Lilipat na ng school at papasok na ng Grade 11 si Dianne* sa susunod na pasukan. Kinakabahan siya at naiisip na “Paano kung mahirapan ako sa aralin?” “Paano kung walang pumansin sa akin?” Kapag naiisip niya ang malaking pagbabagong ito, kinakabahan siya at namamawis. Naisip niyang baka napapraning lang siya…
Ang anxiety ay normal na pangyayari na maaaring makaapekto sa buhay ng isang tao. Lahat ng tao ay nakararanas nito paminsan. Ngunit kung sobra, tumatagal, at paulit-ulit itong nararamdaman ay pwede itong maging nakababahalang karamdaman. Pero sa tulong ng pamilya at kaibigan—pati na rin ng gamutan, maaari itong i-manage.
Ano ang anxiety?
Ang anxiety o pagkabalisa ay ang pakiramdam ng matinding pagkabahala, agam-agam, at pangamba na may masamang bagay na mangyayari o na hindi mo magagawang i-handle ang isang sitwasyon kahit hindi pa ito nangyayari.
Ang mga pisikal na manipestasyon ng anxiety ay ang nga sumusunod:
- Kakaibang pakiramdam sa tiyan dulot ng sobrang kaba
- Matinding tensyon
- Panginginig
- Pagkahilo
- Pamamawis
Anxiety sa mga Teenagers
Normal lang para sa isang teenager ang makaramdam ng anxiety.
Ang mga teenager na nakakaranas ng puberty ay maaaring makaramdam ng anxiety dahil sa mga pagbabagong kinakaharap nila gaya ng emosyonal, pisikal, at pati na rin sa panlipunang aspeto. Kaya natural lang na makaramdam ng pagkabalisa o maging anxious sa mga pagbabagong ito.
Ang isang teenager ay posibleng makaramdam ng anxiety sa mga kadahilanang ito:
- Pagpasok sa bagong baitang o pagpasok sa high school o senior high school
- Pagbabago sa katawan at itsura
- Pakikipagkaibigan o pagiging “belong” sa mga kaibigan
- Pagkakaroon ng crush o pisikal na atraksyon sa iba
- Pagsisimula o pagtatapos ng isang relasyon–romantiko man o hindi
- Pagdalo sa mga salo-salo o simpleng pagrereport sa klase
- Mga bagong responsibilidad
- Pera at pag-iisip tungkol sa future career
- Pagtuklas o pag-aalinlangan sa sexual orientation at/o gender identity
Hindi naman parating masama ang dulot ng anxiety sa mga kabataan. Kung minsan ay mainam rin itong maranasan para mapaghandaan mong harapin ang mga pagsubok sa iyong pagtanda.
Kailan Nakakabahala ang Anxiety?
Kapag sobra ang anxiety na nararamdaman, lubha itong nakababahala kaya marapat lamang na bantayan ang mga senyales na ito:
- Hindi matigil o makontrol na pag-aalala at palagiang kaba at pagkabalisa
- Pagkabalisa o anxious na tumatagal ng linggo hanggang buwan o higit pa
- Lubhang naaapektuhan ang pang araw-araw na pamumuhay dahil sa anxiety
Ang mga sintomas na ito ay maaaring mauwi sa anxiety disorder kung hindi maaagapan.
Iba’t-ibang Uri ng Anxiety Disorder at mga Sintomas Nito
- Generalized Anxiety Disorder (GAD): Paulit-ulit at pangmatagalang pagkabalisa, higit sa normal na pag-aalala at tensyon kahit wala namang dapat na ikabahala.
- Obsessive-Compulsive Disorder (OCD): Obsessions (paulit-ulit at ‘di kanais-nais na pag-iisip), at compulsions (paulit-ulit na kilos). Madalas ay may sistemang laging ginagawa o sinusunod ang taong may OCD ngunit ito ay temporary relief o panandaliang kaginhawaan lamang.
- Panic Disorder: Hindi inaasahan at paulit-ulit na “episodes of intense fear” o labis na pagkatakot.
Kasama rin dito ang mga pisikal na sintomas gaya ng: paninikip ng dibdib, mabilis na tibok ng puso, kinakapos ng hininga, pagkahilo, at/o pananakit ng tiyan.
- Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD): Maaaring makaranas nito ang isang tao pagkatapos niyang sumailalim sa isang traumatic na karanasan kung saan labis siyang nasaktan sa pisikal, emosyonal, sikolohikal, at mental na paraan.
Ang mga sintomas nito ay vivid flashbacks o pakiramdam na ang traumatic event ay nararanasan ulit, bangungot, labis na pagkanerbyos at pagkabalisa. Pati na rin pisikal na manipestasyon kagaya ng pagpapawis, pagsusuka, pagkahilo, at panginginig.
- Social Phobia (Social Anxiety Disorder): Labis at nakakaapektong anxiety o pagkabalisa at matinding self-consciousness sa araw-araw na pakikihalubilo sa iba. Pwedeng ang taong mayroon nito ay takot lamang sa iisa o piling mga sitwasyon katulad ng pagkain sa harapan ng iba, pagre-recite, o pagbibigay ng speech. Ngunit mayroon ding severe o malalang uri nito kung saan ang isang tao ay nakakaranas ng labis na anxiety kapag may kasamang ibang tao.
Ang mga ganitong sintomas ay maaaring isangguni sa isang school counsellor, psychologist o counsellor na may sapat na kaalaman tungkol sa child and adolescent mental health, pati na rin sa iba pang pasilidad na nagbibigay ng mental health services. Pwede mo ring subukang kausapin muna ang iyong mga magulang o sino mang pinagkakatiwalaan mong nakatatanda, para matulungan kang kumunsulta sa isang espesyalista.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Kapag pakiramdam mo ay nao-overwhelm ka na ng napakadaming thoughts, huminto ka saglit at huminga. Normal lang ang makaramdam ng anxiety at mapraning pero huwag itong hayaang makaapekto sa iyong buhay. Kaya hingang malalim! Kaya mo ‘yan!
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.