Naka-schedule ngayon ng bakuna si Pinky* at ang kaibigan niyang si Jona*.
“Girl, g ka nang magpabakuna?” tanong ni Pinky. “Keri na girl, sakto pala ‘tong sched natin sa mall kasi may 3-day sale din daw!” Excited na sagot ni Jona.
Nagpaalam si Pinky sa mama niya, at hindi naman siya nahirapan sa matamis nitong “oo” dahil matagal na nilang dalawa inaabangan ang schedule para sa mga kabataan. Dali-daling nag-ayos si Pinky. Nagsuot ng off-shoulder para talagang “bakuna day” ang outfit of the day o OOTD.
Sino ang puwedeng magpabakuna?
Mula taong 2022, lahat ng Pilipino edad lima (5) pataas ay maaari nang magpabakuna ng kanilang primary series at ang mga edad 12-17 naman ay pwede na ring makapagpaturok ng unang dose ng booster.
Noong unang taon ng pandemya ay meron pang pila sa pagpapabakuna. Inuuna ang nasa priority group – ang mga frontliners, senior citizen, at may mga comorbidity o may mga kasalukuyang sakit katulad ng hypertension, diabetes, cancer at iba pa. Dahil na rin ito sa limitadong supply ng bakuna noon.
Ngayon ay available for all na siya pati sa mga kids at teens! Napag-aralan na ang mga bakuna na angkop para sa mga bata mula 5-11 years old at teenager mula 12-17 years old. Marami nang nagawang bakuna ang iba’t-ibang kumpanya sa buong mundo at nakabili na rin ang gobyerno natin ng sapat na supply.
May ilan lang na mga dahilan para maudlot o ma-reschedule ang pagpapabakuna. ‘Yon ay kung ikaw ay:
- may sintomas ng COVID-19
- may exposure sa taong may COVID-19
- naturukan ng plasma o antibodies sa loob ng 90 na araw
- buntis
- nagpaturok ng ibang vaccine sa loob ng 14 na araw
- mataas ang blood pressure sa oras ng bakuna
Pwedeng magpabakuna pero kailangan ng extra ingat kung:
- may bleeding disorders
- may allergy sa pagkain gaya ng itlog manok o sa gamot
Kailangan mo rin ng clearance ng doktor para matuloy ang iyong bakuna kung ikaw ay:
- may autoimmune disease
- may HIV
- may cancer at kasalukuyang sumasailalim sa chemotherapy
- nagpa-transplant
- umiinom ng steroid
Kung wala ka ng alinman sa mga nabanggit, gora ka na sa pinakamalapit na vaccination site!
Saan pwedeng magpabakuna?
Ang bawat local government unit (LGU) sa city o municipality kung saan ka nakatira ay nagbibigay ng libreng bakuna sa mga residente nito. Kadalasang nasa website o social media page ng mga LGUs ang listahan ng vaccination sites at schedule kaya ugaliing i-check ito para updated ka.
Mayroon ding mga LGU na gumawa ng sariling app o microsite kung saan pwede kang magpa-schedule ng bakuna at pumili ng oras at lugar, tulad ng mall, sinehan, o concert halls.
May iba ring barangay hall na pwedeng walk-in lang o ‘yung hindi na kailangan ng schedule. Nagpo-post din sila ng anunsyo sa kanilang mga social media pages.
Dagdag pa sa mga nabanggit, may mga non-profit organizations ring kasali sa pagbabakuna katulad ng Philippine Red Cross, na bukod sa bakuna ay nagsasagawa rin ng RT-PCR testing sa murang halaga.
May private organizations din na nagpapatupad ng drive thru vaccination kung saan pipila ka pa rin pero nasa loob ka ng iyong sasakyan kaya iwas sa pakikisalamuha sa tao.
At higit sa lahat, mas #PinasLakas na talaga, dahil sa tulong ng Department of Health (DOH), mas accessible na para sa lahat ang vaccines sa pamamagitan ng paglalagay ng mga vaccine sites sa mga opisina, factories, transport terminals, simbahan, public markets, plazas, schools, pharmacies, at iba pa. Ang cool, ‘di ba?
Mga Dapat Ihanda
Dahil nakalalamang ang may alam at laging handa, ’wag kalimutan ang mga basics na dapat dalhin kapag magpapabakuna gaya ng:
- Face mask
- Alcohol o hand sanitizer
- Sariling ballpen
- Text o email na nagkukumpirma ng iyong schedule (kung walang walk-in system)
- QR code (kung applicable)
TANDAAN: Since minor pa lang kayo, kailangan kasama ang magulang o guardian sa vaccination site. Kaya narito ang ilan sa mga dapat nilang ihanda:
- Dokumento na nagpapatunay ng relasyon sa babakunahang bata
- Valid ID o mga dokumentong may litrato ng magulang o guardian at ng batang babakunahan
- Vaccination card na kumpleto ang detalye ng primary series para sa mga edad 12-17 na kukuha ng additional / booster dose
Eh paano kung walang available na magulang o guardian para samahan ka? Tinatanggap sa mga vaccination sites ang Special Power of Attorney (SPA) ng babakunahang bata. Kung wala namang SPA ay pwede ring ipasa ang mga sumusunod:
- Notarized authorization letter
- Affidavit ng magulang/guardian na may panunumpa kasama ng isang public official tulad ng notary public o authorized personnel tulad ng barangay official, at pagpapakita ng valid government ID
- Barangay Certification mula sa barangay chairman o punong barangay
Kung ikaw ay edad 12-17 at kabilang sa mga immunocompromised, kailangan ding magdala ng medical certificate mula sa doktor na dinidetalye ang iyong comorbidity/ies o existing medical condition. Ganoon din para sa mga batang edad 5-11 na may kahit alin sa mga sumusunod:
- medical complexity
- genetic condition
- metabolic endocrine disease
- sakit sa puso
- Obesity
- HIV
- tuberculosis
- sakit sa baga
- sakit sa bato
- sakit sa atay o apdo
- immunocompromised dahil sa sakit o sa paggagamot
#MalayaAkongMaging LIGTAS
O ang daming options, ‘di ba? Wala nang dahilan para hindi mabakunahan!
Makipag-ugnayan sa inyong LGU para sa pinakamalapit na vaxx site at schedule ng pagbabakuna.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.