Isang linggo nang umiiwas si Dan* sa mga kabarkada niya sa school. Noong una, nakiki-ride lang siya sa mga jokes nila kahit madalas siya ang pinagtatawanan. “Gets ko naman na normal lang magkatuwaan o magkantyawan sa barkada, pero medyo nakaka-hurt na kasi,” nasa isip ni Dan*. “Kausapin ko kaya sila? Kaso baka naman masyado lang akong nagdadrama. ‘Di ko rin alam kung paano ko ba sasabihin sa kanila ang nararamdaman ko.”

Tandaan, ano pa man ang nararamdaman mo, valid at importante ‘yan! 

Malimit ay tinatago natin ang naiisip o nararamdaman dahil sa hiya o takot na mahusgahan o ‘di maintindihan ng iba. Challenging talagang mag-open up at maaaring ‘di mo alam kung paano ito gawin. Pero alam mo ba na tulad ng ibang bagay, pwede rin itong matutunan? Kung paghahandaang mabuti at makakahanap ng mapagkakatiwaalan, magiging mas madali ang pag-open up tungkol sa iyong nararamdaman. 

Normal ang mahirapan sa pag-open up kaya heto ang mga tips na maaari mong sundan:

1. Pumili ng paraan ng pakikipag-usap na pinaka kumportable para sa’yo. 

Maaari itong maging face-to-face, chat, video call, o voice call. Hindi rin kailangan na may kasamang ibang tao. Maaari kang magsulat ng letter, mag-journal o diary, o kaya naman gumawa ng art. Pwede kang maging simple o creative, depende sa’yo. Nakakatulong ito sa pag-proseso ng nararamdaman para maging mas klaro ang gustong ipahayag. Ang mahalaga ay piliin ang paraan na komportable ka at makakayanan mong i-express ang sarili mo. 

2. Pumili ng angkop na lugar at oras. 

Para makapag-focus sa importanteng pag-uusapan, pwedeng pumili ng lugar na tahimik at may privacy para walang masyadong gambala. Siguraduhin din na hindi busy sa oras na pipiliin para present ang isipan ng bawat isa. 

3. Paghandaan ang sasabihin. 

Maaari itong ilista in advance at gawing organisado para sure na walang malilimutan sa gusto mong ipahayag. Pero tanggapin din na ‘di maiiwasang lumihis sa’yong nakaplanong sasabihin kaya maging flexible sa kung anumang pwedeng mangyari o puntahan ng usapan.  Ang importante ay mailabas mo ang pinaka punto ng gusto mong i-express sa klaro at epektibong paraan. 

4. Maging totoo sa iyong nararamdaman. 

Ang pag-express sa tunay mong nararamdaman ay pwedeng makagaan ng loob. Huwag mahiyang sabihin kung paano nakakaapekto sa buhay mo ang iyong nararamdaman. Pwedeng magbigay ng halimbawa at gumamit ng pananalita na maiintindihan ng kausap. 

Kung nahihirapang mag-open up, sabihin mo lang din. Normal ito at kung mabuti ang iyong tagapakinig, iintindihin ka niya. 

5. ‘Wag i-pressure ang iyong sarili. 

Kung mabigat na ang iyong emosyon at gusto mo nang huminto, okay lang ‘yun. Take your time. Hindi kailangan na sa isang upuan lang sabihin ang lahat. Intindihin mo rin ang iyong sarili. May mga bagay talagang hindi madaling aminin, lalo na sa iba. ‘Di kailangang i-pressure ang sarili kung ‘di ka pa ready. 

6. Maging mabuti sa sarili. 

‘Wag i-invalidate o isipin na walang saysay ang iyong nararamdaman. Tandaan na normal sa isang tao na makaramdam ng samu’t saring emosyon. Mahalagang maging mabuti sa kapwa, pero mahalaga rin na maging mabuti sa sarili. Kung maintindihin ka sa mga tao sa paligid mo, syempre dapat sa sarili mo rin. 

Kung sa’yo naman nag-open up ang ibang tao…

Tandaan ang golden rule: Gawin sa kapwa ang gusto mong gawin din sa’yo. Kung ikaw naman ang tagapakinig, tratuhin sila nang may respeto, pagtanggap, at walang panghuhusga. Tandaan ang mga tips na ito:

  • Laliman ang pag-intindi at maging mapagpasensya dahil maaaring nahihirapan din sila mag-open up.
  • Tulungan ang kausap na pangalanan ang kanyang emosyon.
  • Tulungan ang kausap na alamin ang pinanggagalingan ng kanyang nararamdaman.
  • Maging present– sa pisikal, emosyonal, at mental na aspeto.
  • Panatilihing kompidensyal ang impormasyong nalaman. ‘Wag maging #Marites at ipagkalat o ikwento sa iba nang walang pahintulot.

Kung ikaw man ang taong gustong mag-open up o ang tagapakinig, ‘wag kalimutan ang boundaries o limitasyon mo. Sa oras na ‘di ka na komportable o wala kang mental space para dito, maaaring itigil o ipagpaliban ang usapan.  

#MalayaAkongMagingMASAYA

Ang pag-open up tungkol sa sarili ay hindi pagiging mahina. Ang kakayahan mong mag-express ng sarili ay lakas at nagpapakita rin ng tapang.

Kung magiging open at totoo ka sa nararamdaman mo, maaaring ma-inspire mo ang iba na maging open din tungkol sa kanilang sarili. Pwede itong magdala ng positibong pagbabago sa buhay ng isa’t isa o kaya naman mapalalim ang relasyon sa pamilya at mga kaibigan.

Kung ‘di mo pa nahahanap ang taong komportable kang mag-open up, ‘wag mag-give up. Marami ka pang taong makikilala na magmamahal at tatanggap sa’yo. Ang mundo’y puno ng pagmamahal at pagtanggap, at ang unang tatanggap at magmamahal sa’yo ay ang sarili mo.