Natatakot si Lea* lumangoy sa dagat, hot spring, at mga swimming pool. Sinabi kasi ng kaklase niya na may mga lumulutang-lutang daw na ligaw na semilya or sperm cell dito. Ang buong akala pa niya, mabubuntis siya kapag may nakapasok na ligaw na sperm sa swimsuit niya. Buti na lang, sinabi ng teacher niya na hindi nabubuhay ang semilya sa swimming pool!

Imposibleng mabuhay ang semilya o sperm ng lalaki sa tubig kapag nakalabas na ito sa ari, lalong-lalo na sa swimming pool dahil may laman itong mga matatapang na kemikal katulad ng chlorine. Pero kahit pa sa simpleng tubig lamang, wala talaga itong kakayahang lumangoy at lumusot mag-isa papunta sa ari ng babae.

Ang semilya ay buhay o aktibo sa loob ng katawan ng lalaki lamang. Oras na lumabas ito, ilang segundo o minuto lamang ang itatagal nito bago mamatay. Paano pa kaya kung nahaluan pa ito ng kemikal na mayroon ang tubig ng swimming pool, ‘di ba? Siguradong agad-agad itong mamamatay. 

Pero teka, ibang usapan na kung ikaw ay nakipagtalik sa swimming pool, ha. May posibilidad na ikaw ay makabuntis o mabuntis kung hindi ka gumamit ng proteksyon.

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Tandaan, para mabuntis ang isang babae o taong may matris, isa sa mga paraan ay kailangan muna niyang makipagtalik. Ibig sabihin, kailangang ipasok ng isang lalaki ang kanyang titi o ari sa puki o kiki ng babae. Kung wala namang ganoong aksyong naganap sa swimming pool, wala kang kailangang ipag-alala. Safe ka girl, hindi ka mabubuntis! Kaya enjoy ka lang diyan sa swimming mo! At huwag kalimutang mag-sunblock! 

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.