ng puberty kaya walang dapat ipangamba. Lahat ng pagbabagong ito, palatandaan ng pagsulong at pag-unlad natin sa buhay. Magandang panahon ito para kilalanin at mahalin ang sarili, kaya relax lang at enjoy-in mo lang lahat ng bagong mararanasan mo. Masaya ito, promise!
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.