“May amoy na, dalaga na,” “Binata na may anghit na.” Ito ay madalas na biro ng mga matatanda o mga magulang sa kanilang mga teenager na anak.
Ang biro na ito ay may katotohanan naman, dahil ayon sa mga eksperto ang pagkakaron ng body odor ay isa sa mga senyales ng puberty, ang panahon kung saan maraming pagbabago ang nangyayari sa katawan.
Kabilang sa mga pagbabago na nangyayari sa katawan tuwing puberty ay ang pagiging mas aktibo ng mga sweat glands at pag lalabas nito ng iba’t ibang kemikal sa pawis kaya’t mas may amoy ito.
Paano nga ba tutuldukan ang putok?
Kung ikaw ay nababalisa dahil sa amoy ng iyong katawan, maraming paraan para ito ay ma-control o mabawasan. Ang pinaka epektibo ay ang pagligo araw-araw gamit ang sabon at maligamgam na tubig.
Sa pamamagitan ng pagligo, nababawasan ang mga bacteria sa katawan na nakadadagdag din sa mabahong amoy ng katawan.
Maigi din na mag suot ng malinis na damit araw araw, lalo kung ikaw ay pawisin.
Kung nais mo naman ng pang madaliang solusyon, maari kang gumamit ng antiperspirant o deodorant na tumtulong na tigilan ang pagpapawis at nakakabawas ng amoy. Ito ay may iba’t ibang uri, may mga roll-on, spray at iba pa. Maaari rin gumamit ng tawas.
Para sa mga wala or hindi matindi ang body odor, hindi na nirerekomenda ng mga eksperto na gumamit pa ng deodorant o antiperspirants.
Let it grow o let it go?
Maliban sa body odor, may mga iba’t ibang pagbabago pa sa katawan tuwing puberty na madalas inaalala ng mga kabataan. Kabilang dito ang pagkakaroon ng buhok sa iba’t ibang parte ng katawan katulad ng mukha, kili-kili, binti at braso.
Maari namang ahitin o bunutin ang mga buhok na ito, lalo’t kung ito ay nagdadala ng discomfort. Ngunit paalala ng mga eksperto na humingi ng payo sa mga mas nakakatanda paano gawin ito ng tama para maiwasan ang disgrasya.
Kung ayaw mo naman itong tanggalin ay ayos lang din. Normal na magkaroon ng buhok sa mga nasabing parte ng katawan.
Isa pang hair-related na pagbabago tuwing puberty ay ang pagsisimula nito na maging oily dulot ng pag-produce ng extra oil ng sebaceous glands ng hibla ng buhok.
Para mabawasan, maiging banlawan ang buhok kada isa o dalawang araw gamit ang shampoo. Kung gagamit naman ng mga produkto para sa buhok tulad ng hair gel, kailangan siguraduin na ito ay “oil-free” or “greaseless.”
#MalayaAkongMagingMALUSOG
Ang katawan ng tao ay patuloy na nagbabago habang ito ay tumatanda. Walang masama kung hahayaan lang natin mangyari ang mga normal na pagbabagong ito o gagawan natin ng paraan para kontrolin ito. Ika nga ng iba, katawan mo, desisyon mo.