Balak ni Patrick at Jen*, magsesex na lang sila ‘pag may mens si Jen. Sabi kasi ng tropa ni Patrick, hindi daw nakakabuntis kapag nagsex nang may regla ang babae. Pero kinakabahan si Jen kasi may nakapagsabi naman sa kanya na pwede pa rin daw mabuntis kahit pa magsex sa araw na may dalaw siya.

Ano ba ang hatol? Mabubuntis ka pa rin ba kahit may mens ka naman nung nagsex kayo ng partner mo? Sa madaling salita, oo. Bagaman mas mababa ang tsansa dahil maaaring hindi pa nagsisimula ang iyong obulasyon sa panahong ito, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagbubuntis. 

Maaari pa ring mabuntis ang isang babae kapag siya ay nakipagtalik habang siya ay nireregla. Dalawa ang obaryo ng babae at salitan itong naglalabas ng hinog na itlog. Posibleng maglabas ng hinog na itlog ang kabilang obaryo habang nireregla o pag tapos na ang regla. 

Karamihan sa mga kabataan ay hindi pa regular ang pagreregla kaya naman kapag may pagtatalik nang walang proteksyon, kahit pa nireregla, may posibilidad pa rin na mabuntis.

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Kaya naman importante pa ring gumamit ng proteksyon lalo na ng kondom upang maiwasan ang maaga at hindi planadong pagbubuntis. Makakatulong rin itong makaiwas sa mga impeksyon at mahawa sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik kapag may buwanang dalaw. ‘Wag kalimutang alagaan ang sarili. Stay safe, kaberks!

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.