Maraming nakakapansin ng biglang pagtangkad ni Gio.* Dahil pa nga dito ay ginawa na siyang team captain ng basketball team nila. Pero tila hindi lamang ito ang nagbabago sa katawan niya. Parang pati ang buhay niya, nagkakanda rambol-rambol na.
Pati nga si Alex* na dati niya nang kalaro, nagiging crush niya na at gusto niya pang ligawan! Ano ba naman ‘to?! Ang gulo. Nakakalito, parang may nagdi-dribble ng ulo niya.
Lahat ng lalaki ay dumadaan sa proseso ng pagbibinata o tinatawag na puberty. Madalas, nararanasan ito ng mga kabataang nasa edad 11 hanggang 15. Dito, karaniwan lamang na makaranas ng pagbabagong pisikal, emosyonal, at sosyal tulad ng:
- Pagkakaroon ng balbas at bigote
- Paglalim at paglaki ng boses
- Pagtubo ng tigyawat
- Pagkakaroon ng body odor
- Pagtubo ng buhok sa bandang titi at bayag, pati na rin sa kili-kili.
- Pagsulong ng taas at bigat at posibleng paglaki ng dibdib
- Pabugso-bugsong damdamin o pagbabago bago ng mood
- Kagustuhang mapag-isa
- Paglaki ng ari
- Madalas na kusang pagtayo ng ari – sa kadahilanang lumalaki ito, napupuno ng dugo, at nag-uumpisang bumuo ng semilya na nagiging tamod
- Pagkakaroon ng mga damdaming sekswal o libog, at pagiging interesado sa ibang tao sa isang romantiko o sekswal na paraan.
Ang layunin ng puberty ay ihanda ang katawang magparami ng sekswal. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng pag-udyok ng testosterone sa testicles na mag-umpisang gumawa ng semilya.
Dito rin nag-uumpisa ang posibleng pag-eksperimento sa masturbation, o pagbibigay ginhawang sekswal sa sarili. Normal lamang itong gawin, at normal lang din kung hindi.
#MalayaAkongMaging MALUSOG
Ang mga pagbabagong ito ay iba-iba at hindi sabay sabay mararanasan ng bawat tao. Walang maaga at walang huli pagdating sa puberty kaya importanteng hindi ikumpara ang sarili sa iba.
Hindi madaling pagdaanan ang proseso ng puberty. Pero wala kang dapat ipag-alala dahil lahat naman ng tao dumadaan dito at hindi ka nag-iisa. Kaya congrats! Mama… este binata ka na!
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.