1, 2, 3, hands up! Nasa dance practice si Alex* nang mapansin niyang may buhok na pala siya sa kili-kili. Nahiya na tuloy siyang magtaas ng kamay at naging limitado na ang galaw niya. Naku, ano na lang ang sasabihin ng iba? Baka pagtawanan siya ng mga kaklase niya. Buti na lang pagtingin niya sa katabi niyang si Bettina*, napansin niyang nag-uumpisa na rin pala itong tubuan ng buhok sa kili-kili. Yehey, hindi pala siya nag-iisa! At nakangiti pa si Bettina* habang nagsasayaw!
Normal lang ito!
Ang pagtubo ng buhok sa kili-kili, pati na rin sa bandang titi at bayag o sa bandang puki, ay isang hudyat o senyales ng pag-uumpisa ng pagdadalaga, pagbibinata, o puberty. Sa panahong ito, ang mga pituitary hormones sa katawan ay naglalakbay sa daluyan ng dugo upang magpasimulang magpausbong ng buhok sa ilalim ng mga braso pati na rin sa bandang ari. Nag-uumpisa ito nang manipis hanggang sa maging mas mahaba, makapal, kulot, at maitim. Ito ay nagsisilbing proteksyon o harang upang hindi makapasok ang iba’t ibang klase ng dumi at bakterya sa ating katawan.
Para sa iba, nagiging sagabal ang buhok sa katawan sa mga bagay na gusto nilang gawin o ‘di kaya naman ay sa mga damit na gusto nilang suotin kaya’t mas pinipili nilang alisin na lamang ito sa pamamagitan ng pag-aahit, paggamit ng wax, pagpapahid ng cream, o pagpapasailalim sa laser hair removal para tuluyan na itong hindi tumubo.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Walang masama sa pagkakaroon ng buhok sa katawan. Ayon nga sa mga eksperto at doktor, ang pag-aalis ng buhok sa katawan ay walang anumang epekto sa kalusugan. Kaya sa huli, nasa iyo pa rin ang desisyon kung gusto mo itong alisin o hayaang lumago—depende sa iyong pansariling kagustuhan.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.