Si Jane* ay 20 taong gulang na. May kasintahan siya at handa na siyang makipagtalik pero nais niyang maging responsable at makaiwas muna sa pagbubuntis. Naisip niyang uminom ng pills pero naalala niyang makakalimutin siya. Mabuti nalang at nakahanap siya ng alternatibong contraceptive na hassle-free at epektibo, ito ang IUD.

Ang IUD o intrauterine device ay isang uri ng contraceptive na hugis letrang “T” na ipinapasok sa loob ng matris ng isang babae. Ang copper IUD ang pinaka-available na klase nito sa Pilipinas, at tumatagal ang bisa nito ng 10 hanggang 12 na taon. 

Sa takdang panahong handa ka nang makipagtalik, ang IUD ang isa sa mga option mo upang pangmatagalang maiwasan ang maaga at ‘di planadong pagbubuntis. Narito ang ilang mga paalala bago at pagkatapos magpalagay ng IUD.

Bago magpalagay ng IUD, tandaan…

  1. Tanging doktor, nurse, at healthcare provider lamang ang pwedeng maglagay nito sa loob ng matris. 
  2. Siguraduhing hindi buntis bago magpalagay ng IUD. 
  3. Pwede itong ipalagay habang may regla at kahit katatapos lang manganak.
  4. May kaunting kirot na mararamdaman habang nilalagay ang IUD pero nawawala din naman ito agad.
  5. Ginagawa ang procedure sa loob lang ng 5 to 15 minutes.

Pagkatapos magpalagay ng IUD, tandaan…

  1. Medyo mag ingat muna sa pagkilos dahil maaari kang mahilo pagkatapos mailagay ang IUD dahil sa kaba o takot. Pero huwag mag-alala, dahil normal lamang ito. Magpahinga, chumill, at magrelax muna.
  2. Asahang makaranas ng cramps o pananakit ng puson pagkatapos magpalagay ng IUD. Pwede mo itong inuman ng paracetamol, ibuprofen o anumang over-the-counter na painkiller para maibsan ang sakit.
  3. Makakaranas ka ng bleeding o spotting sa mga unang buwan pero mawawala rin naman ito kapag nakapag-adjust na ang katawan mo sa IUD.
  4. Maaring mas lumakas ang regla sa simula, pero kumunsulta agad sa doktor kung sobrang lakas na ng regla.
  5. Sa unang tatlong buwan, i-check kada buwan kung ang string ng IUD ay nasa 1-2 inches ang nakalawit sa iyong cervix. Ipasok lang ang malinis na daliri sa loob ng ari at kapain ito. Kung pakiramdam mo ay mahaba o maikli ang string, isangguni agad ito sa doktor at gumamit ng condom kung makikipagsex.

Tandaan, normal lamang ang mga ito. 

BONUS:

Pwede nang makipagsex… PAGKATAPOS ng 24 oras. Madalas na payo ng doktor ay ang ‘wag muna magpasok ng kahit ano sa ari kapag bagong lagay ang IUD. Kaya konting tiis muna! 

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Tandaan lang ang mga #ContracepTIP na ito: mahalaga ang maging responsable pagdating sa pakikipagtalik. Kaya gaya ni Jane, kung sa tingin mo ay hindi pwede sa iyo ang mga hormonal na contraceptives, ang paghahanap ng alternatibong contraceptive ang una mong dapat gawin para iwas pagbubuntis!

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.